16: BLOOD

1K 49 12
                                    

ARTHUR

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mabigyan ng kasagutan ang mga katanungan sa aking isipan. Mas itinuon ko lamang ang isip at katawan ko sa pagtakbo. Dahil kahit na patay na ang doktor, may natitira pa ring panganib, ang mga infected o tinatawag nilang carriers.

Hindi ko na alintana ang sakit ng aking hubad na mga paa. Patuloy lamang kami sa pagtakbo patungo sa bunker. Maski paglingon ay iniiwasan ko na. Alam kong nakasunod lamang sila sa amin, naghihintay ng pagkakataon na manghina kami at sumuko na. Pero hindi mangyayari iyon.

Ilang puno ang aming nilagpasan, natatanaw ko sa gilid ng sakop ng aking paningin ang iilang katawan na tumatakbo patungo sa aming direksyon. Ilan ba ang populasyon sa islang ito, tila ba ang dami ng mga carrier? Dahil wala nang kumokontrol sa kanila, nagwawala na sila at ang mga taong normal—kung normal mang ituring—katulad namin ang kanilang hinahabol.

"Hindi mo na po ba sila magagawang pigilan pa?" tanong ko kay Neal na nasa harapan ko habang kami'y kumakaripas ng takbo.

"May kakayahan akong maging invisible sa kanila, Arthur. Hindi ko sila kayang pigilan. At may limitasyon ang kakayahan ko. Ilang araw pa bago ko magamit itong muli," saad nila. Natigil kami nang may carrier na humarang sa amin. Sa isang kisapmata'y tinanggalan ito ng ulo ni Kuya Neal gamit ang palakol na kanyang hawak.

Nagpatuloy kami. Nang marating na namin ang kinaroroonan ng bunker ay nagulat kami dahil sa nagkalat na rin ang mga carrier sa lugar na 'yon. Nagmamasid ang mga infected sa paligid, naghahanap ng maaaring atakihin.

"Kunin mo na si Marko. Sasalisihin ko lang ang mga ito," wika ni Kuya Neal.

Tumungo ako at nakayukong tumungo sa butas kung saan may hagdanan pababa sa bunker. Itinuntong ko ang kanang paa at dahan-dahan na bumaba ngunit nasindak ako nang may biglang humila sa kamay ko na nakahawak sa itaas na tapakan ng hagdanan. Tumingala ako at isang carrier at nakita kong nakadungaw sa akin mula sa butas. Ang dugo mula sa bibig nito ay tumutulo patungo sa aking pisngi, na siyang iniiwasan ko.

"Sa-saan ka pu-punta?" tanong nito.

Pinilit kong alisin ang kamay niya sa pulsuhan ko pero pilit akong hinihila nito paitaas. Ayaw niya akong bitawan! "Lubayan mo ako!" sigaw ko.

Buong puwersa kong hinila ang kamay nito nang bigla itong naputol. Napabitaw ako sa hagdanan at kamuntikan pa akong dumiretso sa ilalim. Mabuti na lang ay nakakapit ako gamit ang isang kamay. Tumingala ako at nasaksihan ko kung paano ibaon ni Kuya Neal ang palakol sa dibdib ng palakol. Mukhang siya ang pumutol sa kamay nito na siyang nakahawak pa rin sa akin.

Nang ma-realize ko 'yon ay pinilit ko itong alisin sa aking kamay. Itinapon ko ito sa ilalim. "Salamat," sabi ko kay Kuya Neal ngunit wala na siya sa itaas ng butas. Kaya nagpatuloy na ako sa pagbaba.

Pagkatapak ko sa ilalim ay nagmadali na akong pumunta sa pinto at binuksan iyon. Mahinang liwanag mula sa maliit na bombilya ang bumungad sa akin. Pumasok ako at tinungo ang higaan ni Marko. Nandoon siya at nakaupo, yakap-yakap ang sarili.

"Ano'ng nangyayari, Kuya Arthur?" tanong niya.

"Kailangan na nating umalis dito. Masyadong nang maraming infected sa paligid, hindi na ligtas para sa atin," sagot ko. Lumuhod ako at itinapat ang likod ko sa kanya. "Sumampa ka sa akin, dali."

Iniikot ni Marko ang kamay sa aking balikat at kumapit sa akin. Hinawakan ko ang kanyang mga binti at iniangat siya. Mabuti na lamang ay magaan siya, madali ko na siyang madadala. Praktikal na tumakbo ako patungo sa hagdanan na magdadala sa amin palabas ng bunker na ito. Nang tumingala ako, nagkaroon ako ng lakas ng loob. Doon ko naramdaman ang pang-iinit ng aking mga mata.

Sangre: A Side Story (Pandemia #2.5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon