Magkatabi silang naka-upo sa batuhan. Nakatambay sila malapit sa Escolta River. Nakatingin si Philbert sa nagkalat na kulay ng kahel, pula, at dilaw sa kalangitan. Napakaganda ng takip-silim.
"Anong nakikita mo?" tanong ni Emmylou na kumapit sa braso niya at inihilig ang ulo sa balikat niya.
"Maganda." Iyon lang sinabi niya na ang tinutukoy ay ang babae. "Maganda rin ang langit."
"Sana nakikita ko rin," puno ng kalungkutang sabi.
Naramdaman niya ang mga kamay ni Emmylou na humaplos sa pisngi niya.
Napakislot siya. Lumayo at nakaramdam ng kakaibang kaba. "Anong ginagawa mo?"
"Pasensya na..." Nabawi ng babae ang kamay. "Pero kasi... gusto ko lang makita sa imahinasyon ang itsura mo. Sa ganitong paraan, magkakaroon ako ng ideya."
Para siyang sinuntok sa tiyan. Parang gusto niyang masuka sa takot. Saka lang niya napagtanto ang katotohanan. Kung sakali man na nakakakita si Emmylou, kakausapin pa kaya siya nito? Magiging malapit pa rin ba sila sa isa't isa? Gusto niyang manlumo. Gusto niyang lamunin ng lupa.
Hinawakan ng babae ang pisngi niya. Hinaplos nito ang hugis ng panga, ilong, at mata niya. Hindi siya gumalaw. Pinabayaan na lamang niya ito sa gustong gawin.
"Hindi ko mabuo sa isip ko ang itsura mo," biro nito at tumawa.
Nadurog siya. Naluluha ang mga mata ni Philbert na walang sinagot.
"Sana... S-Sana talaga nakakakita ako... Gusto kitang makita," pagbubukas ng damdamin ng dalaga.
Pumaikot ang mga braso nito sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit. "Gusto kita Philbert."
Ito ang unang pagkakataon sa buhay niya na may nagtapat sa kaniya. Hindi niya alam kung anong gagawin. Hindi niya alam kung anong iisipin. Hindi niya makontrol ang mabilis na tibok ng puso.
"G-Gusto rin kita Emmylou..."
"Pero ang hirap ng sitwasyon." Lumayo sa kaniya ang babae. "Hindi ako nakakakita. Paano ang magiging kinabukasan natin? Gusto ko talagang makakita ulit. Iyon lang ang tanging hiling ko. Ayaw ko na... sobra na akong nahihirapan. Gusto kitang makita. Gusto kong makita muli ang mundo." Ang mga salitang iyon ay sinabayan ng mga luha.
Sumikip ang dibdib ni Philbert at muli itong kinabig payakap. "Makakakita ka ulit. Pangako, tutulungan kitang makakita ulit..."
"Ayaw ko sana. Ayaw ko talaga na makita mo ko. Pero isasatanbi ko ba ang pangarap mo para lang sa sarili ko?" ngunit iyon ang nasa isip niya.
"Paano? Hindi pa nga nangangalahati ang ipon namin ng nanay ko pang-opera sa mata ko," pag-aatubili ng dalaga.
"Magagawan natin iyan ng paraan. Pangako, tutuparin ko ang pangarap mo, Emmylou."
"At pagkatapos niyon, aalis na ako. Hindi mo na ako makikita," aniya sa isipan.
***
Hindi talaga magandang impluwensya ang grupo nina Adolpho, Carlton, at Usman. Alam niyang may ilegal na gawain ang mga ito. Bukod sa tricycle driver ay may palihim silang trabaho. Nagbebenta sila ng mga pinagbabawal na gamot at marijuana. Kumikita sila ng doble dahil malaki ang tubo sa ganitong mga negosyo.
Hindi niya gusto ngunit kailangan niya ng pera. Ito ang dinulot ng labis na pagmamahal niya kay Emmylou. Kaya nang gabing iyon, pumunta siya sa terminal at masinsinang kinausap ang tatlo.
"Huwag kang papalya rito! Kundi matotodas tayo," paalala sa kaniya ni Adolpho.
"Papayag kami na maging kapartner ka rito dahil p'wede kang mag-deliver sa mga oorder," dugtong ni Usman.
"Pero sinasabi namin sayo, Buktot. Kapag nahuli ka rito pati kami yari kaya 'wag kang papalpak," banta ni Carlton.
"Babayaran ka namin nang maayos. Baka kumanta ka pang bakulaw ka eh," tudyo pa sa kaniya ni Adolpho.
"Hindi, pangako. Kailangan ko lang talaga ng pera," aniya na tinaas pa ang kanang kamay.
Natawa si Usman. "Para ba ito sa babae mong bulag?"
Humagalpak na naman sila ng tawa. Bulag nga lang daw ang papatol sa kaniya.
Nilunok niya ang panunudyo nila. Inako niya ang lahat ng responsibilidad at pikit-matang nagtrabaho sa poder ni Adolpho. Ang lihim niyang ginagawa ay nagbunga ng malaking salapi.
***
"Ito na. Itago mo at ibigay sa nanay mo." Hinawakan niya ang kamay ni Emmylou at inilagay roon ang perang naipon.
"Gusto kang makilala ng nanay. Pumunta ka raw sa bahay." Nakangiting sabi sa kaniya nito. "Dahil sa tulong mo sa 'kin ay nakahanap kami ng magaling na Ophthalmologist. Nakapag-down payment kami para sa check-up at operasyon."
Napipi siya. Hindi niya alam kung paano sasagutin iyon.
"Philbert, ikaw ang unang kasintahan ko. S'yempre, gusto kang makilala ng nanay."
Hindi siya sumagot. Hindi niya maitatago sa ina ni Emmalyn ang nakakadiri niyang itsura. Ayaw niyang magpakita. "S-Siguro sa susunod na lang. M-Medyo maraming gawain sa trabaho eh," aniya.
Kinalungkot naman iyon ng dalaga. "Ganoon ba? Sa susunod na Lunes na ang operasyon ko. Makakapunta ka ba?"
"Hindi rin pala ako makakapunta sa operasyon mo. May lakad kami ng lola," palusot niya.
"Hindi bale, magkikita naman tayo ulit 'di ba?" Umaasa na tanong nito.
"Oo," pagsisinungaling niya, "Sa Plaza Lorenzo Ruiz."
Napawi ang lahat ng alalahanin at pangamba niya nang lumapat ang labi niya sa labi ng dalaga. Maikling panahon lang ang binigay sa kaniya ng Diyos upang maranasang magmahal. Sapat na sa kaniya iyon. Kontento na siya.
***
Naging matagumpay ang operasyon. Sa unang pagkakataon sa buhay niya'y nakita muli ni Emmylou ang liwanag ng mundo. Kumikislap sa luha at saya ang kaniyang mga mata nang yumakap siya sa ina at nagpasalamat sa butihing doktor na kumalinga sa kaniya.
Kinabukasan ay nagbihis siya nang maayos. Naglagay siya ng palamuti sa mukha at nasasabik na umalis sa bahay. Ito na ang araw na pinakahihintay niya. Makikita na niya ang mukha ng pinakamamahal. Makikita na niya si Philbert. Hindi na siya makapaghintay pa.
Natigilan siya sa pagmamadali nang makita ang nagkukumpulang mga tao sa kalye. May mga pulis at ambulansya roon. Nagkakagulo silang lahat at maingay na nag-uusap.
Nagtataka na lumapit siya sa likod ng mga ito at naki-usisa. Pinapaikutan nila ang isang pangit na lalaking nakahiga sa stretcher. May tumatagas na dugo sa katawan ng bangkay. Napangiwi siya at napasapo sa bibig nang makita iyon.
May mga pulis na lumapit sa patay at tinakpan ng puting kumot. Binuhat nila ang stretcher at pinasok iyon sa loob ng sasakyan.
"Grabe, anong nangyari?"
"Na-tokhang. Nagbebenta kasi ng drugs. Nanlaban daw kaya binaril ng mga pulis."
"Kawawang Buktot."
"Buktot?" tanong ni Emmylou sa isipan nang marinig ang mga bulungan. "Sino si Buktot?"
Nagkibit lang siya ng balikat. "Ano bang paki-alam ko sa Buktot na 'yan? Naghihintay sa 'kin si Philbert. Magkikita na kami ni Philbert." Nananabik at nagmamadali siyang naglakad patungo sa Plaza.
*WAKAS*
BINABASA MO ANG
Bungkos ng Kandili
Short StoryGenre: Short story, One-shot, Drama Sa isip ni Philbert ay mabuti pa ang mga lumang arkitektura at gusali. Iniingatan at nirerespeto ito ng mga tao. Pinahahalagahan nila ang mga matitibay na pader at bato na matatag na nakaligtas sa gera at kasaysay...