"Mga kapatid, halina't manawagan kay Hesukristo upang ang ating kapatid na si Florencia, ay pagkalooban nya ng awa't kalinga. Panginoong Hesukristo, sa paghahain mo ng iyong buhay para sa lahat, ipinamalas mo ang pagmamalasakit at paglingap. Panginoon, kaawaan mo kami." Pagkatapos na iyong sinabi ni father ay isa isang nagsilapitan ang mga kamag-anak ko sa hukay, upang tapunan ng rosas ang kanyang kabaong.
Napakasakit para sa akin na wala ako sa mga oras na hinahanap ako ni Lola Flor sa kanyang pagtapon ng huling hininga. Ni hindi man lang ako nakapag-paalam, o masabi man lang kung gaano ko sya kamahal. Siya kase ang nagpalaki sa akin simula ng namatay ang aking mga magulang. Mahal na mahal ako ni Lola Flor at di niya ako pinabayaan. Pero nasaan ako nung mga huli nyang sandali? Ayun, nagpakalunod sa alak at sa pagsinghot ng pinagbabawal na gamot.
Habang naglalakad ako palabas ng sementeryo ay nag-vibrate ang cellphone sa aking bulsa.
"Tol jamming tayo kila Sammy boy." Putangina. Nang dahil sainyo hindi ko nakapiling si lola sa kakaonting oras na meron sya. Tumulo nalang bigla ang luha sa aking mata, at sa sobrang inis ko ay hinagis ko ang cellphone sa malayo.
"Ok na siguro yan. Makalayo-layo man lang muna sa kanila." Sambit ko sa aking sarili.
Habang ako'y natutulog ay dumalaw si Lola sa aking panaginip. Naka-upo sya sa gilid ng aking kama at hinihimas ang aking ulo na para bang pinapatulog nya ako. Dahan-dahang bumukas ang kanyang bibig na para bang may sasabihin ito.
"Apo, wag ka ng malungkot. Nandito na ang Lola mo hindi kita iiwan." Malambing nyang sabi. Pagkatapos non ay hinawakan nya ako sa mukha. Malamig ang kamay niya na nagpatulo ng luha sa aking mga mata.
Gumising ako na basa ang aking unan. Sobra ko sigurong namiss si Lola na pati sa panaginip ay nakikita ko sya.
Natatapos ko ang aking araw sa panonood lang ng tv at paglaklak ng alak na natira sa ref. Kahit di ko sinasadya ay talagang napapatingin ako sa isang supot ng shabu na nasa ilalim ng lamesa. "Huling gamit ko na to." Bulong ko sa sarili.
Di ko namalayan na nakatulog pala ko habang gumagamit at nagpakita nanaman ang aking Lola Flor sa panaginip. Katabi ko sya sa sofa at dahan-dahang inaabot ang aking kamay. Pagkahawak nya dito ay dahan-dahan din niya itong inilapit sa kanyang bibig para halikan.
"Apo, bakit ka nagkaganito." Bigla pa'y tumulo ang luha sa kanyang mga mata na nagpatulo din ng sa akin.
"Patawarin mo ko Lola..." napatigil ako dahil sa pag-singhot ng aking sipong tumutulo. "Hindi ko rin alam bakit ako nagkaganito." Biglang humigpit ang pagkakahawak nya sa aking kamay. Kapansin-pansin din ang sabay na pagdilat at pagbukas ng kanyang bibig. Pero nakakapagtaka dahil tuloy-tuloy ang kanyang pagdilat na parang napupunit na ang siwang ng kanyang mga mata at tuloy-tuloy din ang pagbukas ng kanyang bibig na para bang umaabot na sa taas ng ilong ang kanyang labi. Naglalabas din sya ng tunog na parang binubuksan ng dahan-dahan ang pintuan. Nakakapangilabot ang tunog at sinasaktan nito ang aking tenga. Maya-maya pa'y biglang nilapit nya ang kanyang mukha sa akin at sumigaw.
"BAKIT KA NAGKAGANYAN APO!" Nanigas ang aking katawan at kasabay non ang aking pag-gising sa aking panaginip.
Di ko alam bakit ako binangungot ng ganon. Galit ba talaga ang Lola ko sakin bago sya namatay? Kailangan ko na talagang tigilan ang pag-gamit nito. Sabay hagis ng shabu sa basurahan.
Dalawang araw pagkatapos akong bangungutin, hindi na nagpakitang muli si Lola sa panaginip ko. Di na din ako gumamit ng shabu simula non, pero hindi talaga matigilan ng utak na tuksuhin ulit ako sa pag-gamit, na lalo pang lumakas nang dumating sa bahay ang mga tropa ko at may dalang drugs.
Gumamit kami buong maghapon, sabog na sabog ako na napahiga nalang ako sa aking kama. Dilat lang ang aking mga mata na nakatingin sa dingding. At sa di sinasadya ay pumasok sa isip ko ang mukha ni Lola sa bangungot ko, ngunit nabasag din ng may narinig ako sa labas ng aking kwarto. Pagkasilip ko sa pintuan di ko namalayan na bukas pala ito at kitang kita ang sala.
Nagulat ako ng mula sa sofa ay may tumatayong isang pigura ng tao sa dilim na bahagi. Nagtataka ako dahil umalis na ang mga tropa ko at alam kong nilock ko ang pintuan sa harap. Pero ang nagpatayo ng lahat ng balahibo sa aking katawan ay lumalapit ito sa kwarto ko ng dahan-dahan na halos dalawang metro nalang ang lapit nya sa akin.
Di ko magalaw ang katawan ko... di ako makapagsalita... di ako makapikit... at di ko maalis ang mga mata ko sa taong papalapit na sakin.
Nang tumama ang liwanag sa kanya... lalong napadilat ang mata ko. Dahil ang taong papalapit sa akin ay ang lola ko, di na sya makilala dahil kulay berde na ang mga balat nito at malobo na ang katawan. Wala din siyang buhok at ang kanyang mukha... ang kanyang mukha... ang mga mata ay lumuluwa na, at may tumutulo pang dugo sa ilong nito at bibig. Nagpupumiglas ang aking katawan na para bang ako'y nakagapos at kahit anong pilit di ko talaga maipikit ang aking mga mata.
Papalapit na sya sa akin. Di ako makapag-salita... di ko magalaw ang mga braso ko.
Papalapit na sya. Nasa pintuan na sya ng kwarto.
Malapit na sya. Dahan-dahan nyang itinataas ang kanyang mga braso na parang sensyales na yayakapin nya ako.
Ayan na sya. Dahan-dahan nyang nilapit ang kanyang mukha sa akin, at bago pa ito tuluyang dumikit ay nagising ako.
Basang-basa ang damit ko ng pawis na parang ako'y naligo. Nanginginig din ang aking katawan sa takot at ang masama pa dito'y pag pumipikit ako... nakikita ko ang imahe ng mukha ni lolang na-aagnas na. Dumagundong naman ang aking dibdib sa biglaang pagkatok sa pintuan sa harap ng bahay. Agad naman akong tumayo at pinagbuksan ito.
Isang lalakeng matanda. Pero parang namumukhaan ko sya? Hindi ko lang alam kung saan.
"Iho, ako ang tagapaglinis ng puntod ng Lola mo." Sya pala yung sepulturero ng Lola ko, kaya pala pamilyar ang mukha nya. "Hirap mo kaseng hanapin, di kita makontak."
"Ay opo, kase nawala po yung cellphone ko." Naalala ko na hinagis ko nga pala yung cellphone ko nung nasa sementeryo ako. "Ano po bang sadya?"
"Eh kase iho... nawawala ang bangkay ng lola mo sa sementeryo." Bigla akong natahimik at nawindang ang ulo. Hindi ako maka-apuhap ng sasabihin. Walang lumalabas na salita sa aking bibig dahil ang tanging nasa utak ko ay ang Lola ko na napaginipan ko kagabi. "Pwede bang samahan mo ako?"
Tumango nalang ako at di na nagsalita. Agad ay pumasok ako ng kwarto para kunin ang wallet ko... ng meron akong napansin. Ang daming langaw na lumalabas sa ilalim ng kama ko. Kaya naman ay agad ko itong sinilip... pagkadungaw ng aking ulo sa ilalim ay gumulat ang mukha ng lola ko na nakaharap sa akin.
"Saan ka pupunta apo?"
BINABASA MO ANG
Kasalanan ang Pagdilat: Tales of Horror
TerrorNandito ka ngayon sa pinaka-madilim na bahagi ng wattpad, kung saan ang pagdilat ay kasalanan at ang pagpikit ay kamatayan. Hayaan mong tangayin ka ng mga istoryang dadalhin ka sa anim na talampakan pailalim, kung saan ang mga nakatikom ay walang...