Kabanata 5: Ang Katanungan

25 5 6
                                    

[Kabanata 5: Ang Katanungan]

"ANG tulang binigay mo sa akin. Ang nilalaman ng tatlong saknong na iyon... ano ang ibig mong ipunto? Iyon ba ay tula ng paghanga... o tula dulot ng pag-ibig?" tanong ni Louisa direkta sa mga mata ni Leonardo. Mula sa hindi pagkibo kanina ng binata ay napansin rin niya ang pagbitaw nito sa hawak na maleta at sumbrelo.

"G-ginoo?" tanong muli ni Louisa habang naka kunot ang noo dahilan upang matauhan si Leonardo. Agad pinulot ng binata ang mga nabitawang gamit at pilit iniiwasan ang mapanuring mga mata ng dalaga. Hindi siya handa sa isasagot dito, umaatras din ang kaniyang dila kapag nais niyang sabihin sa dalaga ang salitang panliligaw. "Nais ko lang sanang alamin sapagkat---"

"Pag... P-paghanga," wala sa sariling sagot nito dahilan upang matigilan si Louisa sa sasabihin. Isinuot ni Leonardo ang kaniyang sumbrelong kakulay ng kaniyang kasuotan at tumitig sa kung saan. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin upang makatakas sa babaeng nagdudulot sa kaniya ng pagkatuliro. Tila gusto niyang bawiin ang isinagot at palitan ng ikalawa.

Napalingon muli siya sa dalaga nang maulinigan niya itong tumikhim, "Paumanhin, ngunit ano ang iyong ngalan at---"

"Louisa! Susmaryosep, kanina pa kita hinahanap!" napaiktad sila pareho sa sigaw na iyon ni manang Sora. Siniklaban naman ng pangamba ni Louisa sapagkat tumatakbo papalapit sa kanila ang matanda. Magtatago sana siya sa isang puno malapit sa kanila ngunit huli na ang lahat, nakalapit na ito sa kaniyang tabi habang hawak-hawak ang kaniyang kanang braso.

"Ano bang pumasok sa iyong pag-iisip at bigla-bigla ka na lamang tumatakbo? Batid mo bang hindi kaibig-ibig ang iyong ginawa? At isa pa, paano kung---" naputol ang litanya ni manang Sora nang mapansin ang binatang nakaharap sa kanila habang naka yuko.

Kinabahan si Louisa sapagkat nagsimula nang maningkit ang mga mata ni manang Sora upang suriin ang lalaking kaharap niya. Kilala niya itong may kalabuan ang mga mata ngunit matandain ito sa mga taong nakakahalubilo. Kung kaya't kahit na magdasal pa siya na sana ay hindi nito makilala si Leonardo, batid niyang katapusan na niya.

"G-ginoong Leon, ikaw pala iyan," saad ni manang Sora na nagbalik sa malumanay na tono ang boses niya kanina na halos pasigaw na. Nakilala niya ang binata sapagkat ito ang binatang nakabanggaan ni Louisa noong nakaraang araw.

Napakapit si Louisa sa dulo ng kaniyang saya habang si Leonardo naman ay yumukod sa matanda kahit na ibig na niyang tumakas sa tagpong iyon. "Magandang umaga po, donya," saad ni Leonardo saka tumunghay at ngumiti ng naiilang diretso sa matanda.

Ngumiti rin naman ng marahan ang matanda saka umiling, "Nako, hijo. Kung inaakala mong anak ko si Louisa, nagkakamali ka. Ako ang kanilang mayor doma sa kanilang mansion," saad nito sapagkat batid niyang inaakala ng binata na siya ang ina ni Louisa. Napalagay naman ang loob niya sa binata sapagkat nararamdaman niyang magiliw at mapagkakatiwalaan ito kung kaya't naglahad na siya ng ilang impormasyon dito.

"G-gayon ho ba?" tanging saad lamang ni Leonardo sapagkat wala siyang masabi. Muli niyang hinubad ang sumbrelo, inilagay sa dibdib saka yumukod sa matanda. Ngumiti naman si manang Sora sa ipinakitang paggalang ng binata ngunit agad ding natigilan nang muling maalala ang ideya na ito ang hinahabol ni Louisa.

Bumaling siya kay Louisa na napayuko dahil sa kahihiyan. Nakita niya itong inayos ang balabal upang mas matakluban pa ang kaniyang mukha. Nilingon niya na lang muli ang binata na agad ding umiwas sa kaniyang mapanuring mga mata. May nararamdaman siyang tila kakaiba sa mga kabataang kasama. Hindi niya maipaliwanag ngunit wala ang salitang takot sa nararamdaman niya.

Magsasalita sana sina Louisa at Leonardo nang maulinigan nila ang pagdating ng isang kalesa. Tumikhim na lamang si manang Sora at hinawakan muli sa braso ang kaniyang alaga. Dumating na ang inaasahang kalesa matapos niyang habulin ang dalaga.

Guhit, Sukat at TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon