ypographical errors ahead!
**************
Napatingin ako sa labas ng bintana at nakitang malakas ang ulan, napakalamig sa pakiramdam ang hangin na dulot nito. Kailan ko kaya muling makikita ang haring araw? Nakakasawa na din minsan ang mga patak ng ulan na minsan na ring nagpasaya sa akin.
"Napakalalim ata ng iyong iniisip, mahal ko." Napabalik ako sa reyalidad ng marining ang tinig na iyon.
"Nakauwi ka na pala, halika at maghapunan na tayo?" Ata ko kay Raven. Ang aking kasintahan.
"Ayos ka lang ba? Bakit tila ang tamlay mo?" Tanong niya na ikinangiti ko.
"Huwag ka mag-alala at ayos lang ako, halika na." Pumunta kami sa kusina, naghain ako ng aming kakainin habang si Raven ay tahimik lamang na nakamasid sa akin.
"Kain na." Wika ko ng ipagsandok siya.
"Napakaswerte ko at ikaw ang ibinigay sakin ng Diyos. Araw-araw akong nagdadasal bilang pasasalamat sa biyayang kanyang ibinigay." Wika nito at hinawakan ang aking kamay na nakapatong sa lamesa.
Hindi mo alam kung gaano din ako kasaya na ikaw ang ibinigay sa akin, mahal ko. Habang buhay ko ata ipagdarasal na sana, sana ay sa akin ka hanggang dulo.
"Kaisha, samahan mo ako sa kapilya, nais kong makausap ang ating ama na siyang lumikha." Bakas ang pagkasabik sa kanyang tinig.
Tumango lamang ako bilang hudyat ng aking pagpayag. Matapos kumain at linisin ang aming pinagkainan ay masaya kaming nagtungo sa kapilya, magkahawak-kamay na tila ayaw bitawan ang isa't-isa.
"Kaisha, mahal ko..." Tawag nito sa aking pangalan at tinignan ako sa mata. "Magiging saksi ang lugar na ito sa mga pangakong bibitawan ko para sa iyo. Nawa'y dinggin muli ng ating Diyos ang aking pagsusumamo." Ani Raven.
"Hindi lang ikaw mag-isa ang mangangako, at sisiguraduhin kong matutupad natin iyon." Sambit ko.
Payak lamang itong ngumiti saka lumuhod, sumunod ako sa kanya at ginaya ang kanyang ginawa. Ito ang isa sa pinagkakasunduan namin ni Raven, na bukod sa aming sarili ay isasabay namin ang Panginoon sa aming pagmamahal.
Pumikit ako at dinama ang kapaligiran, tahimik at tanging patak lang ng ulan ang maririnig. Nagsimula akong manalangin.
'Panginoon, lubos-lubos ang aking papuri at pagsamba sa iyo. Narito akong muli sa iyong harapan, buong puso na magpapasalamat sa mga biyayang inyong ipinagkaloob sa amin ni Raven. Nawa'y patatagin niyo pa ang aming pagsasamahan.'
Naalala ko pa noon, na kahit anong problema ang dumating sa amin, hindi iyon nagtagumpay na sirain ang aming pag-iibigan, bagkus ay pinatatag pa nito ang aming pagmamahalan.
'Panginoong Diyos, lubos akong humihingi ng kapatawaran sa aming mga kasalanan. Sa pagkakasalang iyon ay lubos akong nagsisisi.'
Isang beses ko siyang tinalikuran, noong mga panahong lugmok ako sa aking problema. Ngunit nandiyan si Raven, nagpapaalala na hindi ako tatalikuran ng siyang Amang lumikha sa akin, at papatawarin niya ako. Siya ang nagmulat sa akin na huwag sumuko sa laban.
'Hayaan niyo akong paglingkuran kayo ng bulong puso, kasama ko si Raven na tatanggapin kayo, bilang aming tagapagligtas at mamuno sa aming puso. Amen.'
Dahan-dahan kong minulat ang aking mata, masarap sa pakiramdam ang pagkausap sa Diyos. Hindi ako magsisisi na tinanggap ko siya sa aking puso.
Tumingin ako sa aking katabi ngunit wala akong nakita doon kundi ang blangkong upuan. Nasaan ka, mahal ko? Luminga-linga ako sa kabuoan ng kapilya, ngunit wala ni anino ni Raven ang aking makita.
Pinaglalaruan niya nanaman ba ako? Bakit nga ba hindi ako masanay na sa tuwing ipipikit ko ang aking mata at muling imulat ay walang Raven akong makikita?
Umuwi ako sa aming tahanan mag-isa, nagbabaka-sakaling doon siya ay matagpuan, ngunit bigo ako. Pagod akong nahiga sa kama, pinapakiramdaman ang sarili.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal natulog, basta nagising na lang ako na basa ang aking pisnge mula sa pagluha. Naulit nanaman.
Kailan ba mawawala ang ganitong eksena? Halos araw-araw na lang ay umiiyak ako pagkagising. Hindi ko alam at sa anong dahilan.
Muli kong naalala si Raven, nagmadali akong lumabas ng solid at nagtungo sa kusina. Ngunit laking dismaya ko ng walang makita doon maliban sa iilang kagamitan. Hinanap ko na siya sa buong bahay ngunit wala pa din.
Isang litrato ang nakaagaw sa aking pansin, litrato na kasama ang mahal ko. Bumuhos ang libo-libong alala kasama siya. Para akong sinampal ng katotohanan...
Na wala na si Raven...
Namatay siya sa mismong kapilya kung saan ako nanggaling kagabi, nilapastangan siya sa harapan ng Diyos. Wala man lang akong nagawa, mas pinagtuunan niya ang pansin ang kalagayan ko kahit siya ang nasa kapahamakan.
Kung sana lang nakaya kong manlaban, sana ay kasama ko pa siya hanggang ngayon. Kung hindi sana ako nagpumilit na lumabas kaagad ng kapilya, hindi siya masasaksak.
Tanging imahinasyon ko na lang pala ang bumubuhay sa kanya, tanging imahinasyon ko na lang pala ang umaalaa sa mga panahon na masaya kaming magkasama...