PUMAYAG si Roni sa gusto ni Borj na doon pa rin siya sa mansiyon ng mga magulang nito tumira. Tuluy-tuloy naman sa pag-aasikaso ang kanyang
abogado sa mga kasong isinampa nila laban sa mag-amang Barrios."Ate Roni, para daw ito sa 'yo," sabi ni Bianca nang makasalubong niya ito sa sala. Iniabot nito sa kanya ang dalang isang dosenang pulang rosas. "Ipinabibigay 'yan ni Kuya para sa 'yo."
Tinanggap niya iyon at agad na binasa ang kasamang card niyon.
Susunduin kita mamayang seven o'clock. Wear a semiformal dress, okay?
Napangiti siya. May kiliting gumapang sa kanyang puso. Pero agad ding nawala ang ngiti na iyon at napalitan ng pag-aalala.
"What's wrong?" tanong ni Bianca na agad namang napansin ang pag-iiba ng timpla ng mukha niya.
"B-baka kasi maulit 'yong nangyari sa concert ng Side A."
"Sa tingin mo ba, yayayain ka uli ni Kuya sa isang lugar na puwede kang mapahamak?" anito, saka napailing. "No, I don't think so. Kung saan ka man planong dalhin ni Kuya, tiyak na safe ang lugar na iyon."
Muli siyang napangiti. Tama ito. Hindi naman siguro siya ipapahamak ni Borj. Nagpasalamat lang siya kay Bianca at saka nagmamadaling umakyat siya sa kanyang silid.
Naghahanap siya ng damit na isusuot para mamayang gabi nang bumukas ang pinto at pumasok si Bianca.
"Tutulungan na kita sa pagpili ng isusuot mo," nakangiting sabi nito. Nakihalungkat na rin ito sa cabinet niya.
"Sa tingin mo ba, okay na ito?" Ipinakita niya rito ang puting slacks at old rose na sleeveless blouse.
Umiling ito. "I don't think Kuya will like that. At saka, 'di ba, ang sabi niya ay semiformal dress ang isuot mo? Wala ka bang white dress? Weakness ni Kuya ang mga babaeng nakasuot ng white dress, eh."
"Wala, eh. Hindi naman kasi ako mahilig magsuot ng ganoong damit."
Tumahimik ito, waring nag-iisip. Kapagkuwan ay biglang napangiti ito at hinawakan siya sa isang kamay. "I have an idea. Come with me." Hinila
siya nito palabas at dinala siya sa kabilang silid."Hindi naman siguro magagalit si Ate Serena kung gagamitin mo ang isa sa mga damit niya. Tutal naman mula noong magkaasawa siya, hindi na rin
niya naisusuot pa ang mga damit niya rito."Binuksan nito ang cabinet at naghanap ng damit doon. Ilang minuto ring naghalungkat ito roon. Siya naman ay tahimik lang na nakaupo sa kama.
Isang puting damit ang inilabas ni Bianca. "Kasya siguro ito sa 'yo. Magkasing-katawan naman kayo ni Ate noong dalaga pa siya, eh. Isukat mo na, at kung hindi babagay sa 'yo ay maghanap uli tayo. Marami pang iba rito."
Iniabot nito iyon sa kanya at muling ibinalik ang pansin sa mga damit ng kapatid.
Sumunod naman siya, nagpalit siya ng damit sa banyo na nasa loob ng dating silid ni Serena.
"Bagay ba?" tanong niya kay Bianca paglabas niya ng banyo.
Humarap ito sa kanya, at nanlaki ang mga mata nito habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa. "Wow, Ate! Ang ganda-ganda mo. Bagay na
bagay 'yan sa 'yo."Tiningnan niya ang sarili sa harap ng malaking salamin na naroon. Tama si Bianca, bumagay nga sa kanya ang damit. Simple lang ang tabas niyon
pero eleganteng-elegante ang dating. Tama lang din ang pagkakahapit niyon sa kanya. Lumabas ang magandang kurba ng kanyang katawan.
BINABASA MO ANG
In Love Forevermore
RomanceSa kagustuhang mailayo sa kapahamakan ang natitirang mahal sa buhay, napilitan si Roni na sumunod sa gusto ni Basti. Akala niya ay wala na siyang pag-asa pang makatakas pa pero dumating ang isang knight in shining armor niya sa katauhan ni Borj. Lah...