"Nasaan na ba ang tatay mo, nakalimutan na yatang kailangan ka niyang ihatid sa Echague. Dapat ay kanina pang alas sais siya narito." Inayos muli ni Nanay ang mga dala kong karton. Itinabi niya ito sa kalahating sako ng bigas.
"Baka nakipag-inuman na naman yun, Nay." Sagot ng bunso kong kapatid.
"Napakatigas talaga ng ulo ng Tatay niyo. Nakakahiya pa naman kapag nasobrahan siya sa inom." Pumasok si Nanay sa kuwarto nila at nang bumalik ay dala na niya ang kanyang cellphone. Nagdial siya ngunit unattended ang kabilang linya. "Magbihis ka na lang ulit dahil sigurado akong tama ang kapatid mo. Bukas ka na maihahatid ng magaling mong ama."
Si Tatay ay dating security guard, tubong Manila. Nang maikasal sila ng Nanay ay dito na sila sa Bautista nanirahan. Hanggang sa kunin siya ni Mayor Abellana bilang personal driver nito. Halos sampung taon na siyang naninilbihan kina Mayor. Walang hilig sa pagsasaka ang itay, mas gusto talaga niya ang trabaho niya.
Hindi naman nagrereklamo ang Nanay dahil sanay siya sa gawaing-bukid. At may mga tumutulong din na kamag-anak namin. Ngunit tuwing off ni Tatay ay hindi din niya matiis ang Nanay kaya tumutulong pa din ito.
Naglakad siya ulit sa direksiyon ng pintuan ng kuwarto nila. "Matutulog na ako at napagod ako sa buong maghapon. Kayong dalawa, agahan niyo din ang pagtulog dahil pahirapan na naman ang paggising sa inyo kinubukasan. Lalo ka na bunso, hinaan niyo ang tv." Utos niya sa dalawa kong kapatid.
Nagbihis nga ako at humiga na din. Hanggang sa hinila na ako ng antok. Nagising ako dahil sa mahinang yugyog sa akin.
"Ate. Gising. Nasa labas si Kuya Ry. Siya daw ang maghahatid sayo dahil nakatulog na si Tatay sa mansion nila."
Napabalikwas ako ng bangon.
"Pinapasok mo na ba siya?"
"Oo ate, nagkakape pa nga. Kanina pa sila. Naisakay na din yung mga bagahe mo sa sasakyan nila."
"Sinong kasama niya?" Mabilisan akong nag-ayos ng sarili at nagwisik ng konting pabango. Isinuot kong muli ang white V-neck shirt ko at pinatungan ko iyon ng hoodie jacket na ipinahiram noon ni Ryker sa akin. Medyo malaki iyon kaya halos lumagpas na iyon sa puwetan ko. I paired it with a black leggings.
"Si kuya Liam at ang driver nila. Bilisan mo, ako na lang ang magsasabi bukas kay Nanay. Nasa dreamland na iyon." Lumabas na siya.
Kinuha ko ang backpack ko at lumabas na rin.
"Tingnan mo nga naman, simula pagkabata lagi na kayong magkatabi kahit sa picture ng bebe mo." Narinig kong sabi ni Liam. Nakatayo siya sa achievements wall naming magkakapatid.
Nakahilera doon ang mga medals at recognition photos namin magmula noong kinder hanggang ngayon. Sinabihan ko na si Nanay na itago na niya iyon ngunit ayaw niya. Para sa kanila daw ay nararapat lamang na idisplay iyon.
Ang iba kong trophy naman ay nasa display cabinet na malapit lang din sa achievements wall.
Nang tumapat si Liam sa A4 size graduation pic ko noong elementary ay kinuha niya ang kanyang phone at pinicturan iyon. Pagkatapos ay tumawa siya ng mahina.
Magmula kinder hanggang graduation ng elementary ay lagi lang akong pangalawa sa kanya sa honor rolls kaya lagi siyang kasama sa mga litrato.
"Look at your photo here, 'Pre. Parang dinilaan ng sampung baka ang buhok mo. Clean and shiny. Hati pa sa gitna!" He silently giggled again.
Sinulyapan ko si Ryker na nakaupo sa single rattan sofa na sumisimsim pa din ng kape. Bahagyang nakakunot ang kanyang noo, halatang inis kay Liam.
"Napakaaliwalas talaga ng bahay niyo, Amihan." Puri pa ni Liam. Ilang beses na din silang nakapunta dito. Minsan ay mas gusto nilang tumambay dito dahil may maliit na kubo sa likod ng bahay. Doon kami minsan nagmimeeting para sa SK activities.
BINABASA MO ANG
Her Almost Perfect Love Story (Montecillo Sisters Series 1)
RomanceSunsets, DSLRs, and rings. These are the things that will always remind Amihan of the sweetest love story she ever had in her life. Ever since she was a teenager, it was like a destiny to be with Ryker, because who wouldn't fall for someone physical...