Kadena sa Puso

36 2 0
                                    

Pawis na pawis ako. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin. Kahit na kabisado ko ang bawat sulok ng Maynila ay hindi ko malaman kung saan ako patungo. May iniiwasan ba ako?

Namataan ko ang budega. Malamang galit na galit na ang boss ko. Dali-dali akong tumakbo papasok sa loob. Napansin kong nakakalag ang kadena ng pintuan. Malamang nasa loob na si boss. Kailan rin kaya makakalag ang kadena sa akin pu-

"Alam kong nandyan ka na," narinig ko ang isang malakas at malalim na tinig. "Pumasok ka na at mahirap pa itong gagawin mo."

Nakita ko si boss mag-isa sa silid habang binubuksan ko ang pinto.

"Pasensya na, late po ako," mapagkumbabang sambit ko habang nakayuko sa harap niya.

"Sige, tama na 'yang muning-muningan mo," sagot niya. "Pasalamat ka at maaga pa ng k'onti. Ito ang buena mano mo ngayon."

Lumakad siya papalapit sa akin at iniabot ang isang kayumangging envelope. Binuksan ko ito at nasilayan ang isang larawan ng lalaki at ibang papeles.

"Siguro kilala mo naman 'yang lalaki na 'yan. Nasa isang meeting siya mamaya sa city hall," wika ni boss. "Ipinauutos 'yan ni congresswoman; malaki-laki 'yung down-payment niya. Sabi niya, doble ang ibabayad niya kapag tapos na trabaho natin. Sana 'wag mo ako ipahiya sa kaniya."

"Oo, boss," sagot ko. "Makakaasa ka sa akin."

Ibinalik ko ang larawan at mga papeles sa envelope at umalis na. Pumunta ako sa isang lumang gusali sa tapat ng city hall. Naghanda ako ng ilang baging at halaman; binuhol-buhol ko ang mga ito upang maging mistulang banig na ipantatakip ko sa sarili ko. Isa-isang nilabas ko sa aking bag ang bawat parte. Una kong nilabas ang katawan, kasunod ang bariles at mga parte ng action. Binuo ko ang mga ito hanggang maging isa. Kinuha ko ang scope na nakabalot sa isang telang koton. Ikinabit ko ito at sinubukan sumipat.

"Kamusta na?" Ani ko sa armas na aking binuo at gagamiting pangwasak mamaya.

Itinali ko ang banig ng dahon at baging sa aking likod. Marami namang halamang ligaw ang tumutubo ngayon sa lumang gusali na ito kung kaya't hindi ako mapapansin. Muli akong sumipat at hinanap ang lalaking target ko. Nakita ko siya kasama si congresswoman nakikipagkwentuhan at tawanan. Nakita ko rin kasama nila ang ibang opisyal sa silid na kanilang kinalalagyan. Mistulang kakasimula pa lamang ng meeting. Ikinabit ko sa muzzle ang isang suppressor. Muli kong sinipat ang aking target. Naroon pa rin ang aking target at si congresswoman sa silid. Maya-maya ay may pumasok na matipunong lalaki, nakaitim na tuxedo. Umupo siya sa kabilang tabi ng target ko. Kakalabitin ko na sana ang gatilyo ngunit nakita ko ang isang pamilyar na mukha. Kapatid ko ang matipunong lalaki na katabi ng target ko. Isinantabi ko muna ang pagkakagulat at pagtataka na naroon siya sa meeting ngunit nangangatog na ang kamay ko. Hindi ko mapuntirya ng maayos ang baril ko. Tumayo na rin ang ibang tao at nagpalakpakan. Lagot na, hudyat na iyon na tapos na ang meeting. Kailangan ko ng mabaril ang target kahit na nangangatog ang mga kamay ko sa hindi ko malaman ang dahilan. Napansin ko ang nakasibangot na mukha ni congresswoman. Malamang naiinip na siya. Sa pagkalabit ko ng gatilyo, nabasag ang bintana ng silid at tinamaan ang kaniyang braso. Nagkagulo ang lahat ng nasa silid. Tumingin sa bintana si kuya na nagmistulang nakatitig sa akin. Nakita ko ang nagulat na mukha ni congresswoman. Malamang dahil iyon sa palpak kong trabaho, kasing palpak ng pagtanggal ko sa kadena ng aking puso.

Nawala at NatagpuanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon