PRANK#4
April 1, 2010
Nakalipas na naman ang isang taon. Birthday na naman ngayon ng pinakamamahal kong babae. Pero hindi ito tulad ng mga nagdaang birthday niya. Malaki ang surpresa ko para sa kanya.
Kahit na isang buwan ko ng nabili ang dream house namin na lagi naming tinitingnan sa internet, hindi ko pa rin iyon sinabi kay April. Balak ko kasi itong i-sorpresa ngayong birthday niya at iyon ang ibibigay kong regalo ngayon ika-25th birthday niya.
Hindi lang iyon, pinaluwas ko rin ngayon ang magulang niya at ang bunsong kapatid na nasa probinsya para sa isang beach party na inihanda ko para kay April. Pero ang pinaka highlight ng celebration niya ngayon ay ang plano kong pagpo-propose, kaya kailangan na nandito ang mga magulang niya.
Walang kaalam-alam si April sa lahat ng balak kong ito kaya ingat na ingat ako sa mga detalye ng mga sorpresa ko sa kanya. Sisiguraduhin kong ito ang magiging memorable birthday niya sa talambuhay niya.
“Thank you so much, hon!” Yakap sa akin ni April ng makarating na kami sa isang private beach resort na inupahan ko.
“Are you happy?” tanong ko.
“Sobra! You’re the best boyfriend talaga!” nag niningning ang mga mata nito habang sinasabi niya iyon.
“May surprise pa ko,” sabi ko at bigla kong pinalabas ang magulang nito at bunsong kapatid sa loob ng cottage.
Halos maiyak si April ng salubongin nito ng yakap ang pamilya nito. Simula kasi ng mag college si April dito sa Manila ay nalayo na ito sa mga magulang niya. Tuwing Christmas and New year na lang ito nakaka uwi sa probinsya nila. Pero simula ng magtrabaho na ito ay hindi na ito nakakauwi sa mga ganoong okasyon.
“OMG!” bulalas nito ng lumapit ako sa kanila. “Ikaw ang nagpaluwas sa kanila dito?” tanong nito sa akin.
“Yup!” tango ko. “Gusto ko happy ka ngayong birthday mo.”
“I love you so much, June!” Yumakap uli ito sa akin ng mahigpit. “Hindi mo alam kong paano mo ako pinasaya ngayon.”
“Ops! Bawal umiyak,” sabi ko. “Remember, birthday mo ngayon!”
“Ikaw kasi e,” sabi nito sabay hampas sa braso ko.
Niyakap ko uli ito ng mahigpit. Nangingiti ako ng maisip kong ano pa kaya ang magiging reaksyon nito mamaya pag nag propose na ako sa harap niya at sabihing nabili ko na ang dream house namin?
“Swimming na po tayo!” sigaw ng bunso nitong kapatid na si Alex at patakbong pumunta sa dagat.
“Anak, huwag ka masyado sa malalim.” Sigaw naman ng mama ni April.
“Mukhang excited si bunsoy, ah,” sabi ni April na nakatingin kay Alex habang nagtitimpisaw sa dagat.
“Alam mo naman doon sa atin, anak. Puro bukid ang paligid ng bahay at malayo ang dagat,” sabi naman ng papa nito.
+++
Nang mapagod na kami sa kakalangoy ay umahon muna kami para kumain sa cottage na malapit sa dalampasigan.
“Mukhang uulan pa ata, ah,” sabi ko habang nakatingin sa kalangitan.
Makulimlim ang langit kaya kahit alas tres na ng hapon ay hindi masakit ang sikat ng araw dahil natatakpan ito ng makakapal na ulap.
“Perfect nga talaga ngayong mag swimming dahil hindi nakaka-itim,” sabi naman ni April na tumabi sa akin.
May dala itong paper plate na puno ng iba’t-ibang putahe ng pagkain.