Nang makaalis ang babae, dali-dali niyang isinuksok sa bulsa ang business card atsaka niya ipinagpatuloy ang pagpupulot ng mga papeles niya. Humahangos pa siya nang bumungad siya sa guard na nakapwesto sa harapan ng building.
"Miss, saan ang punta mo?" sita nang may edad ng gwardiya na halos pumutok na ang uniporme sa laki ng tiyan. Agad na humarang ito sa daraanan niya.
"Boss, magpapasa lang po ako ng papel sa loob," aniya.
"Kailan ka natawagan?"
Napakunot ang noo ni Isay. Ang linaw naman kasi nang pagkakasabi niya na magpapasa palang siya ng papel. "Hindi pa po ako natatawagan. Magpapasa pa nga lang po ako," aniya na bahagya pang ngumiti.
Lumapit ang medyo batang guard sa guard na kausap niya atsaka ito bumulong. Pagkatapos ay umalis na ito.
Nang inakala niyang okay na. Muli niyang sinubukang pumasok.
"Boss, pasok na ako, ah?" nakangiting sabi niya sabay hakbang papasok pero hinarang ng guard ang batutang hawak nito sa daraanan niya.
"Miss, pasensiya na. Bawal ka pala rito. May utos sa itaas na bawal kang papasukin," sabi ng gwardiyang malaki ang tiyan.
Napangiti siya. "Bawal po? Naku, Boss. Imposible naman po yata 'yun. Ngayon palang po ako tutuntong sa building niyo. Bakit po naka-ban agad ako? Baka naman po nagkakamali lang kayo," hirit niya.
Napaisip ang matandang gwardiya. May point nga naman ang dalaga. Nagpaalam ito saglit sa kanya. Atsaka lumapit sa kasamahang nakatanggap ng utos. Ilang segundo rin itong nakipag-usap bago muling bumalik sa kanya.
"Ikaw ba 'yung tumanggap ng Isang Libong Piso sa lalaking nakapulang kotse kanina?" tanong ng guard.
Namilog ang mga mata ni Isay. Hindi pala nagbibiro ang lalaking kausap niya kanina.
" 'Y-Yung lalaking naka-kotseng pula, siya po ba 'yong Boss niyo?"
Tumango ang guard. Tila nauupos na kandila na napasandal sa dingding si Isay.
"Pasaway ka talaga, Isay!" mariing sabi niya sa sarili.
"Miss, pasensiya na. Umalis ka na. Bawal ka rito. Baka mapagalitan kami ni Boss," pakiusap ng matandang gwardiya.
Mabigat ang mga hakbang na naglakad si Isay papalayo. Akala pa naman niya suswertihin na siya nang araw na 'yon pero bigo na naman siyang umuwi sa apartment.
Maingat at dahan-dahang umaakyat ng apartment si Isay. Iniiwasan niyang makagawa ng ingay para hindi siya mapansin ng kasera niyang natutulog lang sa unang silid malapit sa hagdanan. Todo ang kabog ng dibdib niya habang umaakyat. Nang biglang lumundag sa harapan niya ang mga naglalampungang pusa mula sa bubungan. Napasigaw siya kaya napatingala ang kasera niya na noo'y sadya palang nag-aabang sa pagdating niya.
"Isay, anong petsa na? Katapusan na, ah?"
Mariing napapikit ang dalaga. "Naku, Aling Maria, pasensiya na po, ah. Mailap pa po ang swerte, eh. Hindi pa rin po kasi ako natatanggap sa trabaho,' nahihiyang sabi niya.
"Naku! Pasensiya ka na rin Isay, ha? Alam mo namang iyan lang ang inaasahan naming mag-asawa. Kung hindi ka pa rin makakapagbigay kahit magkano hanggang sa isang linggo, mapipilitan akong paalisin ka."
"Aling Maria naman," aniya sabay himas sa braso ng matanda.
"Pasensiya ka na talaga. Kailangan ko rin ng pera, eh,"anito na hinawakan pa siya sa braso bago siya tinalikuran.
Tila wala sa sariling napaupo si Isay sa hagdanan. Napasapo na lang siya sa mukha.
"Lord, please! Tulungan niyo po ako," usal niya.
Patayo na siya nang maramdaman niya ang business card na isinuksok niya kanina sa gawing likurang bulsa niya. Gumuhit ang ngiti sa mga labi ng dalaga. Excited na dinukot niya ang card sa bulsa.
"Big time pala si Ma'am. Totoo kaya ito?" aniya nang makita ang title na CEO sa ibabaw ng pangalang Zenaida Lee. Agad na kinuha niya ang cell phone niya at saka siya nag-research sa internet tungkol sa babae. Laking gulat niya nang makita niya ang building na kanina lang ay pinuntahan niya.
"Wow! Siya pala ang may-ari nun."
Bigla niyang naisip ang alok nitong trabaho kaya agad niya itong tinawagan. Pero naka-off na ang cell phone nito.
Hindi siya mapalagay nang gabing iyon. Masyado kasi siyang na-excite. Sino ba naman kasi ang hindi mae-excite kung ganoong may-ari na mismo ng building ang personal na nag-alok sa kanya ng trabaho. Todo ang ngiti niya habang hawak-hawak at pinagmamasdan ang business card.
"Bukas na bukas, may trabaho ka na Isay," nakangiting sabi niya sabay pitik sa card.
Nang gabing iyon, payapang nakatulog ang dalaga.
Maganda ang naging mood ni Isay sa pagigising niya.
"Good morning, everyone!" bati niya habang bumaba ng hagdanan.
"Abah, ganda ng gising natin, ah," bungad ni Aling Maria.
Ngumiti si Isay atsaka umakbay sa matanda. "Stay foot ka lang diyan, Manang. Pagbalik ko may trabaho na ko. 'Wag kang mag-alala mababayaran na kita."
"Naku! Ano'ng petsa pa 'yon?" hirit ni Aling Maria.
"Basta, relax ka lang diyan. Gagawan ko po 'yun ng paraan."
Muling bumalik ng mataas na building si Isay kung saan niya nakita ang babaeng nag-iwan ng business card sa kanya.
"Miss, ikaw na naman?" agad na bungad ng matabang guard. "Bawal ka rito," anito na agad humarang sa daraanan niya.
"Pinapunta po ako rito ng Boss niyo," agad na sabi niya.
Natawa ang guard. "Miss, 'wag ka nang makulit. Si Boss nga ang nag-utos na 'wag kang papasukin, eh."
"Ibang Boss naman 'yung tinutukoy ko, eh."
"Sinong Boss ba?" kunot ang noong tanong ng guard.
"Si Ma'am Zenaida," taas noong sabi niya. Sinadya niyang banggitin ang first name ng babae para palabasing close sila.
Mas lalo pang natawa ang matabang guard. "Aba, talagang nag-research ka pa, ah."
Napakunot ang noo niya. "Loko 'tong mga 'to, ah."
"Bakit ano naman ang nakakatawa dun?"
"Paano mo nakilala si Ma'am? Eh, kakauwi lang nun galing US."
Namilog ang mga mata niya. Kararating lang siguro noon ng babae nang magkita sila.
"Pwede po bang pakitawagan niyo na lang? Pakisabi nandito ako."
"Sige na, Tay, pagbigyan mo na 'yang si Miss Beautiful, nang matigil na," sabi ng isang guard na halos kaedaran lang niya. Mabuti na lang kahit papaano nagagamit niya ang charm niya.
Hawak na ng matabang guard ang phone nang muling siyang tanungin.
"Ano'ng sasabihin ko? Ano ba'ng pangalan mo?"
Napakagat siya labi. Ano nga ba'ng sasabihin niya, eh, ni hindi niya nga naibigay ang pangalan niya sa babae.

BINABASA MO ANG
Mr. Sungit Boss
RomanceNaniniwala ka ba sa love at first sight? 'Yung unang kita palang tinamaan ka na agad. 'Yung parang gusto mo agad yakapin 'yung tao. Pero paano kung hindi kayo nabigyan ng pagkakataon? Meet Zander, ang lalaking na-in love sa babaeng nagligtas sa kany...