Guy's POV

15 0 0
                                    

                Hindi ka makapaniwala sa ginawa ng babaeng nasa harapan mo ngayon. Hindi mo akalaing may gagawa ng ganun sa iyo. Nakaupo na siya ngayon sa harapan mo at ‘di mapakali kaya medyo natawa ka na naging dahilan para mas mahiya siya. Napangiti ka na lang at inisip kung bakit ngayon mo lang nakita ang babaing ito sa bar.

            Mahilig ka din kumanta dati simula bata ka hanggang sa nagbinata ka na. Noong nasa kolehiyo ka ay bumuo ka ng banda at kahit kakaumpisa niyo pa lang ay maraming bar na ang kumukuha sa inyo. Maayos ang lahat hanggang sa dumating ang araw na nagpabago ng buhay mo. Gumising ka na lang isang araw at wala ka nang marinig. Lahat na ng klase ng tests ay ginawa sa iyo, blood test, hearing test, kahit CT scan at MRI ay ginawa na sa iyo pero hindi malaman ng mga doctor ang dahilan ng biglaan mong pagkawala ng pandinig. Pinagpalagay na lang nila na baka ang sanhi ng pagkabingi mo ay dulot ng malalakas na tunog na nililikha at naririnig niyo kapag tumutugtog sa mga bar. Hindi na raw bago ang nangyari sa’yo, maraming kaso na rin ng sudden deafness ang hanggang ngayon ay hindi malaman ang dahilan at dahil sa hindi kayo ganon kayaman ay hindi na kayo nagpatingin pa sa espesiyalista sa pag aakalang baka bumalik din naman ang pandinig mo dahil sa mga nabasa mong kuwento ng ibang nabiktima ng sudden deafness na ngayon ay nakakarinig na. Pinilit mong maging positibo sa kabila ng nangyayari sa’yo. Sa paglipas ng linggo, buwan at taon ay napapansin mong unti-unting nagbabago ang lahat. Ang mga taong inakala mong hindi ka iiwan ay iniwan ka. Hindi ka na rin umasa na makakarinig ka pa ulit.

            Bigla kang nagulat nang may makita kang kamay na kumakaway sa harapan mo. Pagtingin mo sa babae ay nakangiti siya pero may bakas ng pagtataka sa mga mata niya. Kanina ka pa siguro nakatulala at ‘di mo napapansin kung may sinasabi ba yung babae sa harapan mo. Nagsorry ka sa kanya at nginitian ka lang niya. Biglang may naalala ang babae at tumayo at sinabing maghintay ka lang daw at may kukunina siya.

            Napansin mong kumukuha siya ng pagkain at natuwa ka sa ginawa niya. Simula noong nabingi ka ay hindi ka na pumupunta sa mga lugar na nagpapaalala sayo ng pagkanta at pagtugtog ng banda niyo. Pero kada dumadaan ka sa bar na ito ay ‘di mo maiwasang mapangiti dahil dito kayo unang tumugtog at nakilala. Matagal bago mo napagdesisiyunang pumasok ulit sa bar at sa pagpasok mo ay bumalik lahat ng alaala. Kasabay ng mga alaalang iyon ang lungkot at ang katotohananang hindi mo na mauulit ang mga ginagawa mo noon. Simula noon ay araw-araw ka nang tumatambay sa bar, hindi mo man aminin sa sarili mo ay naiinggit ka sa mga banda na gabi-gabing tumutugtog kaya naman kapag nasa loob ka na ng bar ay pilit mong iniiwasan ang mga tao sa loob at hindi binibigyang pansin ang mga kumakanta o tumutugtog sa stage dahil ano pang saysay sa panonood kung hindi mo naman sila naririnig. Sa totoo lang ay ‘di mo din alam sa sarili mo kung bakit patuloy ka pang pumupunta sa bar kung wala ka rin namang ginawa doon kung hindi kumain at tumambay na tulad lang din ng ginagawa mo sa bahay niyo. Siguro nga hindi ka pa nakakamove on kahit ilang taon na ang nakalipas simula noong mabingi ka at hanggang ngayon ay patuloy ka pa ring umaasa na balang araw ay magagawa mo ulit ang mga bagay na hanggang ngayon ay gustong gusto mo pa rin gawin. Ang pagpunta sa bar na ito ay ang parang pag-asa mo o ang natitirang bahagi ng nakaraan mong gustong balikan na tila ba na sa bawat gabi na andito ka ay parang may isang bagay na tutulong sa’yo na bumalik sa dati at maging buo muli. At siguro ito na ang araw na muling magbabago ang buhay mo.

            Bumalik na ang babae sa harap mo na may dalang pagkain, ang pagkain na parati mong inoorder. Nakatingin ka lang sa kanya habang inaayos niya sa lamesa ang pagkain. Iniisip mo na kaya ‘di mo siguro napansin agad ang babaeng ito noon ay dahil sa pagiging loner mo at masyadong pagiging takot sa mga bagay na ‘di mo handang tanggapin sa iyong sarili na tuluyan mo nang inilayo ang sarili mo sa mga nangyayari sa iyong paligid sa pagaakalang wala rin namang makakaintindi sa nararamdaman mo. Mas pinili mong mamalagi sa sariling mong mundo kahit na gustong gusto mong makalaya at ibalik sa normal ang lahat na hindi mo magawa dahil bingi ka na.

            Lucy. Lucy ang pangalan niya. Nagkamali pa siya sa huling letra at imbis na letter “Y” ay I love you ang nagawa niya. Nagtaka ka nung una pero nagets mo naman agad kaya natawa ka at medyo napahiya siya kaya namula ang kaniyang pisngi. Kahit hindi pa siya ganun kagaling mag sign language ay makikita mo sa kanya na gusto talaga niya matuto at hindi agad siya sumusuko.

            Liwanag. Iyon ang ibig sabihin ng pangalan niya. Liwanag na pakiramdam mo magbibigay daan sa’yo palabas sa mundo mo na binalot mo sa kadiliman. Bingi ka hindi bulag pero pakiramdam mo ay matagal ka naging bulag at nagmaangmaangan sa mga bagay sa paligid mo. Andiyan lang pala sa tabi mo ang magbibigay liwanag sa buhay mo pero pinili mong hindi ito pansinin. Ngayon nasa harap mo na ito at kahit wala ka mang naririnig ay nararamdaman mo ang sayang nararamdaman niya. 

            Signs. Siguro nga ‘di kayo agad magkakaintindihan sa sign language pero sa tingin mo isa itong sign na nagpapahiwatig na hindi lahat ng bagay ay agad mong makukuha o makakamit dahil kailangan mong magsikap at maging pursigido para maabot ang mga ito.

SignsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon