Kabanata 17

230 16 9
                                    

Tila sumang-ayon ang mahinang pag-ihip ng hangin sa mga katagang binitawan ko kay Vicente. Sandali siyang natigilan habang nakaharap sa ilog at hindi agad nakapagsalita. Hindi niya siguro inasahan ang mga sinabi ko.

Hindi ko rin maintindihan kung saan ko nakuha ang lakas ng loob para sabihin yon sa kaniya pero alam kong kailangan niya rin yong marinig. Maaaring madalas akong naiinis kay Vicente pero hindi naman ako masamang tao na hahayaan lamang siyang isipan na may mali sa kaniya.

Akmang maglalakad na talaga ako pabalik sa mansyon nang bigla niya akong tinawag.

"Sandali. Hindi kita maaaring hayaang bumalik don nang hindi mo pa nakikita ang kabuuan nitong hacienda," parang pilit niyang tinatago ang totoo niyang nararamdaman habang nilalahad ang kaniyang kamay. Nahihiya siguro siyang ipakita sakin na natuwa siya sa mga sinabi ko kanina.

Ilang segundo ko naman siyang tinignan. Mukhang seryoso naman siya sa imbitasyon niyang ipasyal ako dito sa malawak nilang hacienda.

Pero bigla akong napaatras nang mapagtanto na sasakay kami sa inuupuan niyang maliit na bangka.

"Bakit?" mabilis siyang nagtaka nang mapansin ang bigla kong pag-alinlangan. "Ikaw ba'y hindi marunong lumangoy?" sunod niyang tanong at unti-unting napangisi nang makita sa aking reaksyon ang sagot.

Tumaas naman ang kilay ko sa kaniya dahil mukhang bumalik na ang mapang-asar niyang tingin. "May sinabi ba akong hindi ako marunong lumangoy? Hindi ko lang inasahan na sa ilog pala tayo mamasyal. Paano kung mahulog ako diyan at mabasa tong suot ko? Sinong giginawin sa daan? Ikaw ba o ako?" palusot ko pero mukhang alam niya na talagang hindi ako nagsasabi ng totoo.

Noong bata ako, madalas lang kaming pumunta sa dagat o maligo sa swimming pool. Masyado na ring matanda ang lolo't lola ko kaya hindi na nila ako naturuang lumangoy. Kaya tuwing may 'out of town trip' kami ng mga kaibigan ko, palagi akong may dalang salbabida o di kaya nakakapit lang ako palagi sa gilid ng swimming pool.

"Wag kang mag-alala, binibini. Matibay ang bangkang ito kaya hindi ka mahuhulog o mababasa ng tubig," ngisi niya at napahalukipkip naman ako.

"At paano ka naman nakakasiguro?"

"Dahil ako mismo ang gumawa nito," mabilis niyang sagot at kitang-kita talaga sa mukha niya kung gaano siya ka-confident sa ginawa niyang bangka. Aalma pa sana ako dahil sa kayabangan niya nang magsalita siya ulit.

"At wag kang mag-aalala, hinding-hindi kita ipapahamak," dagdag niya at sandali kaming nagkatinginan. Ang kaniyang mapang-asar na tingin ay napalitan naman ng isang sinserong ngiti.

Sa pagkakataong yon, para bang may biglang nagdikta sakin na tanggapin ang kaniyang kamay. Maingat niya akong inalalayan pasakay ng bangka bago siya nagsimulang magsagwan.

Kalmado lang ang agos ng tubig pero hindi ko maiwasang kabahan dahil mukhang malalim talaga ang ilog. Paano kung mahulog ako at malunod?

"Paminsan-minsan, mas mainam na pagmasdan natin ang mga magagandang tanawin na nakapaligid sa atin kaysa lunurin ang ating isipan nang mga bagay na makakadagdag lamang sa nararamdaman nating takot," napatingin ako sa kaniya nang bigla siyang magsalita. At nanlaki naman ang mga mata ko nang makita ang tanawin sa kaniyang likuran. Hindi ko namalayan na nakalagpas na pala kami ng ilog patungo sa isang tagong lawa.

"Ito ang Lago del Sueño o Lawa ng Panaginip," sabi ni Vicente at hindi ko maiwasang mapangiti dahil sa sobrang ganda ng nakikita ko. Parang tanawin na kinuha mismo sa isang painting. "Mula sa mga palayan na iyong natatanaw mula sa bahay, sa ilog na ating dinaanan, at hanggang sa lawang ito ang nasasakupan ng hacienda Villavicencio."

"Sobrang lawak pala ng hacienda niyo," komento ko habang nakatingin sa repleksiyon ko sa tubig. Kompara kanina, tila nawala bigla ang takot ko.

"Ang hacienda Villavicencio ay pagmamay-ari lamang ng aking mga magulang," tumaas naman ang kilay ko. Ganyan din kasi ang sagot ng mga kilala kong anak ng mga mayayaman.

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon