Kabanata 26

186 14 9
                                    

Natulala ako sa suot kong purselas at parang sasabog na ang puso ko sa sobrang bilis ng pagtibok nito. Hindi ko maintindihan pero bigla na lang akong nahirapang huminga.

"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Vicente na nakatayo sa tabi ko. Napansin niya siguro ang kakaiba kong reaksiyon. Aalalayan niya sana ako nang bigla akong napabalik sa aking ulirat.

Nilingon ko ang matandang Instik na may-ari ng tindahan. "Nagkakamali po kayo. Wala po kaming relasyon nitong kasama ko. Magkakilala lang po talaga kami," pagdadahilan ko matapos marinig ang mga sinabi niya. "Sa katunayan, bibilhan niya rin yata ng regalo ang babaeng talagang napupusuan niya. Meron pa po ba kayong ibang disenyo na kasingganda nito o mas maganda pa?"

"Mayroon pa po, Señorita. Sandali lamang at aking kukunin sa loob. Kung nais niyo pong sumunod ay maaari rin. Hali po kayo," dali-dali kaming iniwan ng matanda sa bukana ng pinto.

"O? Ano pang hinihintay mo dyan? Sundan mo na siya para makapili ka na rin ng ireregalo mo kay Estella. Dapat yong mas maganda pa dito," pagtulak ko kay Vicente na sundan ang matanda sa loob.

Hindi naman siya nakapagsalita dahil tinawag na din siya ng matanda. Nang maiwan akong mag-isa, napahawak ulit ako sa puso ko at tinignan ang suot kong purselas. Literal na sumikip ang dibdib ko dahil sa mga nalaman ko tungkol dito.

Sinong mag-aakala na ang pamanang 'to na pinagpasa-pasahan sa pamilya namin sa loob ng ilang henerasyon ay pagmamay-ari pala ni Karina at bigay pa sa kaniya ni Vicente? Hindi talaga ako makapaniwala.

Nang makalabas kami nang tindahan ay nagdesisyon na ako na gusto ko ng umuwi. Hindi na namin naabutan pa si ina sa simbahan kaya hindi na ako nakatakas sa alok niyang ihatid ako sa bahay.

Kasalukuyan kaming naglalakad ngayon sa kalsadang pinapagitnaan ng malalawak na palayan. Mabuti na lang at medyo maulap ngayong araw kaya hindi mahirap maglakad-lakad. Presko din ang simoy ng hangin kaya hindi ganon kainit.

"Tila nakakapanibago ang iyong katahimikan. Hindi mo ba nagustuhan ang aking iniregalo?" tanong ni Vicente kaya napatingin ako sa kaniya at umiling.

"Syempre gusto at ito na nga siguro ang pinakamagandang regalo na natanggap ko dito," sagot ko sa kaniya at pinagmasdan ang mga magsasaka sa di-kalayuan.

"Dito? Ano ang iyong ibig sabihin?" nakakunot-noo niyang tanong kaya bigla akong natauhan.

"Ah ang ibig kong sabihin, ito ang pinakamagandang regalo na natanggap ko dito sa El Sueño. Yong ibang regalo kasi na meron ako nagmula pa sa ibang lugar," palusot ko at umiwas na lang ng tingin. Hindi siya agad nakasagot kaya nagsalita ulit ako.

"At sigurado talaga akong magugustuhan din ni Estella ang ibibigay mo sa kaniya kapag nagkita kayo ulit," pag-iba ko ng pag-uusapan. "Nakakasiguro ako na bagay sa kaniya 'yang napili mo."

"Sana nga at maibigan ito ng aking pagbibigyan," napangiti siya ng kaunti. Siguro hindi na rin siya makapaghintay na ibigay 'yon kay Estella. Napahinga na lang ako ng malalim. Ang swerte ni Estella dahil merong lalaking katulad ni Vicente ang nagmamahal sa kaniya. Isip ko habang palihim na pinagmamasdan ang huli.

Ilang metro na lang ang layo naming dalawa sa bahay nang bigla siyang napahinto. "Bakit? May problema ba?" paglingon ko sa kaniya.

Napansin kong nag-alinlangan siya bago magsalita, "Ako pala ay luluwas ng Maynila bukas ng umaga. May mga mahahalaga kasi akong aasikasuhin sa hukuman doon at mga ilang araw din akong mawawala," panimula niya at bahagyang napayuko. "Kung papayag ka, maaari ba tayong magkita bukas ng umaga bago ako umalis? May mahalaga sana akong ipagtatapat sa iyo," dagdag niya at nagtapat ang mga mata naming dalawa.

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon