Kabanata 4

346 24 10
                                    

Mabilis na bumangon sa pagkabigla si Karylle dahil wala siyang makita nang iminulat niya ang kaniyang mga mata. Nakasarado ang mga bintana ng silid kung nasaan siya unang nagising kanina at kasalukuyan siyang nasa isang sulok lamang.

Hindi niya namalayang nakatulog na pala siya kanina dahil sa walang tigil na pagluha. "H-Hindi nga yon panaginip lang," bulong niya sa kaniyang sarili na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala sa nangyayari sa kaniya.

Maraming katanungan ang gumugulo sa kaniyang isipan sa mga pagkakataong iyon. "P-Pero paano ako nakapunta dito? A-At paano ako makakabalik? O makakabalik pa ba talaga ako?" muli niyang pag-iyak at napahilamos nalang ng kaniyang mukha dahil sa pinaghalong emosyon na kaniyang nararamdaman.

Ilang sandali lang ay narinig niya muli ang sunod-sunod na pagkatok mula sa pintuan. "Karina, pakiusap. Buksan mo na itong pinto. Ako'y lubos ng nag-aalala sa'yo. Hayaan mong kausapin kita," rinig ni Karylle mula sa labas. Sa pagkakataong iyon, batid na niyang si Adela ang nagsasalita.

Hindi mawala sa kaniyang isipan kung bakit 'Karina' ang tawag sa kaniya ng mga naroroon. Patuloy na tumatakbo iyon sa kaniyang isipan hanggang sa naalala ni Karylle na noong bata pa siya ay minsan na niyang narinig ang pangalang iyon mula sa kaniyang lolo.

"Señorita, pakiusap po. Buksan niyo na po itong pinto. Hayaan niyo pong kausapin kayo ni Señorita Adela," nagmamakaawang pagtawag ni Cristina ngunit tila wala itong epekto kay Karylle na magulo pa rin ang isipan hanggang ngayon.

Pakiramdam ni Karylle ay hinayaan na naman siyang maging mag-isa sa isang sitwasyong hindi niya lubos na maipaliwanag. Inakala niyang magiging maayos na ang lahat dahil unti-unti ng natutupad ang kaniyang mga pangarap ngunit nagkamali siya, dahil binigyan na naman siya ng isang panibagong pagsubok. Isang pagsubok na hindi na siya sigurado kung kaya niya pa bang malampasan.

Mayamaya lang ay nakarinig si Karylle ng mga hakbang palapit sa tapat ng pinto. Narinig rin niya ang pagkausap ni Adela sa taong kakarating lang. "Hindi na namin alam kung ano ang aming gagawin. Kanina pa namin siya pinapakiusapn ngunit ayaw niya kaming pagbuksan ng pinto."

"Ano ba talaga ang nangyari?" napalingon naman si Karylle nang marinig ang nag-aalalang boses mula sa lalaking nasa tapat din ng pinto.

Rinig ni Karylle na sandaling natahimik si Adela at nag-alinlangang sagutin ang tanong ng kausap niyang iyon. "Ang sabi ng doktor ay maaaring naapektuhan ang kaniyang isipan dahil sa pagbagsak niya kaninang umaga. Ayon kasi kay Cristina ay bahagyang tumama ang ulo ni Karina sa lupa nang una itong nahimatay sa simbahan. Ngunit nakakasiguro rin ang doktor na pansamantala lamang daw ang kalagayan ni Karina ngayon. Nangangamba lamang ako dahil hindi namin siya nakakausap kanina pa."

Ilang sandali lang ay nagitla si Karylle nang biglang bumukas ang pinto at napapikit siya dahil sa liwanag mula sa labas. Hindi siya agad nakapagsalita nang tumambad sa kaniyang harapan ang isang lalaking matangkad at may kaunting balbas.

"L-Lolo?" di makapaniwalang bulong ni Karylle na narinig rin ng taong kakapasok lang ng silid. Tila natulala siya dahil kahawig ng lalaking iyon ang lolo niya noong binata pa lamang ito.

"Masyado na bang halata ang madalas kong pagpupuyat sa gabi upang pagkamalan mong lolo ang iyong nakakatandang kapatid?" biro nito sa kabila ng pag-aalala niya para sa kalagayan ng kaniyang kaharap.

"K-Kapatid?" tila hindi makapaniwalang tanong ni Karylle na hanggang ngayon ay talagang naguguluhan pa rin. "Magkapatid tayo?"

Unti-unting humakbang ang lalaki palapit kay Karylle at maingat na hinawakan ang magkabilang balikat nito, "Iyo na bang nakaligtaan? Ako ito, ang iyong Kuya Isaac."

Hindi agad nakapagbigay ng tugon si Karylle dahil sa kaniyang nalaman. Napagtanto niya kung bakit tila kahawig ng kausap niyang iyon ang kaniyang lolo. Hindi siya makapaniwalang ang lalaking kaharap niya mismo ngayon ay ang kaniyang kalolololohan na si Isaac Alferos.

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon