CHAPTER THREE

342 59 86
                                    

PAGKATAPOS ng gabing iyon ay umalis na kaagad si Julio sa isla. Pagbalik ko sa kuwarto . . .

“Bia.” Tinawag ako ni Brendon habang isinusuot niya ang isang puting T-shirt bilang pantulog.

“Hmm?” sagot ko sa kaniya habang nagsusuklay ako ng aking buhok.

“Ipapasyal kita bukas at ibibigay ko na sa iyo ang susi.” Humiga na siya sa kama habang hawak ang isa kong hita.

Bigla akong nabuhayan sa kaniyang sinabi.

“Talaga?” naninigurado kong tanong.

“Oo, kaya matulog ka nang mahimbing ngayong gabi.”

Hindi ko maitago ang tuwa ko.

“Dapat siguro ay may premyo ka, Bre.” Nginitian ko siya nang may halong kapilyahan.

Kinuha niya ang aking kamay at saka umupo. “Mahal kita. Hindi ako hahantong dito kung hindi kita mahal,” usal niya habang nakatingin sa aking mga mata.

Nginitian ko siya at hinalikan siya sa labi. Ginantihan niya ang halik na iyon at naging mainit ang pinagsaluhan namin nang gabing iyon.

•••

Tulog na si Brendon pero gising pa rin ang aking diwa. Naalala ko ulit ang panahong ipinasa-pasa ako ni Brendon sa kaniyang mga bisita kapalit ang malaking halaga. Diring-diri na ako sa aking sarili. Naalaala ko pa ang unang araw ko rito sa isla. Hinalay niya ako habang sinasaktan nang paulit-ulit. Gustuhin ko mang umalis pero hindi ako makaalis. Kinulong niya ako sa lugar na ito maglilimang taon na. Araw-araw akong umiiyak dahil sa mga kababuyang ginawa niya sa akin. Akala siguro niya ay matutuwa ako sa ginawa niya kanina. Iyon ang unang beses na tumanggi siya sa panauhin para ikama ako.

Naging mabait ako sa kaniya noong nakaraang buwan dahil tuwing ipinararamdam ko sa kaniya na hindi ko siya gusto ay mas lalo siyang nagiging malupit sa akin. Kinakailangan kong maging matatag at lunukin ang karudumal-dumal na pambababoy nila sa akin dahil gusto ko nang umalis sa lugar na ito. Ayoko na rito!

Pinahid ko ang mga luhang namuo kanina lamang nang maalala ko ang mga pangyayaring iyon. Bumangon ako nang dahan-dahan sa aking hinihigaan at hinanap sa pantalon ni Brendon ang susi ng bahay.

Nagsuot na muna ako ng komportableng damit, isang maluwang na T-shirt at cotton shorts. Sinilip ko muna ang tulog na tulog na si Brendon. Siniguro kong hindi siya magigising agad mula sa tatlong beses naming pagtatalik ngayong gabi. Siguro naman ay napagod siya sa premyo ko sa kaniya. Mabuti na lamang ay nakuha ko na ang kaniyang tiwala kaya gagawin ko na ang aking mga plano. Ayokong mag-aksaya pa ng oras. Ayoko ko na ring mas tumagal pa rito sa isla dahil mas lalong akong nangungulila sa aking mga mahal sa buhay.

Tumingala ako sa orasang nakasabit sa may dingding. Alas-kuwatro na pala ng madaling-araw. Marahan kong inilapat ang aking mga paa sa sahig at ni isang tunog ay hindi ko ginawa upang hindi magising si Brendon.

Maingat kong binuksan ang pinto saka ako bumaba. Hinanap ko ang perang ipinatago ko kay Julio sa ilalim ng hagdanan.

Hinanap ko rin ang susi ng pinto para makalabas. Marami ang mga susing naroon sa lagayan kaya medyo nahirapan akong hanapin ang tugmang susi para sa malaking pintuan. Naramdaman ko na ang namumuong pawis galing sa aking sentido. Nanginginig pa ang aking kamay habang binubuksan ang pinto. Natatakot kasi akong mahuli ni Brendon at baka bugbugin ulit niya ako.

Sa wakas ay nabuksan ko na ang main door at malaya na akong nakalabas ng bahay. Sinalubong ako ng maalat na simoy ng hangin galing sa dagat. Inilapat ko na ang aking mga paa sa buhangin at ramdam ko ang mga butil niyon. Kay sarap sa pakiramdam. Parang natanggalan ako ng tinik sa aking dibdib nang maramdaman ko ang ihip ng hangin at ang buhangin.

𝗗𝗶𝗻𝘂𝗿𝗼𝗴 𝗠𝗼, 𝗣𝘂𝘀𝗼 𝗞𝗼 [Publish Under Dream Catchers Plume]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon