24 - Ang Labanan

30 0 0
                                    

Nagimbal ang buong Kabisera noong bukang-liwayway ng Tagurkad, mga anim na araw matapos dapuan ng karamdaman si Maharani Idana. Bigla na lamang silang ginising mula sa mahimbing na pagkakatulog ng mga nakabibinging putukan ng lantaka, na sa simula ay inakala nilang mga kulog. Mayroon palang dalawang pangkat ng barkong pandigma ang naglalabanan sa may himpapawid malapit sa Kabisera. Maya-maya pa ay nabatid na lang nilang may lumulusob na malaking hukbo malapit sa Istana habang nagkaroon din ng ilang mga putukan sa loob ng Kabisera mismo. Kagyat din nilang nalaman, mula sa mga nagkakalat na usapin, na galing kay Radoban ang mga sumasalakay.

Nag-aalsa pala ang Gatpuno ng Pulo ng Timog laban sa Pamahalaan, at ang balitang ito ay agad namang sumambulat sa buong Kapuluan.

Hindi inaasahan ng mga mamamayan ang ganitong pangyayari. Matapos ang nabigong pag-aalsa ng mga kawani mahigit labinsiyam na taon na ang nakalilipas, sino ba naman ang mangangahas na muling mang-agaw sa kapangyarihan ng Maharani? Ngunit mayroon ngang nangahas.

At natapos ang lahat pagsapit ng katanghalian.

* * *

Naging matahimik ang pagmamartsa ng mga tauhan ni Radoban. Matagal na silang naghahanda para sa pag-aalsang ito, at noong isang linggo pa lang ay nagtitipon na sila sa kabundukan doon sa may likod ng Kabisera. Wala naman gaanong nakahalata sa kanila sapagkat pangkat-pangkat silang nagtungo roon. Naging maingat din silang hindi matuklasan ng Pamahalaan. Mangyari ay wala namang nakatira sa mga bundok na iyon na maaaring makapagsumbong tungkol sa kanila.

Dapit-hapon pa lang ng Ligid ay nagmartsa na ang hukbo. Malayo rin ang kanilang nilakad, at ubod nang lawak ng bundok na kanilang tinatahak. Nang mahantong nila ang kalagitnaan ng bundok ay pagud na pagod sila, kaya't napahinuhod silang huminto at maghingalay. Hatinggabi pa lang naman, at malapit na rin sila sa gilid ng kagubatan.

Sadyang mahirap ding imane-obra ang hukbong ganito kalaki, kaya't may katagalan din ang kanilang pagkikilos. At tunay ngang malaki ang hukbo. Ayon pa nga sa kanilang heneral, mas malaki pa ang hukbong ito sa binuo ng mga kawani noon, at walang dudang tiniyak ito nina Radoban at Oledan. Umaabot ng dalawang libo ang kanilang mga kabalyero, at sila ang nasa harapan. At dahil nga sa umaakyat sila ng bundok noon sa pamamagitan ng isang makitid na daang sila na rin ang gumawa, naging mabagal ang kanilang paggalaw dahil sa dalawang libong kabayong kanilang kasama. Sa likod naman ng mga kabalyero ay mayroon din silang dalawang libong mamamana. Pagkatapos ay bubuntut-buntot naman ang mahigit limang libong mandirigmang may tangang kris, kalasag na yari sa bakal at  tinapalan ng makapal na balat ng usa, at sibat na dalawang beses pa ang taas sa kanila. Ang bawat isa ay nakasuot din ng sapat na baluting yari sa kawayan, at ang saplot nila sa kanilang mga ulo ay pawang mga salakot na yari sa pinatigas na upo. At sa ulunan ng kanilang hanay ay ang isang kabalyerong tagahawak ng pulang watawat ng Pulo ng Timog na nagtataglay ng malaking ekis na itim.

Makakasama ng malaking hukbong ito ang apat na barko. Ang bawat isa ay hindi gaanong malaki tulad ng karakowa ng Hukbong Sandataan dahil gamit sila sa pangangalakal, ngunit mayroon silang tig-labing walong lantaka. 

Ibinigay ni Oledan, sa pamamagitan ng kanilang heneral, ang mga utos nila sa pagsalakay sa Kabisera. Pagbaba nila sa paanan ng kabundukan, kailangan nilang magtungo sa loob ng kagubatan upang doon ay magkubli. Hihintayin nila ang mga putok ng lantaka mula sa kanilang mga barko. Kapag narinig nila ito, una nilang sasalakayin ang Istana ng Visariya. Pagkatapos ay lulusubin nila ang himpilan ng mga kawal ng Maharani at huhuliin ang lahat ng mga naroon. At mula naman dito ay aangkinin nila ang mga karakowa sa paliparan habang sabay-sabay na loloobin ang lahat ng mga gusali ng Pamahalaan. Nabalitaan din nilang may tatlong barko ang sasapit mula sa Hilaga, at dalawa rito ay maglalaman ng karagdagang hukbo. Tutulong ang mga ito sa pag-angkin ng paliparan. At sa pamamagitan din ng kanilang mga barko ay ipasasara nila ang daungan sa may Lawa ng Nawan at ang lahat ng daan patungong Kabisera. Sa oras na maisakatuparan ang lahat ng ito, saka lang darating si Radoban, at siya naman ay magtutungo sa Istana ng Visariya. Mula roon, ang Gatpuno ay magpapahayag ng isang batas militar sa buong Kapuluan. Bubuwagin daw niya ang Lupon ng mga Tagapayo, ang Kapulungan ng mga Kinatawan, at ang Kataas-taasang Hukuman, at ipatitigil din niya ang pagkuha ng mga pagsubok ni Lakan Bulan habang ipapahayag niya ang kanyang sarili bilang Pangulo ng mga Pinagsama. Ipasasara niya ang lahat ng mga pahayagan sa Kabisera at sa buong Kapuluan, at maging ang Saligang-Batas ay ipawawalang-bisa rin. Ang mga kautusang ito ay kanyang ipatutupad sa pamamagitan ng mga proklamasyon.

Sagisag ng BawaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon