INILIBOT ko ang aking paningin sa kabuoan ng bahay kung saan kami nakatira. Napangiti ako at labis na saya ang nararamdaman ko nang sa wakas nakita ko na ang lugar kung saan ako lumaki at kung saan namulat ang mga mata ko sa madilim kong mundo.
Hindi makapaniwalang idinampi ko ang aking mga kamay sa bawat madaanan kong mga gamit. Naalala ko bigla noong ako'y bulag pa, kabisado ko na lahat ng sulok at parte ng bahay na ito sa pamamagitan lamang ng paghawak ko sa mga bagay na narito.
Kakauwi lang namin galing hospital, pinayagaan na akong lumabas ng doctor at sa bahay na lang daw ako magpahinga at magpagaling.
"Dito ka sa bahay na 'to nangapa ng matagal na panahon, anak at masaya ako na ngayon, nasisilayan mo na ang lahat ng bahagi ng bahay na ito," ani Mama na nasa likod ko.
"Hindi ko po inakala na makikita ko ang lugar na ito, ang paligid, ang lahat. Hanggang ngayon, parang panaginip pa rin sa akin," hindi makapaniwalang turan ko.
"Masanay ka na ate dahil simula ngayon hindi ka na mangangapa sa dilim, makagagalaw ka na ng normal," sabi naman ni Lyndsy na kasama pa rin namin, mamaya na raw siya uuwi.
Si Marco naman, nagpaalam na uuwi muna at dadalaw na lang daw siya sa bahay.
Pinagpatuloy ko ang pagmamasid sa bahay. Maliit lang iyon na may konting gamit. May maliit na TV, may sofa set at ilang dekorasyon sa mga gilid. Sunod kong pinuntahan ang silid ko, napangiti ako habang nakaupo sa gilid ng malambot na kama. Hindi mapuknat ang matamis na ngiti sa labi ko habang pinagmamasdan ang paligid.
Napalingon ako sa paligid ng umihip ang malamig na hangin daan para lumipad ang mga puting kurtina sa bintana. Napakunot ang noo ko nang maaninag ko ang tila anino sa puting tila. Kumurap ako at pagtingin ko, nawala na iyon. Napakunot noo na lang ako, guni-guni ko lang marahil iyon.
Nang akmang tatayo na ako sa kama, nakarinig ako ng mga yapak. Napalingon ako sa gawing pintuan nang tila may tumakbo palabas ng silid. Napuno ng pagtataka ang isip ko. Hindi naman iyon si Lyndsy dahil ako lang mag-isa sa silid.
Binaliwala ko na lang lahat ng nakita at narinig ko. Ayaw ko nang takutin pa ang sarili ko sa mga bagay na hindi naman totoo. Imahinasyon ko lang iyon. Walang multo.
Bumuntong-hininga na lang ako at nagdesisyon nang lumabas ng silid ko. Nadatnan ko si Mama at si Lyndsy na naghahanda na ng tanghalian.
"'Ma, tulungan ko na po kayo," presinta ko.
"Hindi na, anak umupo ka na lang doon at hintayin kaming matapos," pigil agad ni Mama sa akin.
"'Ma, hindi na ako bulag, kaya ko na po ang mga simpleng gawain," pamimilit ko.
"Alam ko, pero kagagaling mo lang sa operasyon. Sabi ng doctor hindi ka pwedeng magpagod," aniya na totoo naman.
"Tama si Tita, Ate kailangan mo munang magpahinga bago ka gumalaw dito sa bahay," segunda naman ni Lyndsy.
Wala na akong nagawa kung 'di ang sundin ang dalawa. Sinabi nga ng doctor na hindi pa ako pwedeng magpagod nang husto. Naiinip lang ako na maghintay. Gusto ko na kasing maramdaman na may silbi ako at mayroon din akong kayang gawin.
"Late na po ba ako, Tita?"
Kapwa kami napalingon kay Marco na kakapasok lang sa bahay, suot niya ang matamis na ngiti.
"I brought some chicken for lunch," anunsiyo ni Marco habang bitbit ang plastik na may lamang manok.
"Wow, tamang-tama Kuya, naghahain pa lang kami para sa tanghalian," ani Lyndsy.
"Oh, siya Marco, umupo ka na at kakain na tayo," si Mama na kita ang saya sa mukha.
Umupo na kami sa upuan. Nakahain sa harap ko ang lahat ng paborito. May pinakbet, adobo at caldereta, isama pa ang manok na dala ni Marco.
![](https://img.wattpad.com/cover/289137800-288-k269695.jpg)
BINABASA MO ANG
Eye Donor
УжасыLumaki si Jecialle sa madilim na mundong ginagalawan niya. Wala siyang ibang ginusto kung 'di balang araw makita niya ang magandang mundo na sinasabi ng marami. Hindi naman siya nabigo sa gusto niya, nagkaroon ng misteryosong eye donor para sa opera...