August 29, 2017
IMINULAT ko ang aking mga mata. Napahawak ako sa aking sentido dahil naramdaman kong masakit ang aking ulo. Inilibot ko ang aking tingin at puti lamang ang aking nakikita.
“Ano’ng nangyari sa akin? Nasa hospital ba ako? Sino ang nagdala sa akin dito?” iyan ang nasambit ng aking isipan.
Nabaling ang aking pansin nang bumukas ang pintuan sa aking kanang gilid. May pumasok na matandang lalaki at dahan-dahan itong lumapit sa akin. Naramdaman kong nanginginig ang aking buong katawan nang makita ang lalaking iyon. Si Mang Kanor ang nakikita ko! Ayaw ko nang maulit ang mga nangyari sa ’kin sa isla. Ayaw ko ulit mababoy ng mga walang pusong nang-abuso sa akin.
Parang lumulutang akong makita ang matanda.
“Miss? Miss? Okay ka lang ba?” tanong niya sa akin.
Nakatulala lang akong nakatitig sa matanda. Para akong bato na naninigas at parang pipi na hindi makapagsalita. Hinawakan niya ang aking mga braso para ako’y kaniyang yugyugin. Mas lalo akong natakot sa kaniyang ginawa. At kahit kalaunan ay hindi na si Mang Kanor ang nakikita ko ay natakot pa rin ako lalo nang mahawakan niya ang aking balat.
“Ano’ng nangyari sa ’yo, miss? Bakit ang putla-putla mo? Teka.” Kaagad akong nagpumiglas sa mga hawak niya.
Itinulak ko ang matanda. At kahit na may nakakabit sa akinng suwero ay tumayo ako sa aking hinihigaan. Nakita kong napahawak ang matanda sa kaniyang balakang, siguro’y dahil masakit iyon.
Sa sobrang takot ko sa matanda ay tumakbo ako palabas ng kuwarto. Hindi ko na alam ang aking ginagawa at tumakbo lang ako nang takbo. Ni hindi ko na nga napansin ang mga bagay at mga tao na naroon sa ospital. Hanggang naramdaman ko na lang nauntog ang aking ulo sa sahig. Nakalapat na sa aking mukha ang tubig galing sa sahig. Nadulas pala ako dahil hindi ko nakita ang warning sign na “The Floor is Wet.” Natisod yata ako sa balde na puno ng tubig na naroon at ginamit panlinis ng janitor.
Dumilim na naman ang paligid.
***
LAKAD lang ako nang lakad sa walang hanggang pasilyo. Malawak at medyo mausok ang puting daanan. Wala akong ibang nakikita kundi ang usok na nakapalibot sa pasilyong nakasisilaw dahil sa puti nito.
Saan ba talaga ang aking pupuntahan? Bakit parang blangkong papel ito na hindi ko alam kung ano ang nilalaman? Parang katulad ng nangyari sa akin dahil hindi ko alam kung nasaang lugar ako at paano makakauwi sa amin.
Sa di-kalayuan ay may naaninag akong maliit na selweta. Selweta ng isang batang lalaki. Biglang namilog ang aking mata sa aking nakita nang maliwanagan ako kung sino ang batang lalaking iyon.
Benedict? Anak?
Tumakbo ako papalapit sa kaniya. Ineksamin ko nang maiigi ang kaniyang guwapong mukha.
Siya nga! Ang anak kong si Benidect.
“Anak, ako ito, anak, Benedict! Anak . . .” Hinaplos-haplos ko ang kaniyang mukha habang sinasambit ang kaniyang pangalan.
Wala siyang kaimik-imik. Namumugto lang ang kaniyang matang nakatingin sa kawalan. Dahil sa aking nasilayan ay may namuong luha sa aking mga mata.
Niyakap ko siya nang mahigpit. Yakap na wala nang bukas. Ngunit . . . teka lang.
Bakit parang may naririnig akong kakaiba?
“Kumusta na po siya, Dok?” anang lalaking pamilyar sa akin ang boses. Parang narinig ko na ito kanina lamang.
BINABASA MO ANG
𝗗𝗶𝗻𝘂𝗿𝗼𝗴 𝗠𝗼, 𝗣𝘂𝘀𝗼 𝗞𝗼 [Publish Under Dream Catchers Plume]
Fiction générale𝑮𝒖𝒔𝒕𝒐 𝒍𝒂𝒎𝒂𝒏𝒈 𝒏𝒊𝒚𝒂𝒏𝒈 𝒎𝒂𝒌𝒂𝒃𝒂𝒍𝒊𝒌 𝒔𝒂 𝒌𝒂𝒏𝒊𝒚𝒂𝒏𝒈 𝒑𝒂𝒎𝒊𝒚𝒂. **** Isang sanang masayang bakasyon ang pagdayo ni Bia sa gubat kasama sina James at Rod ngunit laking pagsisi niya nang mahuli sila roon ng mga armado...