PINATULOY na niya ako sa loob ng kaniyang magarbong tahanan. Dahan dahan lang kami sa paglalakad. Nalula ako sa dami ng mga magagandang kagamitan sa loob. Sa bulwagan, nakabukadkad ang isang malaking aranya na para bang isang mahiwagang bulaklak na nagbibigay ng liwanag sa buong paligid. Batid kong malaki ang halaga ng bawat bagay na narito. Ngunit nakapagtataka lang na ang disenyo ng mga ito ay makaluma. Para bang bumalik ako sa panahon.
Hindi ko inaasahan na ganito ang makikita ko dito sa mansyon. Hindi ito yung nasaksihan ko kaninang umaga. Nasaan na yung mga dumi at makakapal na alikabok sa paligid? Bakit nung sumilip ako sa bintana kaninang umaga, lahat ng gamit dito sa loob ay nakatalukbong pa sa kumot na para bang walang nakatira dito? Nasaan na yung mga nakita kong mga sapot na nakakapit sa mga dingding at bintana?
Bakit parang ang daming nagbago ngayon?
Tsaka kani-kanina lang ay sobrang tahimik at walang tao ang bahay na 'to. Ngunit ngayon ay buhay na buhay na ang buong mansyon sa liwanag at ingay ng mga katulong na nagchichikahan habang puspusang naglilinis sa paligid.
"Nandun sa taas yung kwarto ko. Halika, doon tayo tutungo," aniya at tinuro ang hagdan. Nakakapit pa rin siya ng mahigpit sa kamay ko na para bang ayaw niya akong makatakas. Hinayaan ko siya na hilahin ako paakyat ng hagdan ng mabilis.
Ngunit bago pa kami tuluyan na makapunta sa ikalawang palapag, may boses na biglang nagsalita sa likod namin na siyang nagpatigil sa amin.
"Qui est-ce, monsieur?" [Sino siya, kamahalan / Sir?]
Napalingon kami at nakita ang mayor doma na nakahalukipkip sa amin. Halata sa hitsura niya na isa siyang mayor doma sapagkat kakaiba ang kaniyang uniporme kumpara sa ibang mga katulong dito sa mansyon.
Masama ang kaniyang tingin na nagpabalik-balik sa aming dalawa, lalo na sa akin. Batid ko ang labis siyang nagtataka kung sino ako at kung bakit ako narito. Nakakatakot. Para niya kaming kakainin.
"Je ne le connais pas. Je viens de le voir à l'extérieur du manoir," [Hindi ko siya kilala. Nakita ko lang siya sa labas ng mansyon.] sagot naman ng lalaki sa kaniya.
"Tes parents interdisent à quiconque d'y entrer, surtout s'il est sale," [Ipinagbabawal ng mga magulang mo na magpasok dito ng kahit sinong tao, lalo na kung madumi.] sabi naman sa kaniya ng mayor doma pabalik na may hasik sa kaniyang pananalita.
Wala akong kahit anong clue sa mga pinagsasabi nila. Kinakabahan tuloy ako baka nilait-lait o minumura na nila ako nang hindi ko naiintindihan. Nakakabanas! Jusko, ano 'tong gulo na napasok ko?
"Alors je l'ai laissé entrer pour qu'il puisse nettoyer son propre corps," [Pinapasok ko lang siya rito dahil gusto kong linisin niya ang kaniyang katawan.] sagot naman ng lalaki sa kaniya at nagpatuloy na kami sa pag-akyat.
"Je m'en fiche! Faites sortir cette personne, tout de suite!" [Wala akong pakialam! Ilabas mo na ang taong 'yan, ngayon din!] sigaw nung babae ngunit nakaalis na kami sa kaniyang harapan.
"Ah! Bahala na siya do'n!
Ang sungit-sungit niya. Nakakairita!" aniya habang tinatahak na namin ang malawak na pasilyo sa ikalawang palapag.Napayuko ako dahil sa takot at kahihiyan, ngunit bigla kong nakita na sa bawat yapak ko ay nag-iiwan ako ng basa sa sahig. Nadudungisan ko ang marmol na tiles sa baba.
"Hala! Mukhang nadumihan ko yata yung sahig," sabi ko at napatakip ng bibig. Napalingon sa'kin yung lalaki habang naglalakad.
Tumingin siya sa baba at nakita ang aking mga bakas. Tinawanan niya ito.
"Di na bale, ano ka ba! Huwag kang matakot. May mga maglilinis naman diyan mamaya," sabi niya sa'kin at huminto kami sa tapat ng isang pinto.
Binuksan niya ito at minuwestra na pumasok ako.
"Pasok ka, dali! Nandito na tayo kwarto ko," aniya at nauna na siyang pumunta sa loob.
Hinubad ko ang suot kong tsinelas dahil nahihiya akong madungisan ng medyo maputik nitong talampakan ang carpet niyang ubod ng linis. Kaso pati paa ko ay nahihiyang tumapak dahil mas malinis pa yata yung carpet kaysa dito.
"Bakit mo hinubad yung tsinelas mo? Ayos lang naman sa'kin kung madumihan mo yung alpombre. Hindi na 'yan importante," ani nung lalaki pero umiling lang ako. Bisita lang ako dito kaya dapat akong mahiya sa kaniya. Nagkibit balikat nalang siya sa naging desisyon ko. "Sandali lang, ha. Hahanapan lang kita ng tuwalya't damit para makapagbihis ka na ng maayos."
"Naku, nakakahiya naman. Maraming salamat," sabi ko sa kaniya habang kumakamot sa aking batok.
Ngumiti siya sa'kin.
"Huwag ka nang mahiya. Kaibigan na kita mula ngayon," aniya.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.
Kaibigan? Bakit parang ambilis naman?
Mabilis siyang tumungo sa isang malaki aparador at kumuha ng tuwalya't damit. Binalot niya sa akin yung tuwalya at nilapag niya naman ang damit sa kama.
"Papahiramin muna kita ng mga damit ko. Sa tingin ko, parehas lang tayo ng sukat," aniya at tinuro ito sa kama. "Ayan, pwede ka nang magbihis."
Umupo siya sa kama habang hinihintay ako sa aking gagawin. Nanatili lang ang kaniyang tingin sa akin.
Plano ba niya akong panoorin?
"Uhm... Pwede ka bang tumalikod?" tanong ko sa kaniya.
Tinaasan niya lang ako ng kilay.
"Huh? Bakit naman?"
Pinanliitan ko siya ng mata.
"Anong bakit? Magbibihis ako, di ba! Natural. Papanoorin mo ba ako?" sarkastiko kong tanong sa kaniya.
Ngumisi siya.
"Bakit hindi?" mapanuksong aniya.
Aba! Yung manyak pala ang mokong na 'to!
Umirap ako at humalukipkip.
"Sige na nga! Heto na. Tatalikod na 'ko... Hiya-hiya ka pa diyan," kutya niya at humagikhik. Pero tumalikod na siya.
Dahan-dahan kong hinuhubad ang aking saplot habang nakatutok lang ang paningin ko sa kaniya. Kahit nakatalikod siya, pakiramdam ko ay nakangisi pa rin siya sa'kin.
"Kapag humarap ka, tutusukin ko 'yang mata mo."
Binabantayan ko lang siya ng maigi kung sakaling bigla niya akong sisilipan. Nung hinubad ko na lahat ng damit ko, hindi nga ako nagkamali na paghinalaan siya dahil bigla siyang pumihit paharap sa akin.
Matulin kong hinablot ang tuwalya at ibinalot sa aking pang-ibabang katawan.
"Ano ba?! Sabi nang huwag mo 'kong tignan, e!"
Napataas ang tono ko dahil sa sobrang inis ko sa kamanyakan ng lalaking 'to.
"Oo na! Oo na!" aniya at malakas na tumawa. "Nangangamatis na 'yung mukha mo."
Mas lalo pa tuloy nag-init ang aking mukha dahil sa sinabi niya.
BINABASA MO ANG
Rendezvous (Pagtatagpo) [BxB, SPG]
RomanceSi Rafael Sarmiento ay isang binatang nagbakasyon sa Sitio Mabaya kasama ang kaniyang pamilya. Napadpad siya sa isang abandonadong mansion kung saan nakilala niya ang isang misteryosong lalaki na si Maxence. Tuwing dapithapon, nagtatagpo sila sa git...