Chapter 3

6 1 0
                                    

Chapter 3 - Maynila

Kahit pa inaantok ay pinilit kong imulat ang mga mata ko nang makaramdam ako ng isang mahinang kalabit. Naaninag ko si Tita Cami na ginigising ako kaya agad akong napaupo sa kama at napahawi sa buhok ko.

"Maria, mag-ayos ka na. Maya-maya lang ay aalis na tayo para pumuntang Maynila," aniya.

Tumango lang ako bilang sagot at nilisan na ang kama. "Magandang umaga nga pala. Bumaba ka na lang kapag ayos ka na at kumain ka na rin ng agahan."

Muli akong tumango bilang sagot, tuluyan na siyang umalis ng kuwarto kaya naman agad akong nakapag-ayos ng sarili. Hindi naman ako gaanong nagtagal, inayos ko na rin 'yung bag ko para isahang punta na lang sa unang palapag ng bahay.

Bago pa 'ko umalis ng kuwarto ay sinigurado ko na malinis akong tignan. Kahit pa pupungas-pungas ako ay pinilit kong gisingin ang sarili ko. Nang mapagtanto ko na maayos naman ang itsura ko ay saka ako pumunta sa sala, inilapag ko ang bag ko sa isang sofa at dumiretso na rin papunta sa silid-kainan.

Pagkadating ko roon ay hindi lang sina Tita Cami ang nakita ko, pati na rin ang dalawa pang lalaki na kasama nins Kuya Kai kagabi sa bar. Napatingin ang dalawang 'yon sa akin, dahilan para mapatingin rin ang iba. Ngumiti naman ako sa kanila, ayoko namang magmukhang masungit. Mas mabuti na 'yung makisama ako.

"Good morning," bati ni Kuya Kai sa akin at tinuro ang isang upuan na katabi niya lang. "Kain ka na."

Umupo naman ako sa upuang itinuro niya at nagsimula na ring kumain tulad nila. Napansin ko ang paggalaw ng lamesa kasabay ng pag-ingit ng isang lalaki, mukhang may sumipa sa kanya mula sa ilalim ng lamesa.

"V-Vance nga pala, kasama nila ako kagabi sa bar," biglang pakilala nito sa akin.

"Maria Castillo," pagpapakilala ko naman.

"Si Samael naman 'yang isa, medyo hindi lang 'yan nagsasalita kasi mahiyain."

Napatingin ako sa lalaking itinuro ni Teo. Tinaasan niya lang ako ng kilay at bahagyang ngumiti sa akin, tulad ng ginawa niya ay ngumiti na lang din ako at itinuloy ang pagkain. Maya-maya lang ay dumating naman si Tita Cami at kumain na rin tulad namin. Hindi ko maiwasang mailang dahil sa pag-uusap nila, kung tutuusin nga ay para silang magkakapatid — parang sabay-sabay silang lumaki.

Mabilis lang naman kaming natapos sa pagkain at nagsimula nang ilagay ng mga lalaki sa kotse ang mga gamit. Ayaw pa nga sana akong paghugasin ni Tita Cami ng mga pinggan dahil nakakahiya raw, pero sa totoo lang ay mas nakakahiya kung hindi ako makakatulong. Sanay na sanay na 'ko sa gawaing ito kaya hindi na mahirap sa aking matapos ito kahit pa sa loob lang ng maikling oras, medyo nakakatakot nga lang dahil babasagin ang mga gamit at hindi tulad sa bahay ni Tatay na puro plastik ang materyales. Syempre, doble ingat na lang.

Pagpunta ko sa sala ay nakita kong nagpapahinga ang mga lalaki, nagbibiruan din si Teo at Vance. Napangiti naman ako dahil doon, naalala ko si Gina at Grace — sila lang kasi ang kaibigan ko rito tapos hindi man lang ako nakapagpaalam para umalis. Isang text lang ang iniwan ko kagabi sa boss ko para ipaalam na hindi na muna ako papasok sa trabaho.

"Maria, nakuha mo na ba ang lahat ng gamit mo?"

Napatingin ako sa likuran ko nang marinig ang boses ni Tita Cami. Agad akong tumango bilang sagot. "Opo, nandito naman na po ang lahat ng gamit ko."

"Mabuti," anito at tumingin naman sa mga lalaki. "Oh, halika na. Kumpleto na ba ang mga gamit n'yo? Hindi na tayo makakabalik kapag nakalayo na tayo."

Sumagot naman ng oo ang mga lalaki at nauna na silang lumabas. Kinuha ko ang bag ko na nakapatong sa sofa, ngunit kinuha 'yon ni Samael mula sa akin.

When Everything Was FallingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon