Prologue

40 2 0
                                    

Prologue

"Maria, tara na! Sumama ka na kasi, saglit lang naman tayo sa kainan. Maiintindihan naman 'yan ng papa mo," aya sa akin ni Gina.

Paano na naman kaya ako makatatakas mula kina Gina? Ayokong gabihin ng uwi at baka mag-alala si Tatay.

"Pasensya ka na, kailangan ko nang umuwi agad. Alam mo naman na matanda na si tatay at ako na lang ang nag-aalaga sa kanya kapag wala si Tiya," mahinahong paumanhin ko.

Nadismaya siya at bumagsak ang tingin sa sahig. "Sige na nga, sa susunod ay ako na talaga ang magpapaalam para sa'yo nang makasama ka," nagtatamopong tugon nito.

Bahagya akong tumawa dahil sa sinabi nito. "Sige na, sumabay ka na sa mga kaibigan natin. Mag-iingat kayo at huwag masyadong magpaabot sa dilim, ingat kayo!" paalam ko rito.

Tumakbo siya patungo sa mga kaibigan namin na may kalayuan na ang nalalakad. Ganito talaga ang buhay namin dito sa probinsya, lakad-lakad lang.

Sumalungat ako ng direksiyon, kung saan pauwi ng bahay. Habang naglalakad ay nakasalubong ko si Aling Nenita na naglalako ng paninda nitong mga suman at biko. Sinalubong ako ng matamis niyang ngiti.

"Hija, gusto mo bang bumili ulit para sa Tatay at Tiya mo? Nagtira ako ng dalawang suman para sa'yo," masayang bati niya sa akin.

Agad ko namang kinuha ang wallet ko galing sa bulsa. Nako, kulang ng limang piso. "Aling Nenita baka pwedeng umutang muna ng limang piso. Kinulang kasi 'tong dala ko ngayon, isang suman lang rin ang mabibili ko." nahihiyang sabi ko sa kanya.

"Sige ba, sa susunod mo nalang ibigay. Alam ko namang paborito ng tatay mo 'tong suman na inilalako ko at baka sa iyo pa magtampo 'yon," mabait na sagot nito habang inilalagay sa supot 'yung suman.

"Salamat po, ibibigay ko rin po agad iyong limang piso," pagpapasalamat ko dahil pumayag ito kahit pa limang piso ang kulang sa bayad ko.

"Wala 'yun! Oh sige, baka abutin ka na ng gabi. Mag-iingat ka," sabay lakad nito paalis.

Tumuloy ako sa paglalakad. Salamat na lang at mahangin dahil katatapos lang ng ulan, hindi katulad kapag tirik ang araw — ang problema nga lang ay maputik. Sanay na 'ko sa ganitong buhay dahil hindi naman kami mayaman para gumamit ako ng kotse o motor papuntang paaralan.

Araw-araw ay tinatahak ko ang daan na 'to pauwi sa amin. Grade 11 na ako at lagi kong iniisip kung pupunta ba ako sa Maynila para mag-aral ng kolehiyo o kung mananatili na lang ako rito sa probinsya.

Ilang minuto lang ay nakarating na ako sa bahay at agad na pumasok sa loob. Sinalubong ako ni Tatay na nanonood sa sala, lumapit ako sa kanya at pinakita ang suman na dala ko.

"Nako, nandito na pala ang anak ko..." agad na pansin nito sa akin at hindi sa suman na binili ko. Nakakatampo.

"Ako agad ang pinansin? Hindi 'yung suman na dala ko?" nalilitong sabi ko.

Tumawa naman ito dahil sa angal ko. "Araw-araw mo na lang akong inuuwian ng suman. May natitira ka pa bang pera para sa sarili mo?" nag-aalalang tanong nito.

Bahagya akong ngumiti, pinipilit na itago ang katotohanan mula sa kanya. Sumimangot naman si Tatay nang napagtanto niya ang sagot ko. "Ayos lang po. Makukuha ko naman na po bukas 'yung sweldo ko dun sa bar eh," palusot ko.

When Everything Was FallingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon