III

1.7K 38 2
                                    

HILA-HILA ako ni Tita Margie paakyat sa ikalawang palapag. Kahit luma na ang bahay ay malinis pa rin ang paligid nito. Wala kang makikitang alikabok at sapot sa mga dingding at kisame.

Dama ko tuloy yung ambiance ng makalumang panahon.

"Alam mo, sabik na sabik na yung Lolo mo na makita ka. Kanina pa siya nagtatanong sa'kin kung nakarating na ba kayo. Buti nalang at nakaabot na kayo agad," aniya.

Pinapasok niya ako sa isang silid na matatagpuan sa pinakadulo ng hallway. Nadatnan ko ang isang matanda na nakahiga sa kama, matamlay dahil sa tingin ko ay may masamang karamdaman.

May hawak itong papel at tinitiklop-tiklop niya ito upang makagawa ng origami. Ibinaling niya ang kaniyang mukha sa amin at nagliwanag ang kaniyang mukha noong nagkasalubong ang aming mga mata.

"'Tay, ito na si Pael. Yung anak ni Dennis," pakilala sa'kin ni Tita Margie sa kaniya.

"Halika dito, apo," aniya habang nakangiti. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at nagmano. "Mabuti at nakadalaw ka bago ako mamatay."

Nanlaki ang mga mata ni Tita Margie.

"'Tay naman! Ganiyan ba yung tamang bungad sa apo mo? Huwag ka ngang magsalita ng ganiyan," pagsuway nito kay Lolo.

"Totoo naman, anak. Malapit na akong mawala sa mundo, pero tingnan mo nga naman!" aniya at pinatong ang kaniyang kamay sa aking ulom "Makikita ko pa rin pala yung isa ko pang apo!" natutuwa niyang salaysay at humalakhak, habang pinipisil-pisil ang aking buhok.

Matipid akong ngumiti, ngunit gayumpaman ay lubos akong masaya dahil nalaman ko kung gaano siya kabait sa unang pagkakataon na nagkaroon kami ng interaksyon.

"Maiwan ko muna kayo. Papasunurin ko nalang dito sina Dennis at yung asawa niya. Aayusin lang daw nila yung mga gamit nila sa sasakyan."

Tumango si Lolo, pero nakatuon lang ang kaniyang paningin sa akin.

"Mabuti naman. Matagal ko na ring hindi nakikita ang anak ko na 'yon. Nais ko siyang kamustahin," aniya.

Umalis na si Tita at iniwan kaming dalawa ni Lolo sa silid.

Nagpatuloy pa ang aming pag-uusap. Nung una, medyo naiilang ako sapagkat hindi ko pa siya lubusang kilala. Pero unti-unti kong nadama na magaan siya kausap kaya napakuwento ako sa kaniya.

Tinatanong niya ako sa mga bagay na tungkol sa aking buhay, na sa tingin ko ay parang hindi naman interesanteng pakinggan ngunit nakikinig pa rin siya.

"Mahilig ka palang gumuhit," ani Lolo at saka tiniklop niya ulit ang papel.

"Minsan lang naman po. Madalas po kasi, nawawalan ako ng gana."

"Bakit naman? Hindi ka ba nasisiyahan sa mga ginuguhit mo?"

"Hindi naman po sa ganu'n," sabi ko habang pinagmamasdan ko pa rin ang kaniyang pagbuo ng origami. "Pakiramdam ko po kasi, may mga bagay na mas maganda pang iguhit kaysa sa mga napipili kong konsepto."

"'Yun lang ba ang dahilan mo, apo?" tanong niya sa'kin. Apo. Ito ang araw na unang akong natawag ng ganito.

"Ano pa nga bang iba na maaari kong maging dahilan?" tanong ko sa kaniya at pati na rin sa aking sarili. Ano nga ba? Sa galing kong gumuhit ay kailanma'y hindi nagkakalayo ang aking pinaggagayahan sa nagiging drawing ko.

"Alam mo, hindi lang pala ang pangalan ko ang nakuha mo sa'kin. Pati rin pala ang talento ko, namana mo," aniya.

Medyo naguluhan ako sa sinabi niya.

"Ano po 'yon?" tanong ko bilang panghihingi ng kalinawagan.

"Rafael din ang pangalan ko, Pael. Apeng naman ang palayaw sa'kin. Nung kabataan ko, mahilig akong magpinta," saad niya.

Nasurpresa ako sa sinabi niya.

"Sa tingin ko, ang sagot sa problema mo tungkol sa pagpili ng konsepto ay alamin mo kung bakit mo ginuguhit ang isang bagay," aniya.

Nanatili lang akong tahimik upang mapakinggan ang lahat ng kaniyang ipapabatid sa akin.

"Ano nga ba, Pael? Bakit ka gumuguhit?"

Nanindig ang aking balahibo sa reyalisasyon. Madalas, hindi ko inaalam ang dahilan. Iniisip ko lang na maaari kong pagkakitaan ang aking talento kapag nahasa pa ako. Ngunit, hanggang doon lang.

Hindi ako nakasagot. Siya na ang nagsalita.

"Gumuguhit ako dahil nais kong magbaliktanaw sa mga bagay na minsan ko nang nakita sa buhay ko. Lalo na yung mga eksenang ayaw kong makalimutan. Nais ko silang dalhin sa papel, dahil madalas, bigla nalang silang nawawala sa buhay ko. At ang tanging ebidensya na madadala ko lamang ay ang mga alaala sa utak ko, kasama ang mga ginuhit kong larawan."

Napatulala ako. Napakalalim ng mensaheng ipinarating niya sa akin. Natatandaan kong sinabi sa'kin ni Papa na nagsisimula nang magkaroon si Lolo Apeng ng Alzheimer's disease.

Napaisip ako. Kung unti-unti na niyang nakakalimutan ang mga alaala sa kaniyang utak, tanging ang mga ginuhit niya na lang pala ang magpapaalala sa kaniya ng kaniyang nakaraan.

Nakakalungkot isipin. Naaawa ako sa kalagayan niya.

Rendezvous (Pagtatagpo) [BxB, SPG]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon