CHAPTER 1

72.6K 1.4K 40
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

CHAPTER 1

Ang mundo ng Fhalia ay nahahati sa limang lupain na pinaghaharian ng isang Hari at Reyna. Dalawa sa lupain dito ay mayroong kanya-kanyang pinuno.

Ang lupain ng Russalia ang pinakamalaking lupain sa mundo ng Fhalia. Malaki ang mga bahay doon dahil na rin sa naroon ang lahat ng mga arcan na nakakaangat sa buhay. Doon mabibili ang lahat ng uri ng pagkain, baluti at kung anu-ano pang mga gamit sa murang halaga. Kaya naman dinadayo pa ito ng iba. Sa tuwing sasapit naman ang gabi, nangingibabaw ang musika sa paligid mula sa mga lalaking musikero. Sinasabayan ito ng mga kababaihan na sumasayaw naman sa saliw ng plauta at tamburin.

Pangalawa naman sa pinakamalaking lupain sa Fhalia ang lupain ng Navi na nakalutang sa himpapawid. Sa gitnang bahagi nito matatagpuan ang malaking palasyo ng Hari at Reyna. At tanging ang mga arcan lamang na mayroong taglay na kapangyarihan ang maaaring manirahan doon. Tulad na lamang ng mga guardians ng palasyo. Ang lupain ng Navi ang masasabing pinakatahimik sa lahat; walang kasiyahan, tawanan o kahit na kuwentuhan. Ang tanging makikita lamang doon ay mga punong tadtad ng guhit mula sa mga matalas na sandata, o mga nakabuwal na puno dahil sa mga nag-eensayo sa paggamit ng kanilang kapangyarihan.

Ang lupain ng Denmali naman ang pangatlo sa pinakamalaking lupain sa Fhalia. Madilim ang lugar na iyon at napalilibutan ng malakas na harang na kung tawagin ay briada. Ibig sabihin ay kalahating kapsula na ang ilalim ay hugis rehas, nakabaon ito sa ilalim ng lupa at gawa ng isang earth arcan. Pinatibay din ang briada dahil sa malakas na magic barrier mula sa isang spell caster. Ang briada na ito ang dahilan kung bakit hindi nasisikatan ng araw ang Denmali. At kaya mayroong harang ang Denmali ay dahil doon ikinulong ang lahat ng masasamang nilalang na noon ay nagdala ng matinding pinsala sa Fhalia. Kasama na roon ang ilan sa mga arcan na pinalad magkaroon ng kapangyarihan ngunit hindi ginamit sa kabutihan.

Ang pang-apat sa pinakamalaking lupain sa Fhalia ay ang lupain ng Domin. Madilim at napalilibutan ito ng makapal at kulay itim na usok, kaya't walang nakakaalam kung ano ang itsura sa loob nito. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit nakakaramdam ng kilabot ang kahit na sinong tumingin sa lugar na iyon. Ayon sa kasabihan ng mga matatandang arcan, doon namamalagi ang kaluluwa ng isang namayapang arcan sa loob ng tatlumpu't siyam na araw. Kahit wala pang nakakapagpatunay sa kasabihang iyon ng matatanda ay pinaniniwalaan pa rin ito ng lahat.

Samantalang ang pinakamaliit naman na lupain sa Fhalia ay ang lupain ng Detori. Anak ng dating Hari ang hinirang na pinuno sa lupain na ito — si Hibana Hiralia Subaru. Kahit maliit lamang ang lupain na ito, mayaman ito sa mineral at magandang tanawin. Dito makikita ang mga bukirin kung saan nagmumula ang pagkain ng mga arcan sa buong Fhalia.

Ito ang buong lupain ng Fhalia, ang pumumunuan ni Calli Subaru Hiralia limang taon mula ngayon. Siya ang pinili ng kanyang ama na si Avi Rasarier Hiralia na susunod sa yapak nito dahil siya ang pinakamalakas na arcan sa buong Fhalia. Ang kanyang kapangyarihan ay maihahalintulad sa kapangyarihan ng tatlong Hari at dalawang Reyna.

FHALIA - ITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon