ANG ALAY

103 10 0
                                    

ALAY SA PATAY
Isinulat ni Alex Asc

(Exclusively written for Lingon sa kabilang dimensyon Channel)

NAGLULUKSA ang damdamin ko, dahil sa sinapit ng aking asawa na si Boyet. Napatay siya ng taong bayan. Nais pa nilang sunugin ang bangkay ni Boyet ngunit nagmakaawa ako sa kanila. Sinabi kong ipaubaya na lamang nila sa akin, total, patay na ang asawa ko.

Isang aswang ang asawa ko. Kahit ganoon man siya ay mabait naman siya. Kailanman ay hindi siya namiktima ng tao, ngunit ang nakakagimbal ay nagpapalit ng anyo si Boyet. Sinisikap kong itago at hindi mabunyag sa iba ang kaniyang lihim, pero dumating sa puntong may nakakita sa kaniya.

Naging katakot-takot ang kuwento ng mga kapitbahay tungkol sa kaniya. Denepensahan ko siya. Sinabi ko sa kanila na hindi siya namimiktima. Sa muling pagkakakita nila sa kaniya ay kinatakutan siya. Nagtakbuhan ang mga tao. Ang sinasabi pa nila ay kakainin daw sila ng aswang na si Boyet.

Dahil doon, nagkaisa ang mga tao. Kanilang hinuli si Boyet. Kitang-kita ng mga mata ko kung paano nila tadtarin ng itak ang katawan ng asawa ko. Kahit nagkatawang aswang iyon ay hindi lumaban, bagkus sinasangga lamang niya ang bawat pagtaga nila. 'Di kalaonan ay napatay na nga nila si Boyet.

Masamang-masama ang loob ko kasama ng mga anak kong puro pa maliliit. Iniyakan nila ang bangkay ng tatay nila. Doon ko na sana ilalamay sa bahay ang asawa ko ngunit dumating ang kaniyang mga magulang. Kukunin daw nila ang asawa ko.

Sa buong buhay ko ay saka ko lamang sila nakita. Hindi sa akin ipinakilala ni Boyet ang mga magulang niya. Dahil sila rin daw ay mga aswang. Hindi ko rin ninais makilala sila.

Nakipag-argumento pa ako sa kanila bago nila ako mapapayag na kukunin ang aking asawa. Ako nama'y hindi pumayag kung hindi ko makikita kung saan nila dadalhin at ano ang gagawin kay Boyet. Sumumpa silang mag-asawa sa akin na hindi nila kami sasaktan.

Sumama ako sa kanila at panandaliang iniwan ang aking mga anak sa aking mga kapated. Pagdating nga sa kanila ay kung ano-anong ritual ang kanilang ginawa. Madami ang bilang nila. Isang angkan na puro aswang, kaya't sobra naman akong kinikilabutan. Pinanghahawakan ko lamamg ang kanilang sumpa sa akin, na hindi nila ako sasaktan.

Naging maganda naman ang pakikitungo nila sa akin. Wala naman akong nakitang karumal-dumal nilang gawain, tulad ng pagpatay ng tao at pagkain.

Inilagak nila sa isang parisukat na salamin ang aking asawa at kinausap ako ng mga magulang niya.

"Alam mo bang sa ginawa naming rituwal ay maaari mong makapiling ulit ang iyong asawa." Nagtaka ako sa sinabi ng ina ni Boyet.

"Paano?"

"Kailangan natin alayan si Boyet. Isang tao ang magpapabalik sa kaniyang buhay."

Sandali akong natahimik bago nagsalita.

"Hi-hindi ko kaya! Ayaw ko!" Pumatak ang mga luha ko. Hindi na nila ako tinanong pa. Alam nilang hindi ko nagustuhan ang sinabi nila.

Nakahanda na ako sa pag-uwi. Namaalam na rin sa kanila. Ngunit may pahabol silang sabi.

"Kahit gaano katagal, maaari nating isagawa ang kasunod na rituwal. Mananatili sa poder namin ang bangkay ni Boyet, hindi mabubulok. Magsabi ka lang kapag handa ka na." Saka na ako tuluyang umalis.

Hinarap ko ang buhay nang wala si Boyet. Itinaguyod ko ang apat na maliliit na anak. Naghanap buhay akong mag-isa. Halos lahat ng klasi ng trabaho ay pinasok ko na, kumita lang para sa mga anak ko.

Tandang-tanda ko, hindi ako pinagtatrabaho ni Boyet, ni hindi niya ako pinapabuhat ng mabigat. Ganoon niya ako minahal. Sayang at wala na nga siya.

MGA KUWENTONG KABABALAGHAN - Volume 12Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon