"Ring. Ring... Ring. Ring..." Tumutunog na naman. Kainis! "Ring. Ring... Ring. Ring..." Oo na. Babangon na ako. "Ring. Ring..." Babangon ba ako? "Ring. Ring..." Parang ayaw ko pa. "Ring" Gusto ko pa humiga. "Ring... Ring. Ring... Ring. Ring... Ring. Ring... Ring. Ri-"
"Hoy Ricardo! Patayin mo na yang alarm clock mo!" Sigaw ng napakasungit kong kapitbahay, si Hermina. Aga-aga nagdadabog sa pintuan ng apartment ko.
"Ring... Ring. Ri-" Patay. Tutal, naiinis na ako sa paulit-ulit na tunog ng orasan ko. Hay... Ano na naman kaya bago kong target? Babae o lalaki? Matanda o bata? Hindi ko alam dahil depende na iyon sa bosing ko. Dumeretso na ako sa pintuan at binuksan ang pinto.
"Good morning Princess Hermina." Aga ng pambobola ko hahahaha.
"Ewan ko sa'yo Ricardo! Kung gusto mo gamitin 'yang alarm clock mo para magising, aba'y 'wag mo namang pahabain ang alarm!" Naglalagablab sa galit na salita ni Hermina. "Aba, maawa ka naman sa amin. Linggo ngayon at gusto namin makapagpahinga ngayong araw. Ayaw namin masira ang tulog namin dahil d'yan sa buwiset mong alarm!"
"Chilax ka lang, neighbor. Hayaan mo, last na ito." Nakangiting sagot ko habang nakadungaw ang ulo ko sa pinto.
"Last na. Puro ka na lang last. Eh 'yang alarm clock ang gumigising sa lahat ng tao dito sa apartment. Kahit kailan nakakainis ka!!!" Lalong uminit ang ulo ni Hermina sa akin.
"Alam mo, Hermy, masama laging naii-stress sa mga simpleng bagay. Pumapangit kaya ang isang tao dahil sa stress. 'Yung ibang sakit nga pwedeng manggaling sa stress. At buti nga, may gumigising sa UMAGA n'yo." Ngiting pasagot ko.
"Ayan na naman ang ngiting nagpapalusot." Sambit n'ya habang kinukurot ang pisngi ko.
"Teka, aray! Aray! Aray!"
"Matanong ko nga lang pala Ricky. Ano ba ang trabaho mo at kailangan gumising mo ng napaka-aga araw-araw?"
"Ah, 'yun ba? (ay hindi Ricky, tinatanung ni Hermy kung ano almusal mo) Kasi ano... ah basta mahirap ipaliwanag."
"Mahirap ipaliwanag daw. Illegal ba yan?" Pabirong tanong ni Hermy. "Umamin ka!"
"Grabe, sa itsura kong ito sa tingin mo kriminal ako? Pang-Bench kaya ito." Pabiro din naman akong nagsalita.
"'Yung mukha mo pang-Bench o naingudngud sa Bench? Hahahaha"
"Grabe ka talaga. Siya, siya. Mag-aayos na ako. Baka ma-late pa ako."
"Sige. 'Yung pangako mo sa alarm clock mo ha! 'Wag mong kakalimutan
"Oo." Tumalikod na ako at isinara ang pinto.
"Atsaka tuloy mo lang 'yang paghalik mo sa Bench! Hahaha!" Narinig ko pang muli ang tinig niya mula sa pintuan.
Kanina pa pala ako nagkekwento. Ako nga pala si Ricardo Dimapigilan a. k. a. Ricky. Bente y nueveng taon ng humihinga dito sa planetang ito. Galing ako sa pamilyang marangya. Lumaki sa isang paaralang sikat na tanging mayayaman at ubod ng talino lamang ang nakakapag-aral. Kumbaga, elite. Pero ito ako ngayon. Mag-isang nakatira sa isang lumang apartment na pagmamay-ari ng Pamilya Dimaculangan, ang pamilyang kinalakihan ni Hermy. Bakit ko sinabing kinalakihan? Pagkakaalam ko, inampon lamang siya ni Doktora Dimaculangan. Isang orthopedician na nag-top one sa board exam noong panahon niya. Tapos nakaipon ng pera matapos ang 10 taon at nagpatayo ng isang apartment. Isang negosyo para sa pagpapaaral ng kaniyang labing-isang kapatid. Nakapag-asawa siya kaso nga lang, walang kakayahan ang asawa niya para bigyan siya ng anak kaya naisipan nilang mag-ampon, si Hermina. Lumaki si Hermina sa pangangalaga ng mag-asawa ngunit naaksidente ang dalawa ng bumisita ang lalaki sa doktora. Nagkaroon ng hostage taking sa ospital na pinagtatrabahuan ni Doktora Dimaculangan. Nagkaroon ng putukan sa pagitan ng masasamang loob at ng pulisya. 35 ang nasugatan sa putukan at 4 ang napatay, kabilang na ang mga itinuring na magulang ni Hermy. Mabuti na lang at dalaga na siya noong mga panahon na nawala ang mga umampon na sa kaniya. Siya na ang humawak sa apartment para sa kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan pero patuloy pa rin nagsisilbing tulong ang kita sa negosyo sa mga nagigipit na kamag-anakang Dimaculangan. Kahit hindi niya ito mga kadugo, buong puso niya pa rin silang tinutulungan.
Tumanda ng dalaga si Hermina Rosas Dimaculangan. Ngayon ay treinta anyos na. Kahit kailan hindi pa nagkaroon ng kasintahan. Maganda naman siya, makinis ang mukha, balingkinitan ang pangangatawan at may kaakit-akit na mga mata. Kahit sinong binata ay makukursunadahan siya. Marami na ang sumubok na kunin ang kaniyang puso ngunit walang nagtagumpay, hard to get sa Ingles. Ako, oo may pagtingin din ako sa kaniya pero imposible na sagutin niya pa ako. Isa lamang akong anak na nagrebelde sa magulang, isang mag-aaral na nagtataingang-kawali sa propesor at isang mamamayan na lumalabag sa batas. Bakit ko nasabing lumalabag sa batas? Isa akong ser-
"Kring. Kring. Kring," tumunog ang aking cellphone.
"Hello boss. Ano na po ang balita?" sagot ko at nakinig.
"Opo. Nakikinig ako," tugon ko sa kaniyang tanong.
"Kailan po ba natin gagawin iyan?"
"Sige po. Magkikita pa ba ulit tayo sa lumang bodega?"
"Pasensya na po."
"Opo boss. Gagawin kong napakabilis ang trabahong ito."
Matapos kong bitawan ang mga salitang iyon, Namatay na ang cellphone ko. Kinuha ko agad ang bag ko sa ibabaw ng mesa, sa tabi ng higaan ko. Nasulyapan ko muli ang isang larawan sa pader. Ang larawan ng aking pamilya. Si ama atsaka si kuya. Nakaakbay sa aming dalawa si ama habang nakangiti ng lubusan. Si kuya ay may seryosong mukha. Lagi na lang siyang seryoso, sa lahat ng bagay- pag-aaral, gawaing bahay, pagtulong sa negosyo at lahat na ng ginagawa niya- pero laging tahimik siya. Kahit si ama ay hindi niya pinagsasabihan ng sikreto. Si ama... gusto ko na siyang makita muli pero natatakot ako. Baka hindi na niya ako tanggapin bilang anak. Umalis ako sa aming tahanan dala ang pag-asa na makapagsimula ng isang negosyo. Iniwan ko ang aking pamilya, aking pag-aaral at aking mga kaibigan. Pero nauwi lang lahat sa wala.
BINABASA MO ANG
Nawala at Natagpuan
SpiritualProblemado, napariwala at desperadong mabuhay ang isang lalaki na minsa'y nabuhay sa luho at sarap na ngayon ay isinusugal ang kaniyang buhay sa isang napakadelikadong trabaho. Hango sa kwentong itinanim sa atin ng ating mga magulang, isang kwentong...