Olivia’s Pov
ISANG malakas na tulak ni Brendon sa pintuan habang ako ay naiwan sa sahig. Itinulak niya akong papasok sa kuwartong ito. Katatapos lang niya akong bugbugin. Ginahasa niya rin ako ulit. Walang awa si Brendon. Hindi ko alam kung bakit niya ginagawa sa akin ito o kung ano ang motibo niya para gawin niya sa akin ito.
Dahan-dahan akong tumayo at umupo sa kama. Namanhid na ako sa sakit ng aking katawan. Nalalasahan ko ang dugo na nasa aking labi.
Mas grabe ang natamo ko sa limang taon na nangyari sa akin mula sa mga kamay niya. Wala siyang awa. Bakit sa akin pa? Bakit sa dinarami-rami ng tao sa Pilipinas ay sa akin pa nangyari ito.
Tumulo ang luha ko hindi dahil sa sakit na naramdaman ko kundi dahil sa anak kong si Benedict. Dalawang bala ang tumama sa kaniya. Hindi ko alam kung makakayanan niya iyon. Mabuti na lang at nandoon si James. Sana ay maagapan kaagad siya.
Kailangan kong mag-isip kung papaano makakalabas sa lugar na ito. Nakatakas na ako noon kaya posibleng makatakas ulit ako ngayon. Baka kung magtagal pa ako rito ay ikamamatay ko na dahil sa ginagawa ni Brendon sa akin.
Natuon ang pansin ko sa terrace. May narinig akong kaluskos doon kung kaya’t naputol ang pag-iisip ko sa plano kong pagtakas. Parang may tao sa gilid ng pintuan nito. May naaninag akong isang silweta ng sa labas. Tumayo ako at dahan-dahang tumungo sa may pinto.
Napitlag ako nang makita ko ang lalaking iyon. Ang asawa ko, si James, na may bahid pang patak ng luha sa kaniyang pisngi. Umiiyak siya. Ngayon ko lang ulit nakitang umiyak ang asawa ko sa harapan ko. Huli ko siyang nakitang umiyak ay noong kolehiyo pa kami, noong nakipaghiwalay ako sa kaniya.
Bigla kong naramdaman ang pagtibok ng puso ko dahil sa saya. Hindi ko alam kung bakit masaya akong makita siya gayong itinakwil niya ako. Siguro ay mahal ko lang talaga ang asawa ko. O siguro ay masaya akong makita siya dahil ililigtas niya ako sa kapahamakan.
Mahabang katahimikan ang namayani sa aming dalawa habang nagkakatitigan lamang. Nang mahimasmasan kami ay kaagad akong hinila ni James sa mga bisig nito at niyakap nang mahigpit.
Iyon ang mga yakap na natatakam ako sa mga panahong wala sila sa tabi ko. Para akong inilipad sa ulap dahil sa yakap na galing sa aking minamahal.
Sinamsam ko ang yakap na iyon kasabay ng pagpikit at kalauna’y may mga luha nang pumapatak mula sa aking mga mata.
“I’m sorry, Bia. I’m sorry,” saad niya.
Nang marinig ko ang boses niya ay naalala ko na delikado palang pumunta siya rito. Maraming tauhan si Brendon sa lugar na ito. At sa nakikita ko ay walang kasama at sandata ang asawa ko.
Kumalas ako sa kaniyang mga yakap at nagtanong, “Ano’ng ginagawa mo rito? Delikado, James. Maraming tauhan si Brendon sa labas.”
Tinitigan niya ako at hinaplos niya ang aking mukha.
Kahit gusto ko ring maligtas, hinding-hindi ako papayag na may masaktan ni isa man sa aking mga mahal sa buhay. Nasaktan na si Benedict. Ayokong pati si James ay masaktan din dahil sa akin. Hindi ko na mapapatawad ang sarili ko kapag may mangyari hindi maganda sa kanila.
“Ililigtas kita,” sagot niya sa akin.
Mas lumakas ang pagtambol ng aking dibdib nang sabihin niyang ililigtas niya ako. Paano niya ako ililigtas?
“Paano?” tanong ko sa kaniya.
Hinila niya ako sa loob ng kuwarto na parang naghahanap ng kung anong bagay. Tiningnan ko lang siya na naglalakad sa buong kuwarto habang sinusuri niya ang mga posibleng paglusutan namin.
BINABASA MO ANG
𝗗𝗶𝗻𝘂𝗿𝗼𝗴 𝗠𝗼, 𝗣𝘂𝘀𝗼 𝗞𝗼 [Publish Under Dream Catchers Plume]
General Fiction𝑮𝒖𝒔𝒕𝒐 𝒍𝒂𝒎𝒂𝒏𝒈 𝒏𝒊𝒚𝒂𝒏𝒈 𝒎𝒂𝒌𝒂𝒃𝒂𝒍𝒊𝒌 𝒔𝒂 𝒌𝒂𝒏𝒊𝒚𝒂𝒏𝒈 𝒑𝒂𝒎𝒊𝒚𝒂. **** Isang sanang masayang bakasyon ang pagdayo ni Bia sa gubat kasama sina James at Rod ngunit laking pagsisi niya nang mahuli sila roon ng mga armado...