Kabanata 18

22 6 0
                                    

Bryan

Nang makarating sa tapat ng gate ng inuupahan ko, maraming tambay ang napatingin pagbaba ko sa sasakyan. Binati nila ako, inalok na tumagay ng alak na iniinom nila na tinanggihan ko. Lumapit ang isa sa kanila para tulungan akong ipasok ang mga pinamili ko—namin ni Savina—at nag-abot ng bente, hindi naman siya nanghihingi, gusto ko lang magbigay at pasasalamat na rin. Tuwang-tuwa naman sila dahil nadagdagan ang kanilang pambili, at sabay-sabay na nagpasalamat.

Tanging ang ilaw lang sa gate ang nakabukas kaya pagpasok sa loob, madilim ang buong kwarto. Binuksan ko ang ilaw, tumambad si Michael na nakahubad pang-itaas at mahimbing na natutulog. Inayos ko ang desk fan sa pagkatutok sa kaniya dahil nasipa niya ito.

Maingat kong ipinasok isa-isa ang mga dala ko saka itinambak na muna sa kusina. Inaantok at pagod na ako kaya bukas ko na lang aayusin. Uunahin ko na lang ang sariling linisin dahil maghapon akong nasa kalye. Maraming dumi ang kumapit sa damit at katawan ko, pero kahit ganoon—wala akong natanggap o narinig na reklamo galing kay Savina. O baka naman meron pero hindi niya lang sinabi? Ewan. Hindi ko na lang iintindihin.

Tinutuyo ko ng tuwalya ang basa kong buhok nang maupo sa manipis na kutson. Nakabili na ako ng bago at malaki-laki pa kaya hindi na sasakit ang katawan namin nito paggising sa umaga mula sa pagkakatulog. Inabot ko ang cellphone sa maliit na lamesa, tiningnan kung may text si Savina pero wala. Nagsisimula na tuloy akong makaramdam ng kaba. Sabi niya magte-text siya pagdating sa kaniyang condo, wala pa ba siya roon? Pero sa pagkakaalam ko, mauuna siya dahil mas malapit ang uuwian niya mula sa pinuntahan namin.

"Nakauwi na kaya s'ya?" mahinang tanong ko sa sarili. Kung wala pa akong matatanggap na text, ire-report ko na siya sa pulis o sa mga kaibigan niya. May picture ako ng plate number ng sinakyan, syempre, in case of emergency.

Sinabi niya naman na i-text ko siya kapag nakauwi na ako, kaya sinumulan ko na mag-compose ng message. Nasa kalagitnaan ako ng pagta-type nang makatanggap ng text mula sa kaniya. Nagpakawala ako ng malalim na hininga.

Ma'am Savina:
Hi! Nandito na ko sa condo.

Me:
Bat ngayon k lng nagtxt? Kararating mo lng ba? Ayos k lng ba?

Nai-send ko na ang text bago ko pa mapagtanto ang mga pinagtatanong ko. Ilang segundo lang, nakatanggap na ako ng reply galing sa kaniya.

Ma'am Savina:
Actually, kanina pa ko nakauwi hehe. I'm just busy fixing the things we bought, so I forgot to text you. Hmm, yes, I'm okay. Hbu?

Nakahinga ako nang maluwag, mukhang hindi naman niya napansin na masyadong natataranta pakinggan ang text ko. Pero... ano ang ibig-sabihin ng Hbu? Gusto ko pang maka-text si Savina, wala akong ideya sa huli niyang sinabi, kaya ginising ko si Michael na mahinang naghihilik para magtanong. Magaling 'to sa mga ganitong bagay.

"'Tol," tawag ko pero hindi siya gumalaw. "Michael, ano'ng ibig-sabihin Hbu? Ano 'yon? Uy, 'tol," panggigising ko sa kaniya na may kasama pang pagyugyog. Paulit-ulit akong nagtatanong, hindi siya tinitigilan, hangga't hindi siya nagigising.

"'Nu ba 'yon?" nakapikit at inaantok niyang tanong.

"Alam mo ba 'yong Hbu? Ano 'yon?" Nang hindi siya sumagot, muli ko siyang ginising. "Uy, 'tol. Sagutin mo na kasi 'yong tanong ko. Ano na nga 'yong Hbu?"

Kumamot siya sa kaniyang dibdib, nakapikit ang isang matang tumingin sa akin. "Ano'ng sinasabi mo?"

"Ano ang meaning ng Hbu?"

"Hbu? Galing ba sa text?" Tumango ako. "How about you meaning nu'n."

"Ahhh. Salamat, 'tol, salamat."

PIS #3: His Perfect MatchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon