Kabanata 13

28 7 0
                                    

Bryan

"Siguradong ayos lang po ba kayo?" Nakailang ulit na ako ng tanong sa text at tumawag pa ako sa aking ina para malaman ang lagay nila, dahil pumunta na naman sa baryo ang mga negosyanteng gustong bilhin ang lupa sa amin; ginigipit na naman ang mga tao roon para tuluyan nang mapunta sa kanila ang tanging ari-arian namin, at matayuan na ito ng resort. "Mag-iingat kayo lagi, 'Nang. 'Wag na kayo sumama sa kanilang mag-rally baka mapaano pa kayo. Hayaan n'yo na sina Mang Romy, nakasisigurado naman akong hindi nila hahayaang kunin kung ano ang atin." Nang makumbinsing ayos lang sila, nagpaalam na ako, ngunit naalala kong malapit na ang graduation ng kapatid ko, itatanong ko sana kung ano ang gusto nitong regalo; pangalan pa lang niya ang nababanggit ko nang maputol na ang tawag. Hindi siguro narinig ang sinabi ko.

Ibinalik ko sa loob ng bag ang cellphone, isinuot ito paharap at tumayo sa inuupuan. "Manong, overpass lang," sabi ko sa kundoktor ng bus. Itinuktok niya ang hawak na barya sa bakal na hawakan sa itaas habang sinasabi ang lugar na pagbababaan ko.

Pasulyap-sulyap ako sa loob ng malaking campus nina Savina, nagbabaka sakaling makita siya o makasabay, medyo napaaga kasi ang pasok ko, sakto sa oras ng kanilang uwian.

Napahinto ako sa pag-akyat sa hagdan, naningkit ang mata nang makita ang isang babaeng nauuna sa akin na iika-ika at nahihirapang umakyat dahil may bandage ang kaniyang kanang paa.

Nang mapagtanto kong si Savina iyon, halos liparin ko ang layo naming dalawa malapitan lang siya agad. Alam kong siya ito dahil sa kaniyang tangkad na hindi pangkaraniwan sa mga babae, malaking backpack, at ayos ng buhok na nakaikot.

     "¡Ay, mierda!" sigaw niya na may kasamang daing nang hawakan ko ang kaniyang braso para ipaharap sa akin.

     "Ano'ng nangyari sa 'yo? Tatlong araw lang tayo hindi nagkita, nagkaganya'n ka na! Ang sabi ko mag-ingat ka, simple lang no'n, hindi mo pa magawa?" Sa sobrang pag-aalala at inis sa kaniya, hindi ko na napansing napalakas ang aking boses, napatingin tuloy ang ibang dumadaan sa amin. "May iba ka pa bang sugat o ano?" malumanay na tanong ko, hindi niya yata nagustuhan ang pagsigaw ko dahil magkasalubong ang mga kilay niya. "Ano pa'ng masakit sa 'yo?" Gusto kong tingnan ang braso niya pero mas suot siyang blazer.

     "This is your fault." Kumunot ang aking noo. Naintindihan ko ang sinabi niya, ngunit hindi ko maintindihan kung bakit ako ang may kasalanan. Ano ang ginawa ko? Iniwaksi niya ang kamay kong nakahawak sa kaniyang braso saka naunang naglakad.

Kahit naguguluhan sa inaakto niya, sinundan ko siya. Walang salitang kinuha ang bag na pinaglalagyan ng laptop na nakasabit sa balikat at ang backpack.

     "What are you doing? I don't need your help." Binalewala ko ang pagtataray niya, itinuloy ang pagsabit ng kaniyang mga gamit sa katawan ko. "Kaya ko sarili ang ko." Kinukuha niya ang mga bag niya ngunit hindi ko ibinigay.

     "Ihahatid na kita."

Sumuko siya sa pag-agaw at padabog itong binitawan. "Bakit mo ba 'to ginagawa?" pasigaw niyang tanong.

     "Kasi gusto kita!" Alam kong katulad niya, nagulat din ako sa naibulalas ko. Nanlalaki ang kaniyang mata at bahagyang nakabukas ang bibig, samantalang ako, pakiramdam ko nga'y bumabakat na sa balat ko ang pagpintig ng aking puso at naririnig sa kabilang kalsada ang lakas ng tibok nito. Bago pa siya makapagsalita, inunahan ko na siya. "Gusto kita... gusto kitang tulungan. Hindi kakayanin ng konsensya ko kung hahayaan lang kita." Gusto ko mang aminin na ang nararamdaman ko, 'wag na lang. Baka kapag sinabi ko, mawala siya—layuan o kaya nama'y iwasan niya ako. Okay na ang pakikitungo namin sa isa't isa, ayos na iyon, makukukuntento na ako sa kung ano ang meron sa amin.

PIS #3: His Perfect MatchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon