"MAGPAHINGA muna tayo, hija. Mataas na ang sikat ng araw. Mamayang hapon na lang natin ito tapusin," ani Tita Kristine.
Tumango si Roni. Nasa garden sila ng mama ni Borj at inaayos ang mga tanim nitong roses at orchids. Iyon ang pinagkakaabalahan niya simula nang tumira siya sa mansiyon ng mga Jimenez.
Hinubad niya ang suot na gloves. Pinahid niya sa pamamagitan ng likod ng kanyang kamay ang ilang butil ng pawis na nasa mukha niya bago siya tumayo at sumunod sa matandang babae. Papasok na sila sa loob ng bahay nang dumating ang kotse ni Borj. Agad na bumaba mula roon ang binata at lumapit sa kanila.
"Hi, Mama." Hinagkan nito sa pisngi ang ina bago siya binalingan. "You look great. Kumusta ka naman dito?"
Matipid na ngumiti siya rito. "Okay lang ako," aniya.
"Mabuti naman at napadalaw ka. Kahapon pa nga sana kita gustong tawagan," ani Tita Kristine.
"Bakit po? May problema ba rito?" tanong ni Borj sa ina.
Umiling ang ginang. "Wala naman. Gusto ko kasi na ikaw ang mamahala ng anihan sa hacienda. Hindi pa kasi kami makakapunta roon ng papa mo dahil may kailangan pa kaming asikasuhin dito."
Inakbayan ni Borj ang ina nito habang papasok ang mga ito sa mansiyon. Tahimik naman na nakasunod siya sa mga ito.
"Mama naman. Kadarating ko lang dito, tungkol sa trabaho agad ang ibinubungad mo. Hindi mo man lang ba itatanong kung kumain na ako?" reklamo nito pero malambing naman ang tinig.
Napangiti si Tita Kristine. "Sinasabi ko lang sa 'yo na kailangan mong umuwi sa hacienda."
"Magpapahanda ho muna ako ng merienda," aniya nang nasa sala na sila.
Akma na siyang tatalikod patungo sa kusina nang pigilan siya ni Tita Kristine. "Ako na ang bahala, Roni. Mag-usap na muna kayo ni Borj."
Tahimik na naupo sila ni Borj sa sofa, kapwa walang kibo. Tila pinakikiramdaman lang ang isa't isa.
"Kumusta ka na?" mayamaya ay basag nito sa katahimikan.
Tiningnan niya ito. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang pagbilis ng pintig ng kanyang puso nang magtama ang kanilang mga mata. "Okay lang, maayos naman ako rito."
Ngumiti ito. "Mukha ngang nagkakasundo kayo ni Mama. Hindi ka ba naiinip dito?"
Umiling siya. "Marami namang puwedeng gawin dito, eh. Bianca always keeps me company, at saka tinutulungan ko si Tita Kristine sa pag-aalaga ng mga halaman niya."
Tumangu-tango ito. "Anyway, can I invite you out for lunch?" bigla ay sabi nito.
Napatingin siya rito. "Ngayon?"
Tumango ito.
Gusto sana niyang pagbigyan ito, kaya lang ay may gagawin pa siya. Bago pa man siya nakasagot ay biglang may nagsalita mula sa likuran nila.
"No, Kuya, she can't come with you," ani Bianca na kabababa lang ng hagdan.
Sinalubong ni Borj ang bunsong kapatid nito na labimpitong taong gulang pa lamang. Hinagkan ni Bianca ang kapatid nito sa pisngi at niyakap naman ito ni Borj.
"Bakit naman hindi ko puwedeng isama si Roni?" tanong nito kay Bianca.
"Tutulungan niya akong magluto ng lunch. Nagpapaturo kasi ako sa kanya ng iba't ibang putahe, eh. Dito ka na lang kaya mag-lunch para matikman mo ang luto naming dalawa."
"Hindi kaya sumakit ang tiyan ko o bumula ang bibig ko sa luto mo?" biro ni Borj.
Kinurot ng pino ni Bianca ang kapatid. "Ang sama ng ugali mo, Kuya!"
BINABASA MO ANG
In Love Forevermore
RomanceSa kagustuhang mailayo sa kapahamakan ang natitirang mahal sa buhay, napilitan si Roni na sumunod sa gusto ni Basti. Akala niya ay wala na siyang pag-asa pang makatakas pa pero dumating ang isang knight in shining armor niya sa katauhan ni Borj. Lah...