IV

1.5K 36 1
                                    

"ANO na nga ba yung kasunod nito?" tanong ni Lolo Apeng sa kaniyang sarili habang kinakamot ng kaniyang daliri ang kaniyang sentido.

Pati ang ginagawa niyang origami ay hindi na niya matandaan kung ano ang sunod na dapat itiklop.

Sinuri ko ang kaniyang papel at napagtanto ko agad kung ano ang bagay na nais niyang gawin dito.

"Ako na po magtutuloy," pagpepresenta ko.

"Sige," pagsang-ayon niya at binigay sa akin ang papel.

Pinagpatuloy ko ang pagtupi hanggang sa matapos kong gawin ang bankang papel. Pinakita ko sa kaniya ito.

"Ang galing!... Nagawa mo!" masaya niyang saad na parang batang namamangha. Binigay ko ito sa kaniya.

Pinagmasdan niyang maigi ang bangkang papel na parang isang mamahaling obra.

"Salamat, apo. Mapurol na kasi utak ko. Hindi ko na matandaan," tipid niyang sabi at tsaka nilapag sa side desk ang origami.

Narinig ko ang pagbukas ng pinto at napalingon ako kina Tita Margie kasama sina Mama't Papa. Lumabas muna ako sapagkat mag-uusap-usap daw sila tungkol sa mga bagay na mga matatanda lang ang nakakaintindi.

Naghintay ako sa labas ng silid.

...

SA KABILANG dulo ng hallway ay may balkonahe. Nagwawala ang mga kurtina dahil sa matinding pagbuga ng hangin mula sa labas. Sa kuryosidad ay lumapit ako upang makita ang tanawin mula sa itaas.

Nakakasilaw ang sinag ng araw, ngunit naaninag ko pa rin ang sangkabahayan na payapa sa tanghaling tapat. Ibang-iba ito sa syudad kung saan kahit madaling araw ay humuhuni na ang mga behikulo sa labas ng bahay namin na sinasamahan pa ng ingay ng mga tsismosang kapitbahay.

Nilagay ko sa railings ang aking mga kamay. Nagulat ako nung may paru-parong lumapit sa akin at dumapo sa aking balikat.

Nanlaki ang aking mga mata habang tinititigan at sinusuri ang pakpak nitong kulay bughaw. Dahan-dahan itong lumalapit sa aking tainga na para bang may nais itong ibulong sa'kin.

Pero isa lang itong paru-paro. Paano naman siya makakapagsalita?

Buong buhay kong inaakala na ang lahat ng insektong nabubuhay sa mundo ay ilap sa mga tao, dahil nasa instinct na nila na isa tayong uri ng panganib.

Nais kong hawakan ang kaniyang pakpak, kaya itinaas ko ang aking kamay at dahan-dahang nilalapit patungo sa munting nilalang. Ngunit bago ko pa ito masalat ay agad din itong lumipad palayo. Sa bilis ng kaniyang pagaspas, isang kurap lang ay hindi ko na nasundan ang kaniyang tinatahak.

...

SUMAPIT na ang gabi at tinapos na namin ang hapunan ng sabay-sabay, liban kay Lolo Apeng na kailangang manatili lamang sa kaniyang silid. Mahina na raw ang mga binti niya upang makalakad kaya mas mabuting hindi na muna namin siya makakasama sa hapag.

Iisang silid lang ang bakante sa buong bahay na maaaring tulugan. Doon daw magshe-share sina Mama at Papa. Samantalang pinatuloy ako ni Russel sa kaniyang silid upang doon matulog.

Marami siyang koleksyon ng manga, at punong-puno ito sa kaniyang shelf.

"Mahilig ka bang magbasa ng manga? E, anime?" tanong niya sa'kin habang pinapakita niya ang comic book na hawak niya.

Akala ko, 'di na niya ako kakausapin.

"Both. Pero hindi ako nagbabasa ng manga in hard copies. Mas prefer ko magbasa sa cellphone."

"Seryoso? Sa syudad ka pa naman nakatira. Marami kang mabibili do'n!" aniya at tumabi sa akin. "Alam mo ba, nung nakaraang pasko, lumibot kami sa Maynila. Doon ko lang nakita yung isang set nito."

Pinakita niya sa'kin ang kaniyang Kimetsu no Yaiba manga books. Sa pagkasabik ay agad ko itong kinuha mula sa kaniya. Grabe, matagal ko nang gustong makabili nito.

Ang totoo niyan, natatakot akong gumastos ng pera para sa mga bagay na hindi naman masyadong kailangan. Magiging koleksyon ko lang ito, at wala nang iba, dahil nabasa ko naman na ito sa mga websites.

"Alam mo 'yan?"

"Of course! Sikat na sikat kaya 'to," sabi ko at binuklat ko ang mga pahina. Amoy bago pa rin kahit matagal na ito sa kaniya. "Ang swerte mo naman, meron ka mga kopya nito. Anlaki siguro ng ginastos mo. At saka, matagal ko na kasi itong nabasa sa mga sites, kaso wala akong budget para makabili ng manga."

"Hindi naman importante kung may manga ko o hindi," aniya.

"Pero iba pa rin kapag meron ka niyan. Ang astig kaya. Sa sobrang ganda ng kwento, madalas kong ginagawan 'yan ng fan arts."

Nanlaki ang mga mata niya.

"Marunong kang mag-drawing?" gulat niyang tanong.

"Uhm... Oo," sabi ko. Hindi ko madalas sinasabi ang tungkol dito. Malalaman nalang ng ibang tao kapag nagpost na ako ng mga artworks sa social media.

"Kung gano'n, e 'di ikaw pa pala yung mas maswerte sa'tin kasi may talent ka pala sa pagdo-drawing, tas ako wala. Pwede ka pa ngang gumawa ng sarili mong manga, eh!"

"Tama. Pwede rin," tipid kong sagot habang nakangiti. Maganda nga ang suhestyon niya.

Rendezvous (Pagtatagpo) [BxB, SPG]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon