Chapter III

4.8K 125 4
                                    

Nang mamatay ang mga magulang nila maagang nagkaroon ng responsibilidad ang kuya niya. Katuwang ng Mama Charry niya at pinsang si Jeffrey, pinatakbo ng kuya niya ang hardware business nila. Ito na rin ang tumayong ama't ina sa kanya. Sobra-sobra ang pagmamahal na ibinigay sa kanya ng kuya niya. Kaya nagawa nitong burahin sa isip niya ang maling paniniwala niya, na malas siya at siya ang dahilan kung bakit namamatay ang mga taong mahal niya.

Pero bumalik ang lahat ng masasamang isiping iyon nang mamatay ang kuya niya. Automatic na nabuhay lahat ng sakit ng nakaraan. At sa lahat ng iyon, sinisisi niya ang sarili. Kaya lumayo siya at piniling mabuhay mag-isa. Sa ganoong paraan siguro wala nang mamatay, kasi hindi na siya magmamahal ng kahit na sino. Maging ang pinakamamahal niyang Mama Charry na kapatid ng mama niya ay nilayuan niya rin. Dahil ayaw niyang magaya rin ito sa parents niya na namatay ng dahil sa kanya.

Ang Mama Charry niya at ang anak nitong si Jeffrey ang pansamantalang nagpapatakbo ng hardware business na naiwan ng kuya niya. Ilang beses na rin siyang pinakiusapan ng mga ito na umuwi na, pero buo na ang pasya niya. Hindi niya idadamay ang mga ito sa kamalasan niya dahil ang mga ito na lang ang natitirang pamilya niya.

Dahil muling naalala ni Thea ang nakaraan nagpakalasing siya sa bar nang gabing iyon. Pagod na siyang umiyak. Gusto na niyang kalimutan ang lahat ng 'yon. Kaya inilugmok niya ang sarili sa alak. Sa 'di kalayuan nakatanaw sa kanya ang estrangherong lalaki na nakitulog sa unit niya, Si Cedric Lee. Mag-isa lang din itong nag-iinom no'n para makalimot sa mga problema niya sa kompanya. Napangiti ito nang ma-realize na tila pinagtatagpo talaga sila ng tadhana. Sa dinami-dami kasi ng bar sa Quezon City sa iisang bar pa sila napadpad dalawa.

Thirty years old na si Cedric. CEO siya sa sarili nilang kompanya na Real Estate. Bumibili sila ng mga murang property atsaka nila dine-developed at ginagawang subdivision o 'di kaya'y condo unit. Nag-leave siya para makahinga sa napaka-toxic niyang trabaho. Sunod-sunod kasi ang kapalpakang nagawa niya sa kompanya. Hindi niya kasi nagagampanan nang maayos ang posisyon niya. Ang totoo kasi wala talaga sa loob niya ang pagpapatakbo ng negosyo nila. Siya kasi 'yung tipong pa-chill-chill lang.

Kaya nabigla siya sa laki ng responsibilidad na binigay sa kanya ng papa niya. Noong una, okay pa sa kanya. Dahil nae-enjoy niya pa ang label na CEO. Mas lalo kasi siyang pumogi sa paningin ng mga babae. Kusang lumalapit ang magagandang babae sa kanya. At hindi lang basta mga babae, magaganda at sexy ang mga ito.

Dahil wala pa siyang alam sa pagpapatakbo ng negosyo nila. Ipinaubaya niya ang lahat sa mga Managing Directors at naupo lang siya at naghantay ng results sa opisina niya. Noong una nasa ayos pa ang lahat. Medyo tapat pa ang mga ito sa kanya. Pero habang tumatagal, pababa nang pababa ang sales nila hanggang sa nag-pull out na ng shares ang ibang investors. Hindi niya 'yon agad nalaman dahil masyado nga siyang nagtiwala sa mga tauhan niya. Hindi niya akalain na may magtatraidor sa kanya.

Galit na galit sa kanya ang papa niya nang mabalitaan ang lahat. Nagbakasyon kasi ito kasama ng mama niya sa Canada. Kung mayroon lang daw ibang mapagsasalinan ng posisyong iyon. Hindi 'yon mapupunta sa kanya. Masyado kasi siyang iresponsable. Malayong-malayo sa katangian ng isang CEO. Pero nag-iisang anak lang siya. Kaya walang ibang choice ang papa niya kung hindi ipagkatiwala sa kanya ang lahat. Dali-daling bumalik sa Pilipinas ang parents niya pero sa halip na ayusin ang gusot na ginawa niya, iniwanan niya ang lahat ng sakit ng ulo sa papa niya. Kaya mas lalo pa itong nagalit sa kanya.

Hindi lang ilang beses siyang ibinuyo ng mama niya na mag-asawa na. Baka raw kasi kapag may pamilya na siya matuto siyang magseryoso sa buhay. Baka sakaling maging responsable siya. Pero panay naman ang tanggi niya. Katwiran niya, hindi niya naman kailangang magpatali sa isang babae. Kung gusto ng mama niya ng apo kaya niya naman itong bigyan nang walang kasalang magaganap. Kaya naman buwist na buwisit sa kanya ang mama niya. Hindi raw nito alam kung saan siya nagmana ng kasutilan. Mabait at tapat naman kasing asawa ang papa niya. Hindi katulad niya na daig pa ang nagpapalit ng underware kung magpalit ng girlfriend. Kung girlfriend nga ang tawag niya sa mga iyon.

Napansin ni Cedric ang isang lalaki na panay sulyap kay Thea kaya agad na siyang tumayo papunta sa dalaga. "Babe, uwi na tayo," kunwa'y sabi niya habang papalapit kay Thea. Nakasubsob na noon sa mesa si Thea sa sobrang kalasingan. Biglang natigilan ang lalaki na noo'y naglalakad na rin papunta sa direksiyon ng mesa ni Thea. Naiiling na bumalik ito sa puwesto nang makitang inaalayan na niya na tumayo ang dalaga.

"Ayoko pang umuwi!" singhal ni Thea sa kanya sabay wasiwas ng kamay.

"Lasing ka na, eh," ani Cedric.

Lumapit sa kanila ang isang waiter atsaka inabot sa kanya ang bill ni Thea. Marahil inakala rin nito na magkarelasyon nga sila. Hindi naman kasi nag-react si Thea nang tawagin niya itong Babe. Matapos niyang bayaran ang bill nila. Inalalayan na niya palabas ang dalaga.

"Ano ba'ng problema mo? Bakit nagpakalasing ka nang ganyan?" aniya nang maisakay niya ang dalaga sa kotse.

"Wala kang pakialam! Umalis ka na nga!" ani Thea na itinulak pa siya palabas atsaka isinara ang pinto ng kotse. Agad namang umikot si Cedric sa driver's seat nang matanaw niyang tumatawid sa kabila si Thea.

"Sabi nang umalis ka na, eh!" singhal ng dalaga na noo'y nakahawak na sa manibela. Napangiti si Cedric. Mukha kasing balak itakbo ng dalaga ang kotse niya.

"Ayos, ah! Ako na nga ang pinagbayad mo ng bill mo, tapos balak mo pang itakbo ang kotse ko," biro niya.

"Ano'ng kotse mo? Kotse ko 'to!" giit ng dalaga na noo'y yumakap na sa manibela.

Natawa si Cedric. "Lasing ka ba o naglalasing-lasingan lang? Umayos ka na nga nang makauwi na tayo."

"Ayoko nga!" parang batang sabi ng dalaga na noo'y mas lalo pang dumukdok sa manibela. Sapilitang binaklas ni Cedric ang mga kamay ni Thea na nakayakap sa manibela kaya para na rin siya nitong niyakap.

"Umayos ka nga!" ani Cedric nang makalas ang mga kamay niya.

Biglang natigilan si Thea. Nagtaas ito ng ulo atsaka tumingin sa kanya. Tila narinig kasi nito ang boses ng kuya niya.

"Kuya?" tila wala sa sariling sambit ng dalaga. Unti-unti niyang hinawakan ang pisngi ni Cedric na tila may iba siyang nakikita.

Stranger in My RoomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon