ANG NAMBABATO

97 9 0
                                    

ANG NAMBABATO
Isinulat ni Alex Asc

Inihagis ni Kamelo ang ilang basurahan sa likuran ng kanilang bakuran. Sa wari magubat na bahagi.
Tapos ay nagpahinga na si Kamilo sa kaniyang duyan na nasa bakuran. Bagong lipat sila sa bayang iyon.

Biglang may humagis ng saktong sukat ng bato sa kanilang bubong. Tumunog nang malakas ang yero. Sa una binaliwala na lamang ni Kamilo at ipinagpatuloy niya ang pagpikit ng mata habang nasa duyan na kagagawa lamang niya.

Muli na namang naulit ang pagbato. Nagmulat na siya ng mata at iginawi ang paningin sa paligid habang nakahiga pa rin. Muli na naman siyang may nakitang naghagis ng bato sa kanilang bubongan. Kumulo na ang dugo ni Kamilo dahil mukang hindi na biro ang nagaganap. Mukang may naglalaro sa kanila.

Tumayo siya't sumigaw. "Hoy! Kung sino ka mang nambabato! Tumigil ka na kun'di susugurin na kita!" Nahinto ang pambabato kung kaya't tahimik siyang bumalik sa puwesto. Nahiga at nang iidlip ulit ay mayroon na namang hinagis na bato. Doo'y parang sasabog na sa galit si Kamilo.

Sinubukan niyang puntahan ang pinanggagalingan niyon. Sa likuran ng kanilang bakuran. Lumabas siya sa bakod niyang kawayan. Nakailang hakbang siya ay huminto siya. Masyado na kasing makipot ang daan. Punong-puno ng mga talahib, damo at Puno iyon. Hindi siya nakakasiguro at baka mamaya may bangin pa at malaglag pa siya. Kaya't huminto na lamang siya.

May nakita siyang bato at kaniyang pinulot. Hinagis niya sa kinahaharapan. Muli na naman siyang nakakita ng bato. Pinulot niya ulit at ibinato kung saan.

Umuwi na rin siya. "Pare, bakit may palaging nambabato dito?" tanong niya sa kapitbahay.

"Huwag mo na lang pansinin, pare. Baka mamaya engkanto o 'di kaya'y duwende," sagot ng lalaki. Napamaang na lamang si Kamilo.

Kinagabihan. Muling may nambabato sa kaniyang bahay. Nagising si Kamilo kung kaya't nainis na naman siya. Nakailang ulit pa ang pambabato. Tumayo na siya at kinuha ang baril at flashlight.

Kahit alanganin siya sa pupuntahan ay tinungo niya. Kaniyang sinuyod ang makipot na daan. Habang papalayo siya sa kaniyang bahay ay siya namang unti-unti niyang natatanaw ang maliit na liwanag sa lupa.

Tumama ang mga mata ni Kamilo sa mga maliliit na nilalang. Mga duwende at naghuhukay ang mga iyon. Hindi niya mawari kung ano ang hinuhukay pero may liwanag. Tila may gasera silang nagsisilbing liwanag.

Agad itinutok ni Kamilo ang baril at pinaputok nang ilang ulit sa kanila. Nagsialisan naman ang mga duwende.

Kinabukasan, ibinalita ni Kamilo ang nadiskubre sa mga kapitbahay niya.

"Pare, bakit mo binaril! 'yan kapag ginantihan ka kawawa ka!" anang palainom niyang kapitbahay.

"Sila naman kasi ang nanggugulo. Tahimik tayo dito ay babatohin ang pamamahay ko!" galit na sagot ni Kamilo.

"Pero kahit na! Wala kang laban sa kanila!" takot na bigkas ng isa pang kapitbahay.

"Mayroon! Nagsitakbuhan nga sila ng pagbabarilin ko, e. Natakot sila! Hindi kinaya ng powers nila ang baril ko ha-ha-ha!" halakhak pa ni Kamilo.

Paglipas ng ilang araw ay naging kapansin-pansin kay Kamilo ang kakaibang kilos. Wari wala sa sarili. Minsan bubulong o sasabihin ang salitang.  "Ang mga duwende! Sugurin sila!" Ngunit wala namang ginagawang aksyon si Kamilo upang tumungo roon.
Minsan natatawa na ang kaniyang kapitbahay dahil ikinakanta niya ang salitang.

"May duwending nambabato." Napapailing na lamang ang magkakapitbahay.

"Sabi na nga ba, e. Napakabilis nilang gumanti. Hayan at ginawa nilang baliw si Kamilo," anang palainom na kapitbahay.

MGA KUWENTONG KABABALAGHAN - Volume 12Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon