Nakakaramdam na si Arkile ng matinding panghihina dahil kanina pa niya ginagamit ang kanyang kapangyarihan. Sinusubukan niyang ilipat ang apoy sa kanyang mga kamay papunta sa hawak na espada sa pinakamabilis na paraan, ngunit hindi labis. Ilang ulit na niya itong sinubukan, ngunit hindi niya magawa ng tama. Laging napapasobra ang apoy na naililipat niya hanggang sa masunog na pati ang mga halaman sa paligid at ang kanyang kasuotan.
"Ang hirap!" Binitiwan ni Arkile ang hawak niyang espada saka umupo sa damuhan. "Pagod na pagod na ako. Ayoko na."
Tinanaw ni Arkile ang lupain ng Navi na nasa himpapawid. Hanggang sa bigla niyang naalala ang nakatatandang kapatid na si Calli. Tumayo siya upang muling mag-ensayo.
Mas mahigpit at nakakapagod ang ensayong ginagawa ng nakatatanda niyang kapatid kumpara sa ginagawa niya. Kahit isang beses ay hindi ito nagreklamo, kaya't naisip niyang dapat ay ganoon din siya. Ayaw niyang habang buhay na maging pabigat sa kanyang Ama at kapatid.
Inabot si Arkile ng gabi sa pag-eensayo ngunit hindi pa rin niya nagawa ng tama ang dapat niyang gawin.
Sumipol si Arkile upang tawagin ang alagang malaking agila na si Rile. Ngunit hindi ito dumating kaya't paulit-ulit siyang sumipol ng malakas. Hanggang sa makita niya si Rile sa himpapawid sa gubat ng Detori kung saan siya naroroon.
Agad siyang sumakay sa alagang si Rile. "Umuwi na tayo sa Navi."
Agad namang lumipad si Rile papunta sa Navi. Mula sa himpapawid nakakita si Arkile ng liwanag na nagmumula sa gubat ng Russalia.
"Ano kaya 'yon?"
Kahit interisado si Arkile na malaman kung ano ang kanyang nakita, mas pinili niyang huwag na lamang itong alamin. Nagmumula kasi ang liwanag na kanyang nakita sa lugar kung saan nag-eensayo ang kapatid niyang si Calli. Kung pupunta siya roon ay baka maistorbo lamang niya ito.
Pagdating ni Arkile sa Navi agad siyang dumiretso sa palasyo. Pinagbuksan siya ng pinto ng mga guwardya saka yumuko ang mga ito sa kanya bilang tanda ng paggalang. Sa paglalakad niya papunta sa kanyang silid, napansin niyang abala ang lahat ng katiwala. Hanggang sa makasalubong niya ang kanyang Ama.
Yumuko siya tanda ng paggalang. "Magandang gabi po, mahal na Hari."
"Arkile, alam mo ba kung nasaan si Calli? Hindi ba niya alam na magkakaroon ng kasiyahan sa hardin ng Russalia? Inimbitahan ko ang lahat ng kababaihan upang makapili siya ng kasintahan. Ngayon ay hindi siya makita kahit saan," galit na sabi ng kanyang Ama.
Tumayo ng tuwid si Arkile dahil baka masita ng Hari ang kanyang postura. "Mahal na Hari, sa tingin ko po ay nag-eensayo pa si kuy— si prince Calli sa gubat ng Russalia. Maaari ko po siyang puntahan upang pauwiin kung bibigyan po ninyo ako ng pahintulot."
"Huwag na, uutusan ko na lamang si Merahi. Mabuti pa ay maligo ka na dahil napakadungis mo. Saan ka ba nagsuot? Magbihis ka ng pormal para sa kasiyahang magaganap mamaya sa hardin ng Russalia," utos ng kanyang Ama.
"Nag-ensayo po ako sa gubat ng Detori kanina kaya po ganito ang aking suot, mahal na Hari. Maliligo na po ako agad."
"Nag-ensayo ka ulit?"
"Opo."
"Ano ang nangyari sa pag-eensayo mo? Nagawa mo na ba ng tama ang sinabi ko sa 'yo?" tanong ng Hari.
Napatungo si Arkile dahil sa matinding hiya. "Hindi pa po."
Tahimik lamang si haring Avi hanggang sa bigla na lamang itong naglakad palayo. "Tulad ng inaasahan ko." Dismayadong sabi nito.
BINABASA MO ANG
FHALIA - I
FantasyFHALIA : THE BIRTH OF A NEW KING WRITTEN BY SOMEONELIKEK Ang mundo ng Fhalia ay nahati sa dalawang panig. Isang nakatakdang hari na umibig at binago ng galit- at isang prinsipe na handang humarap sa hirap para lamang sa nakararami. Isang mundo kung...