KINAUMAGAHAN, ginising ako ni Lyndsy mula sa mahimbing na pagkakatulog at handa na raw ang breakfast.
"Nagpaalam po sa akin si Tita Dory na may pupuntahan siya at ako na raw muna ang magluto para sa 'yo," paliwanag ni Lyndsy habang inaayos ang mga pinggan at pagkain sa habang. Naamoy ko na nga ang hotdog at itlog na nakahain.
Kinapa ko ang upuan na malapit sa akin at saka umupo roon.
"Umalis na naman si Mama? Hindi ba niya sinabi kung saan siya pupunta?" usisa ko.
"Hindi po, eh, mukhnag nagmamadali nga po."
Napabuga na lang ako ng hangin at nagsimulang kumain matapos lagyan ni Lyndsy ng pagkain ang pinggan ko. Narinig ko na rin ang kalantog ng kutsara at pinggan ni Lyndsy, hudyat na kumakain na rin siya.
Saan ba pumupunta si Mama at lagi itong wala para pumunta sa kung saan? Sinubukan ko na rin siyang tanungin sa bagay na iyon at ang lagi lang niyang sinasagot, pumunta siya sa kaibigan niya pero hindi niya sinasabi kung sinong kaibigan ang pinupuntahan niya.
"Siyanga pala, Lyndsy nagpaalam kaba sa Mama mo na dito ka natulog kagabi?" tanong ko. Simula umaga kasi nandito na siya para bantayan ako.
"Po? Umuwi rin po ako kagabi nang dumating na ang mama niyo," paliwanag niya.
Napahinto ako sa pagkain at natigilan. "U-umuwi ka kagabi?" ulit ko para kumpirmahin.
Kung umuwi si Lyndsy kagabi, sino ang kasama ko sa kwarto at humihilik? Hindi naman si Mama dahil hindi naman iyon natutulog sa silid ko. Binalot ako ng kaba at takot dahil sa kakatwang nangyari nang nagdaang gabi. Guni-guni ko ba uli iyon o may kababalaghan talagang nangyayari sa bahay na ito?
"Ate Jecielle, ok lang po kayo?"
Napakurap ako at bahagyang yumuko para hindi direktang makita ni Lyndsy ang takot at pagtataka sa mga mata ko. Baka kapag ikinuwento ko pa iyon sa kaniya, pati siya ay matakot na rin sa bahay at hindi na ko bantayan pa.
"Ah, wala may naalala lang ako," palusot ko."
Hindi na muli ako umimik at tumahimik na lang hanggang matapos akong kumain. Pumunta ako sa sala habang si Lyndsy naghuhugas ng pinggan.
Hindi pa rin maalis sa isip ko ang nangyari nang nagdaang gabi. Matagal na kaming naninirahan ni Mama sa bahay na ito pero ngayon lang ako nakaramdam ng kakaiba at ng takot.
---
"ANAK."
Narinig ko ang boses ni Mama na papalapit sa akin. Hatinggabi na rin siya umuwi nang nagdaang gabi at nakatulugan ko na ang paghihintay.
"Bakit po 'yon, 'Ma?"
Naramdaman ko ang pag-upo niya sa tabi ko. Hindi man ako nakakakita pero ramdam ko kung may nararamdaman si Mama o kung may pinagdadaanan siya. Ramdam ko 'yon sa paghinga niya. Alam kong may mabigat siyang dinaramdam.
"May problema po ba, 'Ma? Hindi ko po nakikita ang mukha ninyo pero ramdam ko pong may problema kayo," pagsisimula ko.
Suminghot si Mama na nagpabahala sa akin. Umiiyak siya. Bakit?
"Ok lang ako, nak nalulungkot lang ako sa sinapit ng anak ng kaibigan ko," aniya.
"Po? Bakit po ano pong nangyari?" kinakabahan kong tanong.
"May malubhang sakit ang anak ng kaibigan ko, nak, malapit pa naman sa akin ang batang 'yon." Narinig ko muli ang pagsinghot niya.
Nakaramdam ako ng lungkot at simpatiya sa kaibigan ni Mama. Nakakalungkot at nakakadurog ng puso kapag may taong may malubhang sakit na malapit sa iyo.
BINABASA MO ANG
Eye Donor
HorrorLumaki si Jecialle sa madilim na mundong ginagalawan niya. Wala siyang ibang ginusto kung 'di balang araw makita niya ang magandang mundo na sinasabi ng marami. Hindi naman siya nabigo sa gusto niya, nagkaroon ng misteryosong eye donor para sa opera...