Sa paglalakad sa kahabaan ng kalye, pasulyap-sulyap siya sa bagong kaibigan. Sa kabila ng kapansanan nito, kabisado niya ang daan patungo sa sariling tahanan. Paano niya iyon nagagawa? Ang sagot ay sa pakiramdam lang.
Kailan siya natutong tumugtog ng gitara? Ang nagturo raw sa kaniya ay ang yumao niyang ama na mahilig sa musika.
Nag-aaral pa ba ang dalaga? Tumigil daw siya. Kapag nakaipon na raw sila ng pera at mapagamot ang kaniyang mga mata, magpapatuloy raw siya sa hayskul. Labing-anim na taon na si Emmylou. Matanda lang siya ng dalawang taon dito.
Pinanganak ba siyang may kapansanan? Hindi. Naaksidente siya nang nakaraang taon. Tumaklob ang bus na sinasakyan at isa siya sa mga pasaherong swerteng nakaligtas ngunit minalas na magkaroon ng pinsala.
Napagtanto ni Philbert na mas mahirap ang pinagdadaanan ng babae. Pinanganak siya na may paningin ngunit binawi sa kaniya iyon ng tadhana. Subalit ngumingiti pa rin siya at nagpapatuloy dahil hindi siya nawawalan ng pag-asang makakakita muli.
Pinagtapat din nito na bagong lipat lang sila at nanggaling sila sa probinsya. Napagdesisyunan ng kaniyang nanay na dito na lang sa Maynila maghanap ng trabaho.
Lahat ng impormasyon na nakuha ni Philbert mula sa babae ay itinanim niya sa utak at puso. Marami pa siyang gustong malaman tungkol sa kaniya. Hindi pa sapat ang isang hapon na kwentuhan nila.
Huminto sila sa kanto. Malapit na raw doon sa Estero dela Reina ang bahay ng babae.
"Sa Plaza Lorenzo Ruiz ako bukas tutugtog. Sana magkita pa ulit tayo. Ay, pa'no nga ba kita makikita?" Tumawa ulit siya.
"Sige. Pupunta ako sa Plaza, bukas."
"Gusto mo bang tumuloy muna sa bahay namin?"
"Huwag na," iling niya. Ayaw niyang makita pa ng ina ni Emmylou ang nakakapanindig-balahibo niyang kapangitan.
"Sige. Kung gano'n ay dito na lang..."
Natigilan silang dalawa. Hindi nila alam kung bakit parang ayaw pa nilang magkahiwalay. Gusto pa sana nilang mag-usap pero malapit nang dumako ang gabi. Wala silang oras. Hindi bale, may bukas pa naman. Aasa ang dalaga na pupunta ang binata. Aasa rin ang binata na makikita niya muli ang dalaga.
"Sige. Bukas sa Plaza, Emmylou," may pangambang paninigurado niya.
"Oo, bukas na lang, Philbert."
May tumawag sa totoo niyang pangalan. Tinatawag siya ng babae sa tunay niyang pangalan. Napakasarap sa pakiramdam.
Nagkahiwalay sila ng landas ngunit hindi ang kanilang mga puso. Nakangiti at parang lumulutang sa alapaap na naglalakad si Philbert pauwi. Sobrang saya niya kahit walang malinaw na paliwanag kung bakit.
***
Ngunit kung gaano ang kinasaya niya kaninang hapon ay siyang bagsak ng balikat niya ngayong gabi. Napabuntong-hininga siya habang nakapalumbabang naka-upo sa baitang ng hagdan.
"Sa'n ka ba nagpunta? Sabi ko eh, umuwi ka agad pagkatapos ng trabaho mo. Ang lamig na tuloy ng asado. Hindi na mainit. Nako, ikaw talagang bata ka."
Pag-uwi niya ay sermon agad ng Lola Petula ang natikman niya. Mabait naman ang lola niya at ito ang nagtiyagang nag-alaga sa kaniya. Si Lola ang tanging pamilyang mayroon siya.
Ang kwento ni Lola Petula, nang magpakasal ang ama niya sa ibang babae, buntis ang kaniyang ina. Nagtangka raw na magpalaglag ang nanay niya ngunit pumalya, at siya ang naging bunga.
Nang mailuwal daw siya at nakitang kakaiba ang mukha niya'y lalo raw siyang tinakwil ng nanay. Nang mag-isang buwan siya ay nagtangka itong lunurin siya sa drum. Pinigil ni Lola Petula at hiniwalay siya sa ina.
Mahapdi sa puso kapag naaalala niya ang kwento. Simula pa lang sa sinapupunan ay ayaw na sa kaniya ng sariling mga magulang.
"Anak, halika na. Maghapunan na tayo."
Bumaling ang pansin niya sa lola. Tumayo siya para puntahan ito.
"May sukli pa ba ako? Magkano itong asado?" tanong ni Lola Petula. Inurong nito ang silya at umupo sa harap ng hapagkainan.
"Opo, Lola. May bente pa kayo." Kinapkap ni Philbert ang bulsa. Namilog ang mga mata niya at napanganga nang makitang sobra-sobra ang salapi niya sa bulsa. Sa pagkakatanda niya'y bente pesos lang ang laman niyon.
"Bakit?" Napatingin sa kaniya ang Lola.
Namutla siya at nanlamig ang mga kamay nang mapagtanto kung saan galing ang pera na iyon. Nakalimutan niyang ibili ng tikoy at hopia ang mga tricycle driver sa terminal. Yari siya bukas.
***
Kinabukasan, bugbog sarado siya nang pumunta sa Plaza. Umaga nang bumalik siya sa terminal upang ibalik ang salapi ng tatlo. Nang makita siya ng mga ito'y, walang pasubali na hinila siya at pinagkaisahan sa tagong eskinita. Nagdulot iyon ng sugat sa gilid ng labi, at pasa sa noo. Sabi ni Adolpho sa kaniya'y bagay raw sa mukha niya iyon. Parang make-up daw.
Pero wala siyang pinagsisisihan dahil nakilala naman niya si Emmylou. Mamayang pag-uwi, saka na lang niya aalalahanin ang mga sermon ni Lola Petula dahil sa mga sugat at pasa niya.
Ngayon ay uunahin niya ang puso. Gusto niyang makita ang dalaga.
Tumalbog sa tuwa ang puso niya nang muli itong masulyapan. Tumutugtog ito ng gitara at kumakanta sa gitna ng Plaza. Hindi muna siya lumapit. Sumandal siya sa puno at pinanood ang babae.
Nakinig siya sa mala-anghel na boses. Tila pinagagaling ng magadang tinig na iyon ang puso niyang sugatan. Hindi na niya nadarama ang sakit at hapdi. Maayos na siya.
Nang matapos ang pag-awit nito ay lumapit siya. "Ang galing mo talaga, Emmylou," palakpak niya.
Lumaki ang ngiti ng babae at nagliwanag ang mukha. "Philbert!"
"Paano mo ko nakilala?"
"Sa boses mo."
Umabot yata sa tainga ang ngiti niya. "Uh... K-Kumain ka na ba?" kiming tanong niya na napahawak sa batok.
"Hindi pa nga eh."
"G-Gusto mo bang... Ano... l-libre ko," nauutal niyang yaya. Nais tuloy niyang pagalitan ang sarili dahil sa pagiging torpe.
Dito na nagsimula ang pagiging malapit nila sa isa't isa. Sa mga nagdaang araw ay madalas silang magkita upang mag-usap lamang at kumain nang sabay. Hindi maintindihan ni Philbert kung ano ang nararamdaman niya. Iba ang ligayang dulot ni Emmylou sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Bungkos ng Kandili
Krótkie OpowiadaniaGenre: Short story, One-shot, Drama Sa isip ni Philbert ay mabuti pa ang mga lumang arkitektura at gusali. Iniingatan at nirerespeto ito ng mga tao. Pinahahalagahan nila ang mga matitibay na pader at bato na matatag na nakaligtas sa gera at kasaysay...