Part 4 Supling ng malikot na isip

46 0 0
                                    

BANAL NA ARAL

Umiiyak ang puso sa langit,
Banal na aral lagi mong binabangit
Kamay na may dugo
Dilang may patalim ang gamit.

Mula sa lupa'y tumatangis
Ang mga dugong nakadanas ng hinagpis
Inaakay ka rin ng kapwa mo bulag
Isang ahas sa luklukang mataas.

Lahi sa lahi ang nagtutuos
Nagtatalo sa iisang utos
Kay rami nyo bang Diyos
Katotohana'y di nyo matalos.

Mga litanya mong hungkag
Mga doktrinang basag
Nasubok mo nabang mag-abot
Nakaranas ka na ba ng hilakbot.

Marami pa bang dugo ang kailangan
Hindi ba't sapat na ang isang inalay
Pagmasdan mo ang sarili mong kamay
Bago ka umusal ng dasal.

Luhang mula sa langit
Mabatid nyo nawa ang nais
Kapayapaa'y di makakamit
Sa pagkitil ng isang kapatid.
------------------------------------------------------------------

TATLONG OBRA NG ANGHEL NA SINUMPA


Obra ng Paglikha

Ikaw na makapangyarihan Lumilikha mula sa kawalan Ano pa't tyan mo'y kumakalam
Hindi nararapat kalagakan
Ng Haring may lalang.

Kung sa kawala'y kayang lumikha
Simpleng pagkain di mo ba kayang gumawa?
Heto ang bato sa iyong harap
Lumikha ka ng tinapay na walang kasing sarap.

Hindi ba't kay inam kumain
Kung ang tiyan ay dumaraing?
Ang mga aso nga sa labasan
May mumung nakalaan.

Isang kataga mo lamang ang kailangan
Upang kahihiya'y di na maramdaman
Manlilikhang gutom?
Kapangyarihan mo'y nasaan?

Obra ng Pagtitiwala

Halika dito sa tugatog
Mag-ingat ka't baka ika'y mahulog
Ako'y wag mong alalahanin
Mahulog man ako'y hindi dadaing
Kahit pa ako'y iyong itulak
Paa ko'y sa alabok di sasayad.

Ano pa't bakit nga ba ako nangangamba
Kay dami mo nga palang anghel na gwardia
Masalo ka nga kaya nila?
Ililipad na parang agila?

Natatakot ka bang iapak
Ihakbang ang mga panyapak?
Dito sa bangin
Iyong subikin
Kung sa pagbagsak ba'y di ka dadaing.
 

Obra ng Pagsamba

Masdan mo ang sanlaksang yaman
Tanawin mo ang lawak ng aking kaharian
Hindi ba't ikaw ay kayang lumalang?
Ano pa't kasuotan mo'y tila basahan?

Ang aking mga taga-sunod
Walang mararanasang pagod
Di nila dadamhin ang pagsubok
Di sila sapilitang susunod
Isa lamang ang sa kanila'y utos,
Ang simpleng pagluhod.

Asaan ang iyong yaman?
Asaan ang iyong kaharian?
Oh, dakilang lumalang
Korona mo'y nasaan?
 
Simpleng pagluhod
Nag-iisa kong utos
Lahat ng pasakit mo'y matatapos,
Pako sa kamay mo'y di na itutulos.

-------------------------------------------------------------------

† SANDALI NG KATAHIMIKAN †


Sa sandali ng katahimikan,
Habang nakamasid ang mga piping saksi
Umiingay ang mga kaisipan sa iyong utak,
Nagkakabuhay ang mga agam-agam.

Nabubuo ang isang mundo
Nang galit at hilakbot
Nang agam-agam at takot
Sa isipa'y kadiliman ang lumulukob.

Pinagmasdan mo ang iyong kamay
Nakikita mo ang talim ng galit
Isang imahe ng naipong pasakit,
Kumakawalang pilit, katawa'y nanginginig.

Sa sandali ng katahimikan
Pipikit ang moralidad
Tatalikod ang awa
Iaalay sa lupa ang dugo ng itim na tupa.

----------------------------------------------------------------------

KANDILA


Sumasayaw ka sa saliw
Nang tahimik na himig.
Umindayog sa musikang hatid
Nang malamig na hanging
Pilit humahaplos
At kumikitil
Sa nalalabing alab ng pag-asa
Sa'yong katauhan.
Kamusmusa'y itinataya
Para sa kaunting liwanag.

Buong yumi mong ipinamamalas
Sa laksang kadiliman

Ang iyong munting pangarap,

Ang mga kilos mo't gilas,

Ang ritwal ng iyong pagsayaw,

Ang sayaw ng pamamaalam.

Sila'y naaakit
Sa bawat indayog.
Di namamalayang bawat kibot
Luhang kumikitil ang dulot.

Ang kamusmusan mo'y unti-unting nauupod
Kasabay ng paglamlam
Nang pag-asang nalalabi
Habang sila'y nagkukubli
Sa pagnanasa ng gabi.

Pumapatak ang pigil na pagtangis


Nauupod ang pag-asa


Nilunod ng alak ang awa

Ibinuga sa usok ang katinuan.


Hatid ng iyong luha ay pagnanasa.


Ikaw na nagsusumamo ng liwanag
Sa kandungan ng dilim napadpad.

-------------------------------------------------------------PULA SA LUPA

Tumatangis mula sa lupa
Ang dugo ng biktima
Mga pulang luha
dumadaloy sa mukha
Niyang minsan sa hardin
Ay nagpatirapa.
Paghihirap ay nabaliwala.

Iisang pulang bigkis
Ang sa ati'y pilit naglalapit
Ano pa't talim ng galit
Hindi pa din maiwaglit.
Ngipin sa ngipin
Mata sa mata,
kamay mo'y balot ng pula.

Iisa ang pinagmulan
Ng pulang batis
Na dumadaloy sa ating laman.
Bakit 'di tayo magkaunawaan
Kulang paba ang pagkapula ng lupa?
Mahirap ba talagang umunawa?

Di pa ba sapat
Ang pulang mantsa sa palad?
Ilang bata pa ba ang iiyak
Ilang kinabukasan pa ang mawawasak?
Bago imulat ang mata
At matuyo ang pula sa lupa.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 25, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mga tulang pag-ibig ng mga simpleng tao..By mind_FREAKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon