"ANAK, kaya ko na 'to huwag ka nang tumulong maupo ka na lang," saway sa akin ni Mama nang subukan kong tumulong sa pag-aayos ng hapag kainan.
Sinunod ko na lang siya dahil alam kong nangangahas lang ako kung ipagpapatuloy ko 'yon. Baka mabasag ko pa nga ang mga pinggan, eh. Umupo na lang ako at naghintay ng utos ni Mama na kumain na.
Suminghot ako at agad naamoy ng aking ilong ang pagkaing nakahain. "Ang bango naman po ng pagkain, 'Ma," puri ko.
"Syempre ako yata nagluto niyan."
"Napakagaling niyo po talagang magluto, 'Ma at hindi ko pagsasawaan ang mga pagkaing lulutuin ninyo para sa—"
Naputol ang pagsasalita ko nang biglang nakaramdam ako ng kaba sa 'di ko maipaliwanag na dahilan. Nasapo ko ang dibdib ko na tila may kumirot doon. Napangiwi ako.
"'Nak, ano'ng—"
Umalingawngaw sa kusina ang tunog ng nabasag na pinggan. Napaigtad ako sa gulat.
"'Ma, a-anong nangyari?" gulat tanong ko.
Bumuntong-hininga si Mama. "Sorry, 'Nak hindi ko napansin 'yong isang pinggan kaya nahulog," aniya. "Saglit lang, 'Nak aayusin ko lang 'to mga nagkalat na bubog."
"Mag-iingat po kayo, 'Ma baka masugatan kayo."
Sa hindi malamang dahilan, nakaramdam ako ng malalamig na hanging tila yumakap sa akin kasunod ang kakaibang pakiramdam na nagpataas sa aking balahibo. Hindi ko maunawaan pero pakiramdam ko hindi lang kaming dalawa ang nandito. May iba pa.
Pinikit ko ang mga mata ko. Natatakot ako na baka sa kabila ng wala akong paningin muli na naman akong makakita ng kababalaghan.
"Tara na, Nak kumain na tayo."
Napaigtad ako sa gulat dahil sa pagsalita ni Mama. Naramdaman kong naglaho na rin ang kakaibang pakiramdam sa paligid.
"Bakit, 'Nak? Okay ka lang?"
Tumango ako para sa sagot ko. Nagsimula na kaming kumaing dalawa nang walang imikan.
Matapos naming kumain, inalalayan ako ni Mama patungo sa salas. Umupo ako sa sofa roon at tumahimik na lang. Ginugulo ng kakaibang mga pangyayari ang isip ko. Kinakabahan ako dahil kahit imahinasyon lang 'yon, natatakot pa rin ako. Natatakot akong matakot sa imahinasyon.
Muli na naman akong napaigtad nang marinig ko ang pagtunog ng cellphone ni Mama na malamang naiwan niya sa center table.
Narinig ko ang mga yabag ni Mama na papalapit doon. Nawala ang tunog ng cellphone na marahil nasagot na ni Mama.
"Huh? S-sige pupunta na agad ako riyan," narinig kong sabi ni Mama. Nagtaka ako dahil sa tono ng boses niya. Gulat na gulat siya at ramdam doon ang kaba.
"Bakit 'yon, 'Ma ano pong nangyari?" usisa ko.
"A-anak, kailangan kong umalis ngayon. Hintayin mo na lang si Lyndsy, papapuntahin ko siya rito."
Lalo akong nagtaka at nabahala dahil sa tarantang boses ni Mama na tila may nangyaring hindi niya inaasahan. Parang naiiyak rin ang boses niya. May pait doon at sakit. Sumunod ko na lang na narinig ang mabilis na mga yabag ni Mama na halatang nagmamadali.
—
KANINA pa akong hindi mapakali dahil hanggang ngayon wala pa rin si Mama. Baka tama ang kutob ko na may nangyaring hindi maganda ngunit kanino? Wala akong ibang kilalang kamag-anak ko bukod sa mga pinsan kong nag-aaral sa Maynila at kay Papa na 'di ko naman alam kung nasaan. Sabi kasi ni Mama, matagal na raw kaming iniwan ng ama ko at sumama sa ibang babae.
![](https://img.wattpad.com/cover/289137800-288-k269695.jpg)
BINABASA MO ANG
Eye Donor
HorrorLumaki si Jecialle sa madilim na mundong ginagalawan niya. Wala siyang ibang ginusto kung 'di balang araw makita niya ang magandang mundo na sinasabi ng marami. Hindi naman siya nabigo sa gusto niya, nagkaroon ng misteryosong eye donor para sa opera...