1: CRASH

2.6K 78 16
                                    

ARTHUR

 

Matinding kaguluhan na ang nagaganap sa paligid. Hindi ko na magawang tumingin pa. Puno ng sigawan. Maririnig po ang pagputok ng mga baril. May sumasabog. Nayanig ang lupa. Napupuno ng iyakan ang paligid. Hawak-hawak ako ng isang sundalo habang kami’y tumatakbo. Hindi ko alam kung saan kami patutungo pero ipinangako nila na ililigtas nila kami. Naniniwala ako doon.

Patungo na kami sa Loakan Airport, isang maliit na paliparan na ginagamit ngayon ng mga sundalo para iligtas kami mula sa mga taong tinatawag nila na ‘infected.’ Walang nakakaalam na mangyayari ang ganito. Para bang hinugot mula sa isang zombie movie ang mga kaganapan ngayon. Kaliwa’t kanan nando’n sila. Handa kami saktan. Handa kaming hawaan. Handa kaming patayin.

Nakita ko si Lia sa aking kanan. May kasama rin siyang sundalo at pinoprotektahan siya mula sa mga nilalang na iyon. Napatitig din siya sa akin at napansin ko ang luha sa kanyang mga mata. Magulo na ang braided niyang buhok at halos namumula ang kanyang bilogang mukha.

“Magiging okay lang tayo, Lia. Nandito sila para tulungan tayo,” sambit ko.

“Pero ang mga magulang natin, Arthur,” baling ni Lia. Nagpatuloy ulit siya sa pag-iyak.

Dahil sa kulang ang mga truck ng mga sundalo at hindi kaya na lahat ay iligtas dito sa Baguio, minabuti na lang na magpaiwan ng aming mga magulang. Mas pinili ng iilan na ipaligtas ang kanilang mga anak, total naman mas kaya nila na ipagtanggol ang sarili mula sa mga infected.

Ayaw kong umalis. Ayaw ko silang iwan. Ayaw kong dumating ang panahon na magkakahiwalay kami. Ayaw kong umasa na magkikita kami muli. “Hindi ko kayo iiwan,” sigaw ko sa kanila no’ng hinihila na ako palayo ng isang sundalo.

Lumapit si mama sa akin at niyakap ako. “Hindi puwede, anak. Kailangan mong mabuhay!” wika ni mama. Hinawakan niya ako sa pisngi at pinahid ang luha mula sa aking mga mata. “It’s time to grow up, anak. Kailangan mong maging malakas. Wala ka nang aasahan mula ngayon kundi ang sarili mo. Kailangan mong mabuhay.”

“Pero—”

Nabaling ang atensyon ni mama sa sundalong humihil sa akin. “Ingatan mo ang anak ko, please.”

“Opo, madam.”

At ngayon, nandito kami sa airport, tinatahak ang mahabang runway patungo sa isang eroplano na siyang sasakyan namin, ‘di umano. Halos malapit na kami, natatanaw na namin iyon. Napapaligiran ng mga sundalo ang eroplano na ‘yon. Binabantayan at iniiwasan na makalapit ang mga infected sa amin at sa sasakyang panghihimpawid.

Nagbigay-daan ang mga nakabantay na sundalo nang makarating na kami sa hagdanan paakyat sa pinto ng eroplano. Kung susumahin, aabot sa 40 ang mga batang papasok sa loob ng ospital. May ibang magulang na kasama, karaniwang mula sa mayayamang pamilya. Doon ko na-realize na kahit sa ganitong situwasyon, pera pa rin ang usapan kapag buhay na ang nakatayan.

Nang makapasok ako sa eroplano ay hinanap ko si Lia. Agad ko siyang niyakap. “Okay na tayo, Lia. Magiging maayos din ang lahat,” bulong ko.

Inilagi niya ang kanyang ulo sa aking balikat at umiyak. “Arthur...” tanging nasabi niya.

May lumapit na babae sa amin. Hindi man siya nakasuot ng uniporme ngunit alam kong stewardess ang kanyang trabaho. Payat siya at may mahabang mukha. Nakapusod ang kanyang buhok. Nakasuot siya ng asul na jacket at puting palda na abot hanggang sa kanyang tuhod. “Kailangan niyo nang umupo. Ilang minuto lang ay aalis na tayo,” nagmamadali niyang sabi.

Tumango na lang kami ni Lia at sinundan siya. Paglagpas namin sa isang ‘class’ ng eroplano, natigil kami sa kasunod nito. Halos mapupuno na ang area na ‘yon. Dinala kami ni Lia sa unahang linya ng upuan. Doon ko na-realize na malapit kami sa silid ng mga piloto. Umupo ako doon sa malapit sa bintana samantalang katabi ko naman si Lia. Hindi magkahiwalay ang aming mga kamay. Ayaw ko ‘yon bitawan.

Sangre: A Side Story (Pandemia #2.5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon