💋Chapter One💋

919 39 9
                                    

"STOP it, Mama. Ilang beses na nating napag-usapan ang bagay na ito. Sawang-sawa na ako," reklamo ni Borj. Itinaas pa niya ang dalawang kamay niya para ipakita na suko na siya sa pakikipagtalo rito.

"At kailan ka rin ba magsasawa sa mga pinag-gagagawa mo sa buhay mo, ha? You're not getting any younger, hijo. Beinte-nuwebe ka na. Dapat, nag-iisip ka na nang matino. Hindi dapat puro pambababae ang inaatupag mo," patuloy na litanya nito.

Ipinaikot niya ang kanyang mga mata. Hindi na bago sa kanya ang usaping iyon. Tuwing umuuwi siya sa mansiyon nila, at nakakausap nang sarilinan ang mga magulang niya, iyon ang madalas na pag-usapan nila.

"Our businesses are doing well katulad ng nais ninyo. Just leave these things to me, okay? I'm not into commitments, alam naman ninyo iyon, eh."

"Habang-buhay mo na ba talagang paninindigan ang pagiging playboy mo? For heaven's sake, Borj! Ang ugali mong iyan ang makakasira sa pagkatao at career mo," anito. Bakas sa mukha nito na pinoproblema talaga nito ang bagay na iyon. Masyado nang nag-aalala ito para sa kanya, palibhasa ay siya ang panganay na anak nito.

"Ano naman ang kinalaman nito sa mga businesses natin? Tingnan mo si Papa." Itinuro pa niya ang kanyang ama na tahimik lang na nakikinig sa

argumento nilang mag-ina. "Marami rin siyang naging babae noon pero hindi naman naapektuhan ang career niya, 'di ba?"

"Huwag mo na akong idamay sa usapang 'yan, hijo," nakangiting sabi ng kanyang ama.

"At least, your father stopped his habit and married me bago pa inilipat ng lolo mo ang pamamahala ng mga negosyo sa kanya," pagtatanggol ng mama niya sa kanyang papa. "Ikaw, kailan mo pa balak magbago?"

Napabuntong-hininga siya. Ayaw na niyang humaba pa ang usapang iyon. Tumayo na siya.

"Look, 'Ma, I really have to go. Dumaan lang ako rito para batiin kayo ni Papa. May lakad din ho kami ng mga kaibigan ko ngayong gabi."

"You can't leave! It's our thirtieth wedding anniversary and you should be here with us!"

Napabuntong-hininga uli siya. "'Ma, you know very well na wala akong hilig sa mga ganitong parties. Next time na lang ako babawi sa inyo, promise."

"Monti, pigilan mo ang anak mo!"

Ngumiti lang ang kanyang papa. "Para namang hindi mo kilala ang anak mo. Hindi mo iyan mapipigilan kaya hayaan mo na lang."

Napairap na lamang ang kanyang ina. Alam nitong wala na ngang magagawa ito para pilitin siyang manatili roon ngayong gabi, lalo pa at kinampihan na naman siya ng kanyang ama.

"Bye, 'Ma." Hinagkan niya ito sa pisngi. "Aalis na ako, 'Pa. Happy Anniversary uli sa inyong dalawa."

Iniwan na niya ang mga ito sa study. Malalaki ang mga hakbang na lumabas siya patungo sa garden kung saan ginaganap ang malaking kasiyahan para sa anibersaryo ng kasal ng kanyang mga magulang.

Ilang bisita ang bumati sa kanya at nag-alok na sumama siya sa mesa ng mga ito pero tumanggi siya. Nang makita niya ang kaibigan niyang si Yuan na tahimik na umiinom sa isang sulok ng garden ay agad na niyaya niyang umalis ito.

*****

"'TAGAL mo, ah! I bet, nasermunan ka na naman ni Tita Kristine dahil sa mga babae mo," sabi ni Yuan kay Borj nang nakasakay na sila sa kotse niya.

"Ano ba'ng bago ro'n?" bale-walang sabi niya habang ini-start ang kotse. "Hindi ko alam kung bakit hindi nila maintindihan na wala akong balak

mag-asawa. Sakit lang iyon sa ulo at ayokong madagdagan pa ang mga iniisip ko."

In Love ForevermoreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon