Kabanata 5

29 6 0
                                    

Bryan

Marami na akong nakasalamuhang iba't ibang uri ng babae simula nang lumuwas ako rito sa Maynila, ngunit wala ni isa man sa kanila ang nagparamdam ng kakaiba—maliban lang sa isa. Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa babaeng inabutan ko ng kaniyang order para bigla na lang bumagal ang takbo ng oras at kilos ng mga tao—pati na rin naming dalawa—nang magtama ang aming paningin. Walang nakalagay na kahit anong kolorete sa kaniyang mukha, pero nakakabighani ang ganda niya.

Ilang minuto lang kaming magkatitigan ngunit nakabisado ko na agad ang hitsura niya—makinis ang katamtamang kulay ng kaniyang balat; sakop ng buo kong kamay ang maliit na bilugan niyang mukha; maganda ang pagkakakurba ng kilay; natural ang mahabang pilik-mata; magkatulad ang kulay ng aming mata ngunit may kaitiman ang kaniyang balintataw; nakaumbok ang pisngi niya na kahit hindi hawakan ay alam kong malambot; matangos ang maliit niyang ilong at ang tungki nito ay bahagyang nakausli; mamula-mula ang medyo malapad niyang labi na katulad sa mga artista.

Sabi ng mga katrabaho ko ay regular customer siya sa shop, pero bakit ngayon ko lang siya nakita?

     "Hoy!" Muntikan na akong malaglag sa inuupuan kong mono block nang gulatin ako ni Michael. "Ano na? Tulala ka r'yan." Inakbayan niya ako saka sinilip ang ginagawa ko. "Aha! Sino 'yan? Sino si Sav—" Tinapik ko ang kaniyang noo, magkasabay na isinara ang lahat ng tab sa computer at ang maliit kong notebook.

Mag-aalas dose na ng madaling araw ay narito pa rin ako sa computer shop. Pagkauwi ko galing trabaho, pumunta ako rito upang pag-aralan ang tamang pagbigkas ng mga inumin at pagkain sa coffee shop. Lagi akong pinagtatawanan ni Savina ('yung babaeng regular customer) tuwing nauutal at nagkakamali akong banggitin ang mga order. Kaya nang magkaoras, hinanap ko sa internet ang tamang bigkas ng mga salita, isinulat ko na rin dito sa notebook para hindi ko makalimutan.

     "Wala."

Sumingkit ang kaniyang mga mata na tumitig sa akin saka ngumisi. "Sus, wala raw? Kitang-kita kong tinititigan mo 'yung profile pic nu'ng babae." Hinila niya ang upuan at umupo sa tabi ko. "Sino 'yon, 'tol? Mukhang chiks 'yon, ah."

     "Wala nga," natatawang sabi ko dahil para siyang batang todo siksik makita lang ang pinapanuod. "Gago, galit na si Travis de la Mora." Huminto si Michael sa pangungulit nang marinig ang sinabi ko. Hindi ko pa siya nakikitang magalit, pero dahil sa kaniyang titig at boses na malalim at pagiging seryoso ay parang hindi mo gugustuhing makita—iyon din ang sabi nila.

Sunod-sunod ang chat niya, magkahalong mura at pinagmamadali kaming mag-log in sa account na lalaruin namin para makapagsimula na raw. Sabado at may oras pa naman kaya nang magkayayaan ay pumayag ako. Hindi lang kami agad nakapagsimula dahil kinailangang bumalik ni Michael sa Talyer upang tumulong sa pag-ayos ng sasakyan.

Habang hinihintay makapag-log in si Michael, ibinalik ko sa homepage ang social media ko. Aaminin kong hinanap ko ang account ni Savina. Medyo nahirapan ako dahil hindi ko alam ang buo niyang pangalan, mabuti na lang ay naisip kong hanapin sa list of friendships ng katrabaho kong si Emman. Wala namang ibang dahilan iyon, gusto ko lang malaman kung ano ang ginagawa niya at antas ng buhay—at ang mga katulad niya ay dapat iniiwasan.

     "Alam mo, 'tol... ayos lang kung magmahal ka ulit. Isang taon din naman na ang nakalilipas," sabi ni Michael at tinapik ang balikat ko, nakangiti siya nang seryoso. "Kaya simulan mo nang dumamoves kay Sa... Sav— Sino nga 'yon?"

Pumalatak ako. "Gago nito. Wala nga 'yon. Tara na. Magsisimula na, oh. Pumili ka na ng hero mo." Hindi na siya nangulit at nag-focus na sa lalaruin namin. Isa ito siguro sa naging magandang nangyari sa akin nang lumuwas ako, ngayon ko lang naranasang maglaro ng computer games dahil nang nasa probinsya pa ako ay wala akong oras para dito. Kailangang tumulong sa bukid at wala rin naman kaming pera upang magkaroon ng ganito.

PIS #3: His Perfect MatchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon