Nang akmang hihilahin na siya nito palabas, doon na pumalag ang dalaga. "Teka lang! Hindi ako katulad ng iniisip mo. Nagtatrabaho ako kay Ma'am Zenaida."
Napakunot ang noo ng lalaki. "Sa mama ko?" anito. "Paano mo naman nakilala ang mama ko?"
"Mama mo? So,ikaw 'yung anak niya na gusto niyang alagaan ko?" Napangiti si Isay." Akala ko pa naman may special needs 'yung anak ni Mrs. Zenaida. Ikaw lang pala." Natawa siya." Pa-bebe ka pala, eh."
"Ano'ng pinagsasabi mo? Sino'ng may sabing kailangan ko ng yaya?"
" 'Di ang mama mo," nakangiting sagot niya.
"At sa tingin mo talaga mapapaniwala mo ako?" Ngumisi ang binata. "Hindi ka na makakatakas sa akin ngayon," anito atsaka siya hinila palabas.
"Hoy! Ano ba? Bitiwan mo nga ako!" Pilit siyang kumakawala sa pagkakahawak ni Zander sa braso niya pero mas lalo lang dumidiin ang pagkakahawak nito sa kanya.
"Isusumbong kita kay Ma'am Zenaida!" sigaw niya.
"'Di magsumbong ka! Gusto mo samahan pa kita, eh."
Sa presinto doon siya inabutan ni Mrs. Zenaida.
"Pasensiya ka na, Hija. Misunderstanding lang ang lahat. Pwede ka nang bumalik sa bahay ng anak ko pagkatapos natin dito," agad na sabi nito.
Napangiwi si Isay. Pagkatapos nang nangyaring 'yon, parang nagdadalawang isip na siyang ituloy ang napag-usapan nila. "Ma'am, ibabalik ko na lang po 'yung perang nakuha ko sa inyo. Hindi ko na po yata kayang bumalik doon," alanganing sabi niya.
Napangiti ang babae. "Huwag kang mag-alala. Hindi na mauulit 'yon. Nakausap ko na ang anak ko."
"Sigurado po kayo, Ma'am? Ganyan din po kasi ang sabi niyo sa akin dati," lakas-loob na sabi niya.
Natawa ang babae. "Ikaw naman masyado kang matampuhin. Sige na. Bumalik ka na kay Zander."
"So, Zander pala ang pangalan ng masungit na 'yon."
Sa harap ng building ng condo unit siya ibinaba ng mama ni Zander. Dire-diretso siyang naglakad papasok pero sinita siya ng guard.
"Ma'am, sandali lang," sabi ng guard atsaka ito naglakad papalapit sa kanya.
"Taga rito ka ba? Saang unit ang punta mo?"
"Sa unit po ng boss ko. Sa anak ni Mrs. Zenaida Lee."
"Naku! Bawal na po kayong pumasok doon, Ma'am."
Napakunot ang noo niya. "Bakit naman po?"
"Nakatimbre po kayo sa amin. May nawawala raw pong gamit si Sir Zander at kayo raw po ang kumuha. Kung magpipilit po kayong bumalik, mapipilitan po ulit kameng tumawag ng pulis."
Nanlaki ang mga mata niya. "Ano?"
Gigil na gigil na dinukot niya ang cell phone sa bulsa atsaka niya tinawagan ang mama ni Zander.
"Hello, Ma'am. Ayaw po akong papasukin ng guard. Ni-report po ako ng anak niyo na nagnakaw daw po ng kung ano."
"Ibigay mo ang cell phone sa guard, kakausapin ko."
Agad na pinasa niya at cell phone sa guard. At matapos nga ang ilang minuto, pinayagan siyang makapasok ng mga ito. Sa kondisyon na sasabihin niyang nakalusot lang siya sa mga ito at hindi siya talaga hinayaang makapasok ng mga ito.
Dahil alam na niya ang passcode, malaya siyang nakapasok sa loob. Gabi na noon at tahimik na sa buong bahay kaya dahan-dahan at maingat siyang naglakad papasok sa kwarto na ibinigay sa kanya ng mama ni Zander. Gutom na siya noon pero tiniis niya ang gutom para hindi mapansin ni Zander na nakapasok siya. Baka kasi ipagtabuyan na naman siya nito at sa presinto pa siya matulog.
Madilim pa nang lumabas ng bahay si Isay kaya hindi siya napansin ni Zander. Ta-timing-an niya na lang ang pag-alis nito bago siya bumalik sa condo. Agad na ipinadala niya sa tatay niya ang sobra sa advance payment na ibinigay sa kanya ng mama ni Zander para makakuha na ito ng tricycle na gagamiting pampasada. Excited siya sa bago niyang trabaho kahit pa mukhang mahirap pakisamahan si Zander. Motivated naman siya sa laki ng sahod. Deadma na sa sama ng ugali ni Zander. Ang importante, sumasahod siya nang malaki.
Wala na si Zander nang makabalik siya sa bahay kaya malaya siyang nakakilos sa loob ng bahay. Dahil natambakan na rin siya ng maruming damit, isinabay na rin niya ang paglalaba ng mga damit niya habang naglilinis ng bahay. Ang gaan nang pakiramdam niya noon. Pakiramdam niya, iyon na ang simula nang magandang buhay nila ng tatay niya. Sa sobrang pagod sa maghapong paglilinis, nakatulog siya sa sofa at hindi niya namalayan ang pagdating ni Zander.
"Paano ka na naman nakapasok dito?! Don't tell me, alam mo ang passcode ng pinto ko?" Agad na napabalikwas ang dalaga.
"Akala ko ba nagkausap na kayo ng mama mo? Hindi pa rin ba malinaw sa'yo na ako ang kinuha niyang caregiver mo?" nangingiting sabi niya.
Nagsalubong ang kilay ni Zander. "Caregiver? Itong hitsura kong 'to? Mukha ba akong alagain, ha?"
"Bakit ba nagagalit ka sa akin? Bakit hindi ang mama mo ang kausapin mo?"
Biglang napakunot ang noo ni Zander. "Teka! May utang ka pa nga pala sa akin, ah. Nasaan na 'yung sukli ko sa Isang Libo? Atsaka 'yung bayad mo sa nagasgas sa kotse ko."
"Wait lang magbabayad ako," aniya atsaka pumasok sa kwarto. Sa pagbalik niya dala na niya ang Dalawang Libong Piso na sadyang itinira niya para pambayad sa utang at danyos niya sa kotse nito.
"Oh, iyan ang pera mo. Hindi ko naman nagastos 'yan. 'Yung Isang Libo, para 'yan sa nagasgas ko."
Natawa si Zander. "Are you serious? Sa tingin mo ganoon lang ang halaga ng pagpapagawa noon?"
"Oo naman. Gasgas lang naman 'yon, eh. Baka nga may sukli ka pa riyan, eh," nangingiting sabi niya.
"Ibang klase ka talaga, noh? Umalis ka na nga!"
Tumalikod si Zander at dumiretso sa kwarto kung saan siya natutulog. Sa paglabas nito bitbit na nito ang malaking maleta niya. "Alis na! Hindi kita kailangan dito," anito sabay tulak sa kanya palabas ng pinto.
"Hoy! Teka lang. Binayaran na ako ng mama mo. Hindi mo ko pwedeng paalisin!" Pilit siyang pumapasok sa loob pero sadyang malakas ang pwersa ni Zander kaya madali siya nitong napagsarhan ng pinto.
"Hoy! Hambog! Buksan mo 'to!" sigaw niya habang kinakabog ang pinto.
Pero hindi na siya inintindi ni Zander na noo'y naupo na sa sofa at nanood ng TV.
Mayamaya pa, dumating ang mga guard at pwersahan siyang binitbit palayo sa unit ni Zander.

BINABASA MO ANG
Mr. Sungit Boss
RomanceNaniniwala ka ba sa love at first sight? 'Yung unang kita palang tinamaan ka na agad. 'Yung parang gusto mo agad yakapin 'yung tao. Pero paano kung hindi kayo nabigyan ng pagkakataon? Meet Zander, ang lalaking na-in love sa babaeng nagligtas sa kany...