NAGPALIPAS ako doon ng mga dalawang oras bago ko napagpasyahang lisanin na ang lugar upang bumalik na sa parada. Mabuti nalang at nakabisado ko na ang daan at mabilis akong nakabalik.
Nag-alala sa'kin sina Mama't Papa at nagalit sa'kin. Nagsinungaling ako. Sinabi ko na naglibot-libot lang ako sa plaza ng mag-isa. Alam ni Russel na hindi ako nagsasabi ng totoo ngunit nakisakay nalang siya sa ginawa ko, kaysa matalakan pa ako doon habang pinapalibutan kami ng maraming tao.
Tandang-tanda ko paano nainis sa'kin si Russel dahil sa paghihinayang na hindi ko naabutan ang parada.
"Ayan kasi! Hindi mo na tuloy naabutan yung parada. Ang saya pa naman. Saan ka ba kasi nagpunta?" tanong niya.
"Mamaya... Iki-kwento ko sa'yo lahat, pag-uwi natin," tugon ko ngunit nanatili pa rin siyang nakabusangot.
Nawala din ang kaniyang pagmamaktol pagkatapos naming maglibot ng ilang minuto.
Alas tres na ng hapon kami nakauwi at pagod na pagod na ang aming mga katawan. Nag-enjoy naman kaming lahat. Nananghalian kami sa natagpuan naming karenderya. Marami kaming naipamili sa mga bangketa sa gilid ng kalsada. Nag-uwi din kami ng mga sitsirya't biskwit upang i-miryenda sa bahay.
"Pael, ikaw na muna yung magtulak sa wheelchair ng lolo mo," utos sa'kin ni Mama. Marahil napagod na si Tita Margie sa kakatulak kay Lolo Apeng sa aming paglilibot.
"Sige po," walang gana kong pagsunod. Ako din naman, e, pagod at lantang gulay na. Tsk.
Binaba ko yung wheelchair mula sa sasakyan at inayos upang maupuan na ni Lolo. Inalalayan siya ni Papa sa pag-upo. Pagkatapos, tinulak ko siya papasok sa bahay.
"Nasiyahan ba kayo?" tanong sa'kin ni Lolo na nakangiti. Mukhang hindi pa rin siya naka-get over sa mga nasaksihan sa pagdiriwang. Sa tingin ko, bihira lang kasi siyang lumabas ng bahay dahil sa sakit niya.
"Opo. Sa tingin ko po, lahat naman po kami natuwa," sagot ko. Tumango naman siya.
"Mabuti naman," aniya at huminga ng malalim.
Halata sa kaniya ang hirap sa pananalita dahil sa kaniyang masikip na paghinga.
"O, ano? May naisip ka na bang pwede mong iguhit?" tanong niya pa sa'kin ulit.
Nung sandaling iyon ay naidala ko na siya sa loob. Kasalukuyan ko na siyang tinutulak patungo sa sala. Doon daw muna siya mananatili hanggang hapunan.
"Wala pa nga po, e. Pakiramdam ko... hindi pa po 'ko ganadong mag-drawing," sabi ko naman.
"Hayaan mo. Marami ka pang oras para makakita ng inspirasyon sa paligid. Aba'y, marami kang mapupuntahan dito sa lugar na 'to!" aniya na may pagmamalaki.
"Sige po. Susubukan ko pa rin pong maghanap," sabi ko at ngumiti habang kumakamot sa aking noo.
Binitiwan ko na ang wheelchair niya sa tabi ng sofa. Umupo naman ako sa sofa para tabihan siya.
"Pero kung may na-drawing na po ako, gusto ko ikaw po yung unang makakakita," sabi ko sa kaniya.
Ngumiti siya kahit medyo kulang-kulang na ang kaniyang mga ngipin.
"Maganda 'yan! Gusto kong makita kung gaano ka kagaling sa pagguhit, apo," aniya.
Sa totoo lang, imbes na naging proud ako sa sinabi niya, mas lalo akong kinabahan. Hindi ko alam kung papasa ba sa standard niya yung galing ko. Pero, bahala na. Ang mahalaga, manumbalik yung sigla ko sa pagguhit. Matagal na kasi akong nawawalan ng gana.
Mula sa pangalawang palapag, bumaba si Russel na nakabihis na ng pambahay. Agad siyang lumapit sa direksyon ko at hinila ang aking kamay.
"Hoy, halika! May kailangan ka pang isagot sa'kin," sabi ni Russel at dinala niya ako palabas ng bahay.
"Aray ko! Bitiwan mo na nga 'ko! Ang sakit," pag-alma ko, sapagkat ang hipit ng hawak niya sa pulso ko. Binitiwan niya rin naman ako kaagad dahil doon.
Bigla nalang namin iniwan si Lolo sa sala ng hindi nagpapaalam. Nagpunta kami sa gilid ng bakuran upang doon mag-usap.
"Saan ka ba talaga nagpunta? Alam kong lumabas ka kanina ng plaza. Tinakasan mo 'ko bigla," aniya.
"Oo na, pasensya na," sagot ko.
"Sabi ko na nga ba, e! Nagsinunga--" bigla kong tinakpan ang bibig niya.
"Shh! Huwag mo nang sabihin. Baka marinig pa nila," sabi ko at saka tinanggal ko ang aking kamay.
"Saan ka nga ba kasi talaga nagpunta?" tanong niya ulit sa'kin at humalukipkip. "Alam mo, kaganda kanina ng parada. Andaming floats. Kaso bigla ka nalang umalis dahil sa paru-parong hinahabol mo," aniya gamit ang mahinang boses.
"Gusto mo ba na idala kita do'n? Sa pinuntahan ko kanina?"
"Bakit? Anong meron du'n?"
"Basta!" sabi ko at ngumisi.
Tinaasan muna niya ako ng kilay sa pagsusupetsa, ngunit sa huli ay tumango na siya.
"Sige. Basta siguraduhin mong alam mo yung daan. Bago ka palang dito, eh. Baka maligaw pa tayo," aniya.
"Ako'ng bahala!"
BINABASA MO ANG
Rendezvous (Pagtatagpo) [BxB, SPG]
RomanceSi Rafael Sarmiento ay isang binatang nagbakasyon sa Sitio Mabaya kasama ang kaniyang pamilya. Napadpad siya sa isang abandonadong mansion kung saan nakilala niya ang isang misteryosong lalaki na si Maxence. Tuwing dapithapon, nagtatagpo sila sa git...