2

59 16 22
                                    

Maringal ang paligid dahil sa mga kulay pulang dekorasyon. Ito ang pinakalumang China Town sa buong mundo na dinadayo pa ng maraming tao tuwing Chinese New Year. May naglalakad sa kanan, may naglalakad sa kaliwa. May papunta roon at may pabalik dito. Nagmula ang mga dayo sa iba't ibang dako ng Pilipinas. Dito rin madalas tumutungo ang mga Tsinoy.

Itinaklob niya ang hood ng jacket sa ulo. Mahigpit na hinila ang tali ng hood at nagsumiksik sa mga nagkukumpulang mga tao. Nakayuko siya kung maglakad, nakababa ang tingin sa espaltong lupa. Anupa't kinakahiya niya ang sariling itsura.

May nakabangga siyang tao. "Sorry!" aniya.

Napatingin ito sa kaniya at napatitig nang matagal. Umiwas siya ng tingin, muling yumuko at nagpatuloy sa paglalakad. Ito talaga ang pinaka-ayaw niya. Makakita ng matang nanghuhusga.

Inaasahan na niyang marami ang nakapila sa Salazar Bakery, pero hindi niya inaasahan na aabot sa labas ang pila. Napabuntong-hininga siya at humilera sa likod.

"At ngayon, nandiyan ka na

'Di mapaliwanag ang nadarama"

Sa pagpila'y napalingon siya sa pinanggagalingan ng kahali-halinang tinig. Sa kanto ng Sabino Padilla Street, may isang babaeng may hawak ng gitara. Morena ang kaniyang kutis, diretso ang postura ng katawan, mahaba ang kulot at nakalugay na buhok. Hindi siya gano'n kaganda ngunit hindi rin siya pangit.

"Handa ako sa walang hanggan

'Di paaasahin, 'di ka sasaktan"

Hindi niya alam kung bakit ngunit nagayuma siya ng magandang boses na iyon. Nakatitig siya roon at hindi namalayan na umurong na ang pila.

"Hoy." Kinalabit siya ng lalaking nasa likod at tinuro nito ang pila, saka lang siya umusog.

Bumalik ang tingin niya sa binibining umaawit.

Ang mga daliri ng dalaga'y halatang sanay sa pagkalabit ng gitara. Kahit hindi nakatingin sa instrumento, parang may sariling utak ang kaniyang mga kamay.

"Hindi nakatingin sa instrumento?" napaisip siya.

Saka lang niya napansin na ang mga mata ng babae'y nakatulala lamang sa hangin. Hindi ito kumukurap. Nakabukas lamang ang kaniyang mga mata at nakatingin sa unahan.

Ang kaniyang paghanga ay napalitan ng awa at simpatya. Napagtanto niya na hindi nakakakita ang dalaga.

May ilang mga dumadaan na humihinto at pinahahalagahan din ang musika na iyon. Minsa'y naghahagis sila ng barya sa lata ng babae.

Isang lasinggerong tambay ang napadaan. Akala niya'y magbibigay ng barya ngunit yumuko ito at walang pasubaling kumupit sa naipong salapi ng bulag.

Nanlaki ang kaniyang mga mata. Hindi siya makapaniwalang may tao sa mundo na kayang bumaba sa gano'ng lebel.

"Hoy! Balik mo 'yan! Magnanakaw ka!" Hindi niya napigilan ang sarili na sumigaw.

Ngunit dahil sa ginawa niya, napalingon sa kaniya ang mga tao. Nakalimutan niyang ayaw niya ng atensyon. Napahinto naman ang walang pusong manong at lumingon sa kaniya. Ang babae ay tumigil din sa pagkanta at paggitara.

"Anong sinasabi mong magnanakaw ha?" Gumanti si Manong ng salita. Siya na nga ang mali, siya pa ang galit. Pero ang mga taong katulad nito, hindi umaamin sa pagkakasala. Ayaw nilang nasisita. Mapagmataas kahit walang maipagmamalaki.

Bungkos ng KandiliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon