Naglalakad mula sa apartment patungo sa kanto, napansin ko ang mga tao ay napakaraming ginagawa, may mga nagtitinda at bumibili, may naglalaba ng mga damit, may naglilinis ng bahay at iba pa. Hindi ko namalayan ay nasa kanto na ako. Nag-abang ako ng dyip byaheng pa-Divisoria. Aba! Puro puno ang mga dumadaan. Mga ilang minuto pa ay may nakita akong dyip na walang laman maliban sa drayber. Pinara ko ito at sumakay.
Pagkaupo ko sa bandang harapan, dumukot ako ng Quezon. "Manong, bayad ho," ani ko sa drayber habang inaabot ang pera. "Divisoria lang ho."
Kinuha ng matanda ang bayad ko habang nakangiti. Binuksan niya ang kaha niya na nasa gitna ng dashboard. Tiniklop niya ang pera ng dalawang beses at nilagay ito doon. Pagkatapos ay kumuha siya ng isang Aguinaldo at ibinigay ito sa akin. "Sukli!" Masayang banggit ng drayber.
Kinuha ko ang sukli ko at nagtanong sa matanda. "Manong, bakit parang kakaiba ang saya niyo ho ngayon?"
"Bihira lang kasi ako makakita ng kabataan ngayon na magalang sa nakakatanda," sagot niya. "Bibihira na lang kasi ang mga kabataan ngayon na mag-'po' at 'opo.' Pagpalain ka nawa ng Bathala."
"Gayon din ho sana kayo," sagot ko at pilit na ngumiti sa kaniya.
Umurong ako sa pinakadulong likod at napayuko na lamang. Tuloy-tuloy ang biyahe. Walang sagabal sa traffic. May mga pasaherong sumasakay sa dyip at mga ilang sandali ay bumababa ang ilan sa kanilang mga destinasyong pupuntahan. Mga ilang sandali, napuno ang dyip.
Sa isang kanto na may tapat na isang sikat na mall, may bumabang estudyante at biglang may sumigaw na dalawang lalaki, "Sandali sasakay kami!"
"P're, isa lang kasya," ani ng isa sa kasama niya. "Sabit ka na lang," dagdag niya at ngumiti.
Pumuwesto ang isa sa likuran ng drayber at ang isa ay sumabit na lamang. Napansin ko sa lalaking nakasabit ang isang peklat sa kanyang braso, sa bandang malapit sa siko. Pabilog at parang may ibinakat doon sa balat. Parang pamilyar sa akin 'yung peklat. Kamukha sa kapatid ko noong sumali siya sa isang samahan mahigit isang dekada na ang lumipas. Nasa high school pa kami noon at lagi siyang naiingit sa mga lalaking kilala sa paaralan. Nais niyang sumali sa kanila at noong araw na nagdesisyon siya sa pagsali sa kanila, hindi siya umuwi sa bahay. Nalaman na lamang namin na nakahiga siya sa isang kanto sa kabilang barangay na puro pasa at namumula ang isang bahagi ng siko niya. Parang may ipinaso roon. Mabuti at dinala siya sa klinika ng barangay. Matapos ay iniuwi na namin siya. Kinabukasan ay nalaman namin na sumali siya sa isang gang.
Matapos ang isang minuto, napansin kong parang may itinatago ang lalaking nakasabit sa kaniyang likod. Sumipol ng isang kanta ang kasama niyang lalaki na nasa likod ng drayber. binunot ng lalaking nakasabit ang bagay na nasa kaniyang likod. Walter P99. Oo. Isang baril na pinangalang Walter P99 ang hawak ng lalaking nakasabit. Itinutok niya ito sa akin. Wala akong magawa kung hindi ay titigan lamang ang barrel ng baril. "Hold-up ito!" Dumukot rin ng baril ang lalaking nasa harapan at itinutok ito sa drayber.
"Iho, maawa ka naman sa sarili," ani ng drayber. "Magagalit sayo ang Bathala."
"Bathala, Bathala ka diyan, pinabayaan na niya ang pamilya namin," sagot ng lalaking nasa harap. "Kayo, ibigay niyo sa akin lahat ng mga cellphone niyo at mga pitaka niyo! Dali!"
Natauhan ako bigla at naalala ko ang sinabi sa akin ng drayber kanina. "Pagpalain ka nawa ng Bathala." Napatingin ako sa mga mata ng lalaking nakasabit. Nasigurado ako sa nanlilisik niyang mga mata na kaya niyang pumatay makapagnakaw lang. Bakit kaya? Maari sa matinding pangangailangan. Pero hindi ako sigurado.
"Ikaw! Ano tinitingin-tingin mo sa akin?" Sigaw sa akin ng lalaking nakasabit. "Ilabas mo ang pitaka mo at cellphone mo kung gusto mo pang mabuhay."
"Sandali lang," sagot ko.
Itinaas ko ang aking kanang kamay at kinuha ko ang aking pitaka gamit ang kaliwang kamay pero ang hindi niya alam ay wala talaga akong kukunin sa aking pantalon. Nang napalingon siya sa ibang pasahero, gamit ang aking kanang kamay ay hinawakan ko ang kaniyang braso at itinutok ang baril sa kasama niya. Gamit ang kaliwa kong kamay, hinawakan ko ang baril at kinalabit ang trigger. Saktong tinamaan ang kamay ng lalaking nakahawak din ng baril. Nabitawan niya ang baril. Nagulat ang kasama niya. Bigla ko siyang hinatak paloob ng dyip at inagaw ang baril sa kaniya. Kinalas ko ang bawat parte ng baril, gaya lamang noong CAT officer ako dati sa paaralan namin. Ako ang pinakamabilis mag-assemble at disassemble ng baril.
"Parang awa mo na, huwag mo kaming sasaktan!" pagmamakaawa ng lalaking hinatak ko na ngayon ay nakahandusay sa gitna ng dyip.
Bigla akong pinagpawisan. HIndi ko alam kung bakit. Nakita ko ang mga mata niya na luhang-luha. Parang may naaalala muli akong isang karanasan. Pero gusto ko ng kalimutan iyon. Ginawa ko na lamang ay bumaba ng dyip kahit na malayo pa ako sa pupuntahan ko sa Divisoria.
BINABASA MO ANG
Nawala at Natagpuan
SpiritualProblemado, napariwala at desperadong mabuhay ang isang lalaki na minsa'y nabuhay sa luho at sarap na ngayon ay isinusugal ang kaniyang buhay sa isang napakadelikadong trabaho. Hango sa kwentong itinanim sa atin ng ating mga magulang, isang kwentong...