3. Friend

100 9 2
                                    

SI MAWIE. 

"I hate you!" banat ko.

"I know, you pangeet!"

Si Mawie ang gay friend namin sa kabilang bahay. Naka-bloody red na night gown. Kung anong iginanda ng night gown, ganoon naman kasabog ang curly hair. Mukhang bruha lang na manunugod ang peg—biglang palit anyo si bakla nang makitang hindi ako mag-isa sa rooftop.

"Uy, ang bebe ko! Hi, Lanz! Good morning!" Biglang nag-transform sa beauty queen pose ang loka, sinadyang ipakita ang legs. Nag-beautiful eyes pa at nag-wave.

"Good morning!" si Lanz naman, natatawa. "Buhok mo, sabog. Minus pogi points—ganda points!"

Biglang lipat sa buhok ang mga kamay ni bakla. "Aga aga, nag-eemo. Magpatulog ka nga, impakta!" Banat niya uli sa sakin. Hindi na bago sa amin ang mga ganoong banatan kapag nagtagpo kami sa magkabilaang rooftop.

Bigla kong tinuro si Mawie.

"Uy, ikaw! Tigilan mong pagpapa-cute sa kapatid ko, ah? O huhugutin ko pati hair mo sa 'baba!"

Biglang takip sa pagitan ng mga hita ang bakla. Nag-ala bold star na nag-slow-mo paalis sa rooftop. Si Lanz, ang lapad ng ngisi paglingon ko. Hinatak ko ang braso at itinulak siya papunta sa pinto. "Balik sa loob. Ako lang ang may karapatang mag-emo dito—"

"'Yong sunrise! Wala pa, Love!" Lagi talaga kaming nagpapang-abot sa rooftop dahil sa sunrise. Gumanti siya ng puwersa para pigilan ang pagtulak ko. Six year older ako pero ayaw talaga niyang tawagin akong Ate noon pa mang bata siya. Lalo na nang naging teenager na. Ang katwiran, hindi bagay. Petite kasi ako at hindi mukhang ate niya. Kapag magkasama kami, siya ang mukhang Kuya sa height. "Mag-dadrama ka na naman mag-isa. Para kang tanga—"

"Ate mo ako!" Agaw ko agad "'Wag mo akong tinatanga-tanga, Alano, ha—aray!" Naitulak niya ako pabalik sa tabi ng mga sinampay. Itinulak pa ako hanggang sa sulok ng rooftop.

"Kulit mo, Love. Diyan ka nga!" Hinugot ni Lanz sa bulsa ang cell phone. "Pagtaas ng araw, kuha ka ng perfect angle. Pang-IG ko!"

Sinimangutan ko siya. Sabi na nga ba at hindi talaga ako ang pinuntahan niya sa rooftop. Magpipicture lang pala ang teenager na adik na adik sa sarili.

Inhale-exhale na lang ako at tumingin sa kalawakan.

"Lanz, ang dami mong followers 'di ba? Mag-post ka lang ng 'sigh' nababaliw na ang fans mo. Ang dami agad ng likes. Mag-post ka ng wacky shot sa IG, gusto nang magpabuntis sa 'yo ng fans mo. Mag-tweet ka ng opinyong walang sense, trending agad ang hashtag. Baka nga mag-post ka ng video ng pag-utot mo, mag-viral pa!"

"Gano'n talaga!" Tinawanan pa ako ni Lanz. "Bakit ayaw mong i-celebrate ang achievements ko, Love?"

"Minsan nakakainis, eh. Bakit sumisikat ang walang sense na post?"

"Tunog bitter."

"Hindi naman ako asar sa 'yo, okay? Sa post mong walang sense. Pero happy ako sa achievements mo big or small. Kapatid mo ako, eh."

Ngumisi si Lanz. "Bakit laging angry ang react mo?"

Natawa ako. "Hindi seryoso 'yon! Ang sensitive mo!"

"Wala kang nila-like na post ko!"

"Kasi nga, mas marami ang nonsense!"

"Ang benta nga sa followers ko."

"Do'n nga ako nagtataka. Bakit ang benta ng nonsense post?"

Tawa na lang ang reaksiyon ni Lanz.

"May ilang followers ka nga ulit?"

Mas ngumisi ang kapatid kong GGSS. "Sakto lang. Milyon lang naman."

"Ikaw na ang famous."

"'Di pa naman masyado," Ang lapad ng ngisi ng pasaway. Hindi ko alam kung proud sa kasikatan o sa sarili.

"Kaya mong sumira ng buhay sa isang post lang?"

Napabalik ang tingin ni Lanz sa akin. "Ikaw ba talaga 'yan? Biglang evil sister ka na ngayon?"

"Nate-tempt na akong gumanti. Magiging happy kaya ako kung sisirain ko ang buhay ng manloloko kong ex at ng makati niyang bago?"

"Sabi mo sa akin, mutual decision 'yong break up?"

"Sabi ko lang 'yon. Itsitsismis mo agad kina Papa, eh. Ayoko lang pag-usapan."

"May third party?"

"Ahas na pink."

"Totoo?"

Tumango ako.

"Gago sila!"

"Gago at gaga. Pareho lang sila."

"Sino 'yong bago? Kilala ko?"

"Si Naja."

"'Tang ina 'yan!"

"Uy! Ang lutong. Marinig ka ni Mama!"

Biglang nawala ang gaan ng mukha ni Lanz. "May resibo?"

"Resibo?"

"SS, Love! Ang slow nito."

"SS?"

Napaungol siya, tunog frustrated. "Screenshots!"

Biglang shut up ako, napatitig lang kay Lanz. Mayamaya, huminga nang malalim. Wala akong balak gumaya sa mga nilokong nag-iingay sa social media. Mas gusto kong hayaan na lang silang dalawa na habulin ng karma. Pero ngayon, naiisip ko na talaga. Pakiramdam ko, may satisfaction akong makukuha kung magiging kakampi ko ang netizen.

"Marami. Landian nila habang kami pa ni Ricci."

"Send mo sa akin."

Sa susunod pang week ang 'implementation' ng usapan namin ni Lanz. Hindi ko nga lang ginawa ang napag-usapan. Sa huling minuto, na-guilty pa rin ako; nagbagong-isip. Siguro nga, tama ang narinig ko dati sa matatanda. Sa pagmamahal daw, laging talo ang higit na nagmamahal. Totoo kasi, gusto ko pa rin protektahan sa ibang tao si Ricci sa kabila ng lahat.

Kasi nga, mahal ko. Ang tanga lang 'di ba?

Hindi lang naman ako ang tanga sa love. Sorry naman sa pagiging marupok. Kumuha na ng bato at batuhin ako kung ikaw na nagbabasa nito ay never pang naging tanga sa love. Pero kung naka-relate ka rin naman, shut up ka na lang, okay?

Lipat page na lang at samahan ako. Saan kaya papunta ang kuwento ko? Believe it or not, this is not a typical love story.

Tara?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 13, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Love's FateTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon