THAYER
Sa nangyari sa eroplanong aming sinasakyan, hindi ko alam kung papaano pa ako nabuhay. Bagama’t sugatan, masasabi kong buo pa ang aking katawan. Kung makakaalis lamang ako sa kinalalagyan ko ngayon, hindi ako mamamatay sa matinding lamig at kawalan ng tubig sa katawan. Wala akong ideya kung paano kami napadpad sa parteng ito ng dagat.
Nananatili lamang ako nakalutang. Hindi ko alam kung ano nga ba ang dapat kong gawin. Pawang mga parte ng eroplano at mga debris lamang ang aking nakikita. Tanda ng pagkawasak. Tanda ng pagkasawi ng maraming buhay.
Hindi ko nga alam kung magagawa ko pa bang mabuhay ng matagal. Kapag inabot ako ng gabi, tiyak na katapusan ko na. Kailangan kong makahanap ng paraan para makahanap ng pampang; kahit isang isla lamang. May katiting pa akong pag-asa na makakaligtas ako pero sa bawat pulgad na bababa ang araw patungo sa abot-tanaw, nauubos na rin ang katiting na pag-asang iyon.
Habang patuloy lamang akong nagpapaanod sa tubig ay nakarinig ako ng iyak na tila ba’y humihingi ng tulong. Tumingin ako sa paligid. Nanumbalik ang pag-asa kong may nabubuhay pa, na hindi ako nag-iisa. Doon ko siya nakita. Isang babaeng nakapatong sa isang pirasong bakal na lumulutang sa kawalan. Tila tuliro siya, wala sa tamang katinuan, dahil sa nakatitig lamang siya sa kaulapan.
Lumangoy ako palapit sa kanya. Mabuti na lamang at may training ako sa swimming no’ng nasa Baguio pa ako. Nagagamit ko na siya sa situwasyong ganito. Hindi naman sa ako’y natutuwa. Thankful lang ako na sa simpleng karanasan iyon ay nakatulong sa akin para makaligtas sa malupit na lugar na ito.
Nang makalapit ako sa kanyang kinaroroonan ay tinawag ko siya. Hindi direktang pangalan ngunit pinaalam ko ang aking presensya. Ngunit tila hindi niya ako naririnig. Lumulutang lamang siya sa tubig at nakatingala. May sinasambit siya na hindi ko marinig. Nabaliw na 'ata siya. Kayumanggi ang kulay ng kanyang balat, at may mahaba at kulot na buhok.
Hinawakan ko siya sa balikat at marahang inuga. Hindi pa rin siya rumeresponde. Sinubukan ko na lakasan. Sinabay ko rin ng pagtawag sa kanya. Napansin ko na tumigil na siya sa pagbulong. Humarap siya sa akin pero pakiramdam ko ay hindi siya nakatingin sa akin. Wala akong emosyon na nakikita sa kanyang mga mata. Nakatingin nga siya pero para bang wala ako sa kanyang paningin.
“Okay ka lang ba? May masakit ba sa 'yo?” tanong ko.
Sa umpisa’y hindi siya sumagot pero napansin ko ang pagkunot ng kanyang noo. Sabay niyon ang kanyang paghagulgol. Nagsimulang dumaloy ang luha mula sa kanyang mga mata. Pilit ko siyang pinatatahan ngunit ayaw niyang tumigil.
“Ligtas ka na. Huwag ka nang umiyak pa,” paninigurado ko sa kanya.
Tumahan na siya at hinawakan ang aking kamay. Marahil ay naghahanap siya ng makakapitan. Naghahanap siya ng taong magpapakalma sa kanya. At nakita niya iyon sa akin. Nakahinga na ako ng maluwag dahil sa mukhang manunumbalik na siya sa dati. Sana’y tama ang hinuha ko.
“Ano’ng pangalan mo?” tanong ko sa kanya.
“Callie,” sagot niya.
“Callie, ako si Thayer. Maghahanap tayo ng lupang puwedeng tapakan. Makakaalis din tayo sa dagat na ito,” sabi ko sa kanya pero nagsimula na naman siyang tumitig sa kawalan. Marahil ay hindi niya narinig ang bawat sinabi ko sa kanya.
Hanggang sa may ituro siya sa isang direksyon. Sinundan ko ng tingin ang kanyang itinuturo at laking tuwa ko nang makita ko ang isang isla. Nabuhayan ako ng loob. Hindi ko mapigilan ang tuwa na nararamdaman ko. Humarap muli ako kay Callie at sinabi, “Pupunta tayo roon, okay? Magpapahinga tayo at maghahanap ng puwedeng tumulong sa atin.”
BINABASA MO ANG
Sangre: A Side Story (Pandemia #2.5)
HorrorTaong 2030. Anim na kabataan. Isang piloto. Isang isla. Isang misteryo. Ito ang simula ng kanilang laban para mabuhay at maibunyag ang lahat.