Chapter 4

3 1 0
                                    

Chapter 4 - Twins

Matapos naming ipaliwanag ni Tita Cami ang lahat sa mga magulang ni Kuya Kaiser, mas naging interesado sila sa akin. Bukod sa mukha ko ay mas pinagtuunan nila ng pansin ang necklace at birthday ko, sumang-ayon naman kasi sila sa akin na kahit sino ay puwedeng makuha ang ganitong mukha. Sa dami ng tao sa mundo ay imposibleng wala akong kamukha.

"Bakit ka naman pinalayas ng Tiya Delia mo?" nag-aalalang tanong ng mommy ni Kuya Kai.

"Nag-away po kasi kami. Sensitibo po kasi ang naging usapan namin," paliwanag ko.

Bumaba ang tingin niya at tumango na lang. Ayokong sabihin ang lahat ng mga detalye dahil hindi ko pa sila gaanong pinagkakatiwalaan. Oo, alam ko namang mabait sila dahil sa pagtulong nila sa akin — pero kailangan ko pa ring mag-ingat. Wala pang tiyak na rason para masabi na ako ang hinahanap nila.

"Do you want us to tour you around? We have family pictures in here," alok ng daddy ni Kuya Kai. "Kung interesado ka lang naman, hija."

Tumango ako bilang sagot. "Ayos lang naman po sa akin."

Masayang ngumiti ang mag-asawa at saka tumayo mula sa kinauupuan nila. Sumunod lang kami ni Kuya Kai sa kanila, mas malawak pa sa buong basketball court ang bahay nila. Napaisip tuloy ako kung magkano kaya ang nagastos nila para rito, pati ang mga gamit ay halatang mamahalin. Maya-maya lang ay napunta kami sa hallway ng bahay kung saan bumungad sa amin ang mga malalaking litrato.

"Ito ang Tita Kassandra at Tito Frances mo. Kapatid ko si Kassandra, siya ang panganay sa aming magkakapatid," paliwanag ng mommy ni Kuya Kaiser habang nakaturo sa unang litrato. "Iyan ang mga anak niya, si Vittoria at Alexus."

Ang ganda ng pamilya nila. Mga moreno't morena na matapang ang itsura, pero may isang bagay akong napansin. "Pilipino po ba sila?" kuryosong tanong ko.

Nagkatinginan silang tatlo. "Hindi mo nasabi sa kanya, anak?"

Umiling si Kuya Kaiser bilang sagot sa daddy niya. Hindi ko napigilang maging kuryoso kaya naman napatanong ulit ako, "Ano po 'yon?"

"My mother is from Spain while my father is from the Philippines which makes us, her daughters, half-Spaniards and half-Filipino," paliwanag ng mommy ni Kuya Kaiser na nagpalaki sa mga mata ko. "So basically, may lahing Espanyol ang mga anak namin."

Ibig-sabihin ay may lahi ring Espanyol si Katarina kung gano'n.

"Pero Espanyol kasi ang napangasawa ng Tita Kassandra mo kaya mas lamang ang lahing Espanyol ng mga anak nila, habang si Kaiser naman at ikaw," bahagya siyang huminto dahil sa pagkailang, "mas lamang ang pahing Pinoy n'yo."

Tumango ako bilang tugon na naiintindihan ko ang ipinaliwanag niya. Kaya siguro natanong ni Kuya Kaiser kahapon kung may lahi ba 'kong kastila...

"Ito naman ang family picture namin," ani daddy ni Kuya Kaiser na itinuturo ang katabing picture frame. "Wala nga lang si Katarina, syempre."

Napansin ko ang malungkot na ekspresyon nila sa litrato. Siguradong dahil 'yon kay Katarina, siya lang ang wala at talagang nakakalungkot nga naman ang gano'n, sino ba namang sasaya sa lagay na 'yan? Sa bawat litrato, alam mong may kulang dahil nawawala ang isang kapamilya.

"Kung magpakuha po tayo ng litrato kapag nasigurado na nating ako ang hinahanap n'yo?"

Lumiwanag ang mga mukha nila dahil sa sinabi ko, pero iba ang ngiti ng mommy ni Kuya Kai. Iba ang saya ng isang ina na matagal nang nangungulila sa kanyang anak.

"Magandang desisyon 'yan. Siguradong magugustuhan 'yan ng Lola Karla ninyo," tugon ng mommy ni Kuya Kai.

Ngumiti lang ako dahil sa nakita kong reaksyon nila. Sunod naman naming tinignan ang litrato ng isa pang pamilya, ngunit napansin ko agad ang lalaking nasa likod na sa tingin ko ay ang ama. Hindi siya mukhang Pilipino o Espanyol.

When Everything Was FallingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon