CHAPTER 4

32K 959 64
                                    

CHAPTER 4

Tahimik na nagbabasa ng libro si Calli tungkol sa iba't-ibang uri ng black magic habang nakaupo siya sa sanga ng puno ng kauri. Inaya siya ni Elizabeth na dumalo sa kaarawan nito na magaganap mamayang hapon sa mundo ng mga tao. Kaya't naghahanap siya ng black magic kung saan maaari niyang itulad ang tenga niya sa isang tao.

"Nakakainis! Wala akong mahanap!"

Sinabi na ni Calli kay Elizabeth na isa siyang Arcan, at hindi siya sa mundo ng mga tao nagmula. Ilang buwan sa mundo ng mga tao ang dumaan bago ito muling nakipagkita sa kanya. Hanggang sa unti-unting bumalik ang pakikitungo nito sa kanya, na umabot ng isang taon sa mundo ng mga tao at isang araw naman sa Fhalia.

Isinara ni Calli ang librong hawak niya. "Paano na 'to wala akong nakitang spell. Hindi ako makakapunta mamaya. Baka magtakbuhan lang ang mga bisita niya kapag nakita ako."

"Bakit naman sila magtatakbuhan kapag nakita ka nila?" Nagtatakang tanong ni Merahi, na kararating lamang galing sa lunsod ng Russalia.

Si Merahi Lazu ay malapit na kaibigan ni Calli, isa itong spell caster at ito ang inatasang maging pinuno ng mga Guardians sa palasyo. Ayon sa bagong listahan ng rankings sa palasyo, si Merahi ang pangatlo sa pinakamalakas na Arcan sa buong Fhalia.

Napabalikwas si Calli sa sanga ng puno dahil sa gulat kaya't nahulog ang librong hawak niya. Nagmamadali siyang bumaba sa puno para sambutin ang libro, ayaw niyang makita iyon ni Merahi.

Itinago ni Calli sa likod niya ang hawak na libro. "Baka magtakbuhan sila mamaya palapit sa akin. Iyon ang ibig kong sabihin," palusot na sabi ni Calli. "Bakit narito ka? Hindi ba't sabi mo bibili ka ng damit para sa kasiyahang magaganap mamaya sa hardin ng Russalia?"

Sumandal sa puno ng kauri si Merahi. "Kasiyahang magaganap para sa 'yo, Calli. Mukhang pinipilit ka na talaga ng iyong Ama na magkaroon ng kasintahan."

Kinuha ni Calli ang cloak niya na nasa damuhan. "Hindi na niya ako kailangan pilitin dahil mayroon na akong kasintahan. At wala akong balak sabihin sa 'yo kung sino."

"Prince Calli Hiralia, hindi naman ako interisadong malaman kung sinong malas na babae ang napili mo. Paniguradong mananakit lang ang ulo niya sa pagiging seloso mo. Isa pa, malalaman ko rin kung sino siya oras na ipakilala mo siya sa mahal na Hari. Maiba tayo, kailangan ko ang tulong mo. Samahan mo akong mamili ng damit sa pamilihan ng Russalia. Nahihirapan kasi akong pumili kung anong maganda," pakiusap ni Merahi.

Isinuot ni Calli ang hawak niyang cloak. "Tama ka ng nilapitan, Merahi. Alam ko kung anong mga tipo ni—"

Tinakpan ni Merahi ang bibig ni Calli. "Sasamahan mo ba ako o hindi?"

Nakasimangot na tinanggal ni Calli ang kamay ni Merahi. "Sasamahan kita. Doon din naman ang punta ko dahil may bibilin ako. Pero hintayin mo muna ako rito, uuwi lang ako sandali sa bahay."

Umuwi si Calli sa tinutuluyan niyang bahay sa gitna ng gubat ng Russalia. Iniwan niya roon ang librong binabasa niya kanina saka siya kumuha ng maraming pilak na pambili ng regalo. Bumalik siya sa tabi ng puno ng kauri at sinamahan niya si Merahi sa pamilihan ng Russalia upang bumili ng damit.

Habang pumipili si Calli ng isusukat na damit ni Merahi, narinig niya ang usapan ng mga Arcan sa paligid.

"Tingnan mo si Merahi at prince Calli. Bagay na bagay talaga silang dalawa, mukha silang magkasintahan. Siguradong mangunguna rin sa listahan ang magiging anak nila kung sakali."

"Sinabi mo pa. Kailan kaya ang kasal nilang dalawa?"

Ginitgit ni Merahi si Calli. "Kinikilabutan ako sa mga sinasabi nila. Ipakilala mo na sa Hari ang kasintahan mo, dahil ayokong magising isang araw at bigla nalang sabihin sa akin ng mahal na Hari na pakasalan kita," pabulong na sabi ni Merahi.

FHALIA - ITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon