ARTHUR
Ang daming tumatakbo sa aking isipan ko. Hindi ko na alam kung alin ba ang pagtutuunan ko ng pansin. Ang paghahanap ba kay Lia o ang paghahanap ng kasagutan sa kung ano ba ang nangyayari sa akin. Pakiramdam ko ay may kung ano na nasa loob ng aking katawan. Umiikot sa aking sistema at siyang nagbibigay ng lakas sa akin.
Umalis kami sa silid kung nasaan ang mga modelo na gawa sa mga buto ng tao. Napunta muli kami sa halos walang hanggang makikitid na daanan at pasilya. Hanggang doon ay ginagambala pa rin ako ng mga imahe ng nasaksihan namin. Hindi ko maisip kung anong klaseng halimaw ang nasisikmurang gawin ang ganoong bagay. Pinatay niya ba ang mga may-ari ng mga butong 'yon? Ano'ng intensyon niya?
Madilim ang paligid, katulad sa dinaanan namin kani-kanina lang. Pero salungat sa kanina, ang lugar naman na ito ay maingay. Tunog ng mga makina—bakal na nagkikiskisan at nagbabanggaan—ang gumugulo sa paligid. Ni hindi ko nga marinig ang sinasabi ni Melvic ngayon. Nang hindi siya makakuha ng sagot mula sa akin ay sumigaw muli siya.
"Sa tingin mo ay iisang tao lamang ang kalaban natin?" sigaw niya.
"Kung isasama mo ang mga infected na nakaharap natin, oo. Ang ipinagtataka ko lang ay ano ang pakay ng mga infected na 'to kay Lia? May kumokontrol ba sa kanila?" pasigaw kong tugon.
"Hindi ko—" Natigil ang pagsasalita ni Melvic dahil sa biglang tumigil ang ingay na kanina pang bumabalot sa buong paligid. Maririnig ang paghina ng makina hanggang sa katahimikan na lang ang natira. "Ang weird. Bigla na lang tumigil," sambit ng kasama ko.
Tinapik ko siya sa balikat. "Halika na. Kailangan na nating kumilos. Hindi marunong kumontrol ng mga makina ang mga infected. Kung sino man 'tong mga kaharap natin, alam kong isa sa kanila ay hindi katulad ng mga halimaw na may puting mata," wika ko.
Nagsimula kaming tumakbo muli. Hindi na namin pinansin ang aming dinadaanan. Hindi nga namin pinag-uusapan kung saan kami liliko. Nauuna ako. Sumusunod lamang si Melvic. Hanggang sa marating namin ng isang bahagi na may double-door. Kulay puti 'yon na siyang hinahalintulad ko sa mga pinto sa mga ospital, kung saan ipinapasok ang mga pasyente na kailangan nang operahan.
Wala akong ideya kung ano ang aasahan namin sa loob ngunit pumasok pa rin ako. At nagulat ako sa aking nakita. Narinig ko ang singhap ni Melvic sa aking likuran. Gayunpaman, ang mga mata ko'y nakapokus sa kung ano ang nasa aking harapan. At hindi ito kaaya-aya.
Mga katawan ng tao ang nakabalandra sa aming harapan. Katulad sa mga kalansay na aming nakita sa isang silid ay nakatali din gamit ang pisi ang mga katawan nito at nakaayos na para bang mga manika. Nakaayon ang puwesto sa kung ano nga ba ang kanilang ipinapakita. Naiisip ko ang mga charades na aming ginagawa noong nag-aaral pa ako. Hindi kami gumagalaw tulad ng mga bangkay na 'to. Pero buhay kami. Sila'y hindi na.
Hindi ko masikmura ang amoy. Kinailangan ko pang takpan ang ilong at bibig ko dahil sa matinding amoy ng nabubulok na laman. Halos mangitim na ang katawan ng mga bangkay na 'yon. Ang iba nama'y putol ang mga parte. Ang iba'y nakabukas ang dibdib at kitang-kita ang mga lamang-loob nito. Ang iba nama'y isang parte ng katawan lamang na nakasabit sa kisame.
May isang lalaki na nakatayo, nakaasta na para bang isang sundalo. Naka-salute pa at astang magmamartsa. Ngunit ang ulo nitong kalahati lamang. Nawawala ang kaliwang bahagi nito. Gayon din ang daliri sa mga kamay. Pinutol at inalis. May isang babae namang na nakalutang sa ere, gamit ang mga pisi, at nakaposisyon na pahiga. Bukas ang tiyan nito at nakalawit ang mahabang bituka nito na ginamit din bilang pisi pangdugtong sa kisame. Ang nakakagimbal ay ang sanggol na nasa tiyan nito. Nakadilat ang mga mata nito at bibig ay hiniwa abot sa tenga nito para magmukhang nakangiti ito.
BINABASA MO ANG
Sangre: A Side Story (Pandemia #2.5)
HorrorTaong 2030. Anim na kabataan. Isang piloto. Isang isla. Isang misteryo. Ito ang simula ng kanilang laban para mabuhay at maibunyag ang lahat.