PRANK#5
April 1, 2015
Halos sumabog na ang natitira kong pagtitimpi habang binabaliktad ang mga nagkalat na folder at files na nasa taas ng aking desk table kakahanap ng sign pen na hawak ko lang kanina.
Hindi ko na rin napigilang mapamura ng hindi ko talaga ito makita. Sinilip ko na rin ang ilalim ng aking desk para lang tingnan kong nahulog ba iyon, pero wala talaga.
Mas lalo akong nabadtrip ng mapatingin uli ako sa tambak na mga files na nasa harapan ko na hindi ko pa maumpi-umpisahang permahan dahil nawawala ang paborito kong sign pen.
Pabalya akong napasandal sa swivels chair habang nakatakip ang dalawa kong palad sa aking mukha para pigiling mapasigaw sa sobrang inis.
Marahan kong niluwagan ang pagkakatali ng aking neck tie at nagpakawala ng isang buntong hininga bago tumingin sa taas ng kesame at pilit na pinapakalma ang sarili. Nang hindi ko na makayanan ang sobrang pagka-badtrip ay tumayo ako at lumabas ng aking mini office na nasa loob ng aking bahay.
Nangtungo ako sa balcony at nagsindi ng sigarilyo. Hithit-buga ang ginawa ko hanggang sa naramdaman ko na ang unti-unting pagkalma ng aking sarili mula sa pagkaka-badtrip.
Nang maubos ko ang isang stick ng sigarilyo at maramdaman ko na ang pagkalma ng sarili ko ay nagbalik na uli ako sa aking mini-office.
Kakapasok ko pa lang ay nakita ko na agad ang sign pen na kanina ko pa hinahanap. At ang nakakapa- taka pa ay nasa itaas lang iyon ng mga nagkalat kong papeles na nasa aking desk.
Kunot noo akong napalapit sa aking desk at hindi makapaniwalang dinampot ang sign pen sa desk. Nang makomperma kong iyon nga ang kanina ko pang hinahanap na sign pen ay napalinga-linga ako sa paligid ng aking mini office.
Impossibleng may ibang tao pa dito sa loob dahil alas-dose na ng madaling araw, sigurado akong tulog na ang mga kasambahay ko at wala namang nangangahas sa mga ito para pagtripan ako.
Isa lang ang alam kong mahilig gumawa nito…
“April…” iiling-iling kong sambit.
Wala sa sariling napatingin ako sa maliit na kalendaryo na nasa taas din ng aking desk at nakita kong April 1 na, kaya mas lalo akong napailing.
Hindi pa rin talaga ito nagbabago, at mukhang naisahan na naman niya ako…
+++
8:00am
Bago ako pumasok ng opisina, pumunta muna ako kay April. Bitbit ang isang bouquet ng red roses na alam kong paborito niya, bumaba ako sa bagong bili kong kotse na kulay itim na Mazda.
Pumasok ako sa isang kulay puting gate at naglakad ako sa kinaroroonan ni April. Umupo ako ng paluhod sa harap ng isang marmol na nakabaon sa Bermuda grass. Tinanggal ko ang mga tuyong bulaklak na nakalagay doon at pinalitan ko iyon ng dala ko ngayon.
“Happy birthday, hon,” sabi ko.
Hinihimas ko ang marmol kong saan naka-ukit ang pangalan ng pinakamamahal kong babae. Huminga ako ng malalim para pigilin ang paninikip ng dibdib ko.
Isang taon na ang lumilipas, pero tuwing pumupunta ako sa lugar na ito ay malinaw na bumabalik ang mga pangyayari dati. Kahit isang taon na ang lumipas, hindi pa rin naghihilom ang sakit na iniwan ni April ng mamatay ito sa araw ng kaarawan niya.
Ang araw kong saan dapat ay masaya ito. Ang araw kung saan sana ay yayayain ko na siyang magpakasal. Siguro may anak na kami ngayon kong hindi lang nangyari ang disgrasya noon.